Tula Tungkol Sa Sarili : 8 Maikling Tula Tungkol Sa Sarili

TULA TUNGKOL SA SARILI – Sa araling ito inyong matutunghayan ang ang mga kinalap at pinagsama-samang tula tungkol sa pagpapakilala sa sarili ng mga makatang Pilipino. Ang mga halimbawa ng maikling tula tungkol sa pagmamahal sa sarili ay nanggaling sa mga tunay na nadarama o galing sa puso ng mga sumulat.

Ang mga maikling tula tungkol sa pagpapakilala sa sarili ay nagpapakita na ang bawat tao ay may natatanging taglay na katangian. Lahat tayo ay hindi perpekto at pantay pantay sa mata ng Diyos. Iba-iba din ang pagpapalaki sa atin ng ating mga magulang na siyang naging dahilan kung bakit may mga kanya-kanyang kaugalian tayo. Bagama’t ang mga tula tungkol sa sarili ay sadyang makatutulong sa atin upang palakasin natin ang ating mga kahinaan.

Sana ang mga halimbawa ng maikling tula tungkol sa pagpapakilala sa sarili ay maging daan upang mahalin natin ang ating mga sirili. Iwasan ang pagkumpara ng sarili sa iba. Nawa ay tanggapin natin kung sino tayo at mahalin muna natin ang ating sarili bago ang iba.

See also: Tula Tungkol Sa Wikang Filipino

Halimbawa Ng Tula Tungkol Sa Sarili

Time needed: 10 minutes.

Narito ang mga Halimbawa ng Tula Tungkol sa Sarili.

  1. Tula Para Sa Sarili

  2. Tula Ng Buhay Ko

  3. Sugat Ng Lasing

  4. Tama, Ayoko Na

  5. Aking Sarili

  6. Patutunguhan

  7. Para Sa Aking Sarili

  8. Handa Sa Aking Kaarawan

Tula Tungkol Sa Sarili (Pangarap at Pamilya): 8 Halimbawa Ng Tula 2022

TULA TUNGKOL SA SARILI 2021 - 8 HALIMBAWA NG TULA TUNGKOL SA SARILI
TULA TUNGKOL SA SARILI 2021 – 8 HALIMBAWA NG TULA TUNGKOL SA SARILI

Ipagpatuloy lang ang pagbabasa hanggan sa dulo nang artikulong ito para makita mu ang mga nilalaman ng bawat isang Tula tungkol sa Sarili. Nawa kayo ay masiyahan at maging inspirasyon ang mababasa ninyong mga halimbawa ng tula tungkol sa sarili.

Tula Para sa Sarili

Ang tulang pinamagatang Tula Para sa Sarili ay isang halimbawa ng tula tungkol sa pagmamahal sa sarili na magbibigay inspirasyon upang mahalin at tanggapin natin kung sino tayo.

Nasumpungan kita sa harap ng salamin.
Binabagtas ng iyong dalumat ang bawat bakat,
bawat lamat at pilat ng tatlong dekadang paghahanap
sa balon ng buhay na walanghanggan,
na nakatato sa iyong noo, sa iyong pisngi, sa iyong mukhang
tinatabingan ng iyong buhok na pinahaba upang matakpan
ang iyong mga kasalanan.

Kay tagal nating hindi nagkita bagamat lagi tayong magkasama.
Hindi madalas ang pagsisiyasat natin ng haraya
ng isa’t isa. Ngayo’y tinititigan mo ako na puno ng pag-aakusa
sa walang pakundangan kong pagpikit at pagbubulag-bulagan
tuwing tinatawag ang ating pansin ng mga salaming ating nadaraanan.
Ano ba’ng dapat kong ikatakot, iyong pinagtataka. Bakit ganoon na lamang
ang aking panghihilakbot na lumaot sa karagatan ng salamin?
Ano’ng mga halimaw at bakulaw ba ang hinahaka kong nag-aabang
sa mga alon? Ano’ng multo, ano’ng maligno ang hinihinala kong nagtatago
sa dalampasigan ng mga basag na liwanag? Hindi ba’t ipinagkakait ko sa iyo
ang kalayaang sakupin ang aking daigdig sa pag-iwas
kong sumulyap sa iyong mga mata?

Nasumpungan kita sa harap ng salamin na iyong bintana
sa aking haraya, at aking bintana sa iyo. Napadaan ako para mangamusta
at basahan ka ng ilang mga tulang ninakaw ko mula sa ating pagkabata.
Alam kong uhaw ka na sa mga talinghaga bagamat lagi kang basa
ng liwanag sa karagatan ng repleksiyong basag-basag. Tinanong mo ako
kung ako’y takot pa ring makipagpalitan sa iyo ng pwesto
ngunit ang tugon ko’y isang duwag na “lagi naman kitang kasama
saan man ako tumungo.”

Ang sabi mo’y ang mga bakat, lamat, at pilat ay di iyo kundi akin,
at ako ang uhaw, hindi ikaw, dahil lagi kang basa ng alaala’t pangarap.
Hindi iyo ang sinisiyasat kundi ang mga sarili kong guhit
ng edad, mga titik sa noo kong sumisigaw ng mga tayutay
na hindi ko ginagapos sa dahil sa takot, mga talinghagang hindi
ko hinahaplos upang magbagong-anyo at lumapat sa kaluluwa
kong pagal sa kaiiwas na magtampisaw sa iyong dalampasigan.

Hindi kita nasumpungan, kundi sinadya. Narito ako para mangumpisal
sa likod ng tingin mong mapanghusga. Narito ako para magpasintensiya
at sa wakas ay angkinin ang mga kasalanang pilit
mong tinatakluban ng pinahaba mong mga alaala.
Sinadya kita sa salaming bintana natin sa kaluluwa ng isa’t isa
dala-dala ang mga bangkay ng mga tulang aking pinaslang
habang hindi pa sila isinisilang—balot ng buntung-hininga’t panghihinayang.
Ilalatag ko ang mga ito sa iyong harapan, sa walang-katapusang daang binuksan
ng pakikipagtitigan ng ating mga mata sa basag na liwanag
at pahuhugasan ang mga walang buhay nilang basal na anyubog
sa paro’t paritong mga alon ng mga hinarayang liwanag.
Ibinabalik ko na sila sa iyong laot sa likod ng salaming bintana
at ngayo’y tatanggapin ang panghuhusga ng iyong mga mata.

Sa pag-alis ko’y hinihintay ko ang iyong pag-abswelto.
Ika’y ngumiti at ako’y inayang muling makipagpalitan sa iyo ng pwesto.
Palasap naman ng hangin ng Laguna, ng hampas at sampal ng malamig na awit
ng mga ulap na sinasabayan ng indayog ng mga punong kahoy. Patikim naman
ng mga tulang may amoy, may porma, may lasa. Nais mong maintindihan ang metapora
ng natutunaw na chicharong bulaklak sa iyong dila habang naka-marijuana
ang iyong konsiyensiya. Parinig naman ng panaginip ng buwan, ng bangungot ng araw,
ng mga ninakaw na alaala ng kapre’t tikbalang. Paamoy naman ng pawis sa singit ng birheng
tanaga, ng sangsang ng hininga ng bagong-silang na dalit, ng samyo ng bagong-paslang
na malayang taludturan. Alok mo sa aki’y pagpapatawad kapalit ang mga ito.

Nasumpungan kita sa harap ng salamin.
Iminumuwestra mo sa aking mukha ang simbolo ng krus ng pagpapatawad,
habang dumudura ka ng berso ng kapatawaran.
Lumuluha ako ng duguang berso sa pagsisisi sa aking karuwagan
habang inaanod sa iyong dalampasigan ang mga bangkay ng tula
patungo sa walang-katiyakan. Handa na akong makipagtagisan ng lakas at talino
sa anumang multo o maligno na nakatago sa ilalim ng mga dayandang
sa iyong ibayo. Handa na akong sumiping sa sinumang bakulaw o halimaw
na nagkukubli sa iyong dalampasigan.

Hindi ko babasagin ang bintanang salamin, at hindi ko mamasamain
kung paminsan-minsan ay lilimutin mong tumingin kapag tinatawag ko
ang iyong pansin. Lasapin mo ang daigdig na matagal nang dapat ay iyo;
na ngayon mo lamang tinutuklas dahil sa karuwagan ko,
ako ngayo’y lalangoy sa laot kasama ang mga naagnas kong tula
at paminsan-minsa’y mag-aabang sa salaming bintana ng ating mga kaluluwa
para sa mga pasalubong mong mga tula ng iyong panunuklas
sa balon ng buhay na walang hanggan na susuklian ko
ng mga awit ng aking panghaharaya’t pagtatangkang tumakas.

Tula tungkol sa sarili ni Juan Ekis mula pinoycollection.com.

Tula ng Buhay Ko

Ang tulang pinamagatang Tula ng Buhay Ko ay isang halimbawa ng tula tungkol sa pagpapakilala sa sarili na magbibigay inspirasyon upang mahalin at tanggapin natin kung sino tayo.

Charlene Martonito, ito’y aking pangalan
Maragondon, bayang aking sinilangan
Sa aking paglaki, namulat sa katotohanan,
Edukasyon dapat pahalagahan.

Paghubog sa aking kakayahan,
Nagsimula sa aming tahanan
Aking mga magulang, nagturo sa tamang daan,
Daan tungo sa kaunlaran.

Sumunod ang mga gurong,
Nagpaunlad sa taglay kong katalinuhan,
Umunawa sa aking mga kahinaan
At binuksan ang aking isipan
Sa pananampalataya sa Poong Maykapal.

Ang aking edukasyon,
Nagbigay lakas at kasanayan
Upang makasabay sa hamon ng buhay,
Kaya ako’y nagpupugay
Sa aking mapag-arugang magulang,
At sa gurong luminang sa aking kaalaman.

Paaralang Elementarya ng Pulo ni Sara,
Ito ang paaralang nagbigay ala-ala
Gumradweyt ng may dalang pag-asa
At ngayo’y tatahak, lalandasin ang bagong simula.

Buhay hayskul, pinakamasayang bahagi,
Kung saan sa pagkain,kami ay naghahati-hati
Pumasok sa aking guni-guni,
Kami’y magkakahiwa-hiwalay na ngunit ang ngiti
ay nananatili sa aking mga labi.

Sa aming pagtatapos,
Ligaya’y sana’y hindi maubos
Bagkus manatili pag-ibig na dulot
Ng pag-kakaibigang magkakasama sa ligaya’t hirap.

Sa aking buhay maraming pangyayaring
Hindi inaasahan,ngunit hindi ko sinusukuan
Dahil sa aking pamilya at sa Diyos na makapangyarihan
Na nagbigay sa atin ng buhay na walang hanggan.

Sa aking mga kaibigan, sana’y nagustuhan niyo
Ang tula ng buhay ko,
Ito’y inaalay ko sa inyo
Buhay ng isang tunay na Pilipino.

Tula tungkol sa pagmamahal sa sarili ni Charlene Martonito mula sa pinoycollection.com.

Sugat Ng Lasing

Ang tulang pinamagatang Sugat Ng Lasing ay isang halimbawa ng tula tungkol sa pagpapakilala sa sarili na magbibigay inspirasyon upang mahalin at tanggapin natin kung sino tayo.

Nilaro-laro pa ng dilang may paltos,
Ang tinunggang brandy na may tatak na Vos,
At sa ngiwing mukha’y (ngiwing-ngiwing lubos)
Nagpapatinterong luhang umaagos!

Sa kaniyang diwa’y tila pumapalo
Ang labindalawang sungay ng demonyo
Kahit umaga pa, mata’y langung-lango
Taranta sa utak ang ikot ng mundo!

Wala sa sarili nang maisip niya
Mga hinanakit sa palad na balintuna
Bakit ganito ang tanong sa Bathala
Sa akin mo lahat binigay ang dusa!

Wala na nga akong magulang…kapatid!
Wala pa rin akong asawang mabait
Wala na nga akong anak na saklit
Wala pa rin akong sarilinang bait!

Hanggang kailan mga alab ng hirap
Mga dusa’t pasakit laging nasa palad
Ayaw lubayan ng unday ng tabak
Lalong nanariwa itong mga sugat!

Tula tungkol sa sarili ni Anthony Francisco mula sa pinoycollection.com.

Tula Tungkol Sa Sarili (Pangarap at Pamilya): 8 Halimbawa Ng Tula 2022

Tama, Ayoko Na

Ang tulang pinamagatang Tama, Ayoko Na ay isang halimbawa ng tula tungkol sa pagmamahal sa sarili na magbibigay inspirasyon upang mahalin at tanggapin natin kung sino tayo.

Ang aking pinakamatalik na kaibigan noo’y gustong bumalik
Ngumiti lang ako sa kanya at binigyan siya ng halik
Gustong bumawi ng unang lalaking nang-iwan sa akin
Niyakap ko nalang siya sapagkat ayoko na kahit na pilitin
Makikipag-ayos sana sa’kin ang aking kaaway
Pero hindi ko na kayang maubusan pa ng laway

Ito ay dahil… ayoko na.
Tapos na ang pakikipagplastikan ko sa madla
Ayoko ng sabihin na okay lang ang lahat kahit na hindi
Tapos na ang aking pag-iyak nang sobra katindi
Kung sana, sila’y nanatili at hindi bumitaw,
Hindi na sana napilitan ang panahon na pumataw
Tama na, tapos na dahil nangyari na
Ang utak at puso’y sabay sa pagsabi ng ‘hindi na kaya.’

Panahon ko na upang intindihin ang aking sarili
Panahon ko na upang bumitaw sa ‘di mabitawan na tali
Panahon ko na upang magkaroon ng sarili kong panahon
Panahon ko na upang sa kalungkutan, ako’y makaahon

Ayoko ng makipaghalubilo sa mga tao sa paligid
Sapagkat alam kong buhay ko’y magsisimula nanamang tumagilid
Uunahin ko na naman sila kesa sa aking sarili
At kapag ako ang mangangailangan, sila’y mag-iinarte
Ano nga ba ang silbi sa aking pagtulong
Kung sila mismo sa’kin ang magpapakulong?
Oo, alam ko. Wala naman akong ginawang mali
Sapagkat kahit anong gawin ko, para sa lahat, wala naman akong silbi

Kaya, kaya. Kaya uunahin ko ang aking sarili kesa iba
Mamahalin ko ang sarili kagaya ng pagmahal ko sa mga tala
Aking papatunayan sa lahat na kahit ako’y ganito
Kaya kong makipaglaban gamit ang utak ko
Isasara ko muna ang aking nakabukas na pinto
Upang mas mabuti kong mapagmasdan ang aking anyo
Tatanggapin ko ang mali sa’kin na hindi na pwedeng baguhin
Alam kong ito ay makakaya kahit na hindi pilitin

Huwag mag-alala sapagkat babalik din naman ako
At ‘pag nangyarin ‘yon, mas malakas na ang damdamin ko
Magiging marunong na sa mga bagay na dapat gawin
Kung ano ang nararapat at anong kailangan panatilihin
Ngunit, sa ngayon, alam kong hindi iyon magagawa
Hanggat hindi ko maibalik ang dati kong saya
Babalik ako, tandaan ninyo iyan
Hindi naman pwedeng aawat ako magpakailanman

Tula tungkol sa sarili ni HYA mula sa hellopoetry.com.

Aking Sarili

Ang tulang pinamagatang Aking Sarili ay isang halimbawa ng tula tungkol sa pagpapakilala sa sarili na magbibigay inspirasyon upang mahalin at tanggapin natin kung sino tayo.

Tulang aking nilikha na walang tugma
Di para sa kanya o para sa mundo,
Kundi sa sarili mo’t sa sarili ko.

Mga katangian ko at sa buhay ko
Dito nakasaad at iyong malalaman,
Aking sarili at iyong maunawaan.
Pangalan ay Sheena Mae Evangelista,
May katangian at kinatatakutan.

Ako’y simpleng bata at di pa malaya,
Umaasa pa sa aking mama’t papa.
Ako’y estudyante na siyang responsable
Sa bahay man o sa paaralan.

Ako ay kaibigan at kayamanan,
Kasama mo sa iyong kapighatian.
Ako’y laging kasama sa katiisan,
Sa huli ako’y iyong masusulyapan.

At sa kabila ng iyong kahirapan,
Ako ay sandalan na may kasiyahan.
Ang kasiyahan ko’y maaasahan,
Ngunit ako’y may takot na masugatan.

Aking nabatid, aking kilos ay mali
Di nag-isip kumilos ng dali-dali.
Gulo’t abala ang hatid sa marami
Mabuti’ nalunasan ng dali-dali.

Kaya’t tula’y nalikha na walang tugma
Di dahil gusto, kundi para sa grado.
Patawad Sir at ito lang ang nabuo,
Tungkol sa aking sarili’t sa buhay ko.

Tula tungkol sa sarili ni Sheena Mae Evangelista mula sa pinoycollection.com.

Patutunguhan

Ang tulang pinamagatang Patutunguhan ay isang halimbawa ng maikling tula tungkol sa pagpapakilala sa sarili na magbibigay inspirasyon upang mahalin at tanggapin natin kung sino tayo.

Nag-iisa, nag-iisip kung ano ang maaring gawin,
Mga bagay, pangarap na kay hirap abutin,
Marami pang problema ang kailangang kayanin,
Mga pagsubok ay dapat nating harapin.

Dalawang daan, ang kailangang pagpipilian,
Ang tuwid na daan at makipot na daan,
Tuwid na mayroong bangin sa dulu-dulohan,
Makiipot ma’y sa tamang landas naman.

Ngunit, ako’y nalilito kung saan ako patungo,
Sa tuwid na daan ba o sa makipot na ito,
Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko!
Bahala na sa sarili kung saan gustuhin ko.

Aking mga paa’y napapagod na’t nanginginig pa,
Buong katawan ko ri’y mababagsak na,
Ngunit ayaw pang sumuko ng aking mga mata,
Na kahit madilim ma’y lakad parin at pilit kinakaya.

Nagpapasalamat ako sa pinagtunguhan ko,
Bagaman alam ko na, kung ano ang haaharapin ko,
Lakas ng loob para sa kinabukasan ko,
Patutunguhan ko’y malayang pook na sinilangan ko.

Tula tungkol sa sarili at pangarap ni Judy Ann Omar mula sa pinoycollection.com.

Tula Tungkol Sa Sarili (Pangarap at Pamilya): 8 Halimbawa Ng Tula 2022

Para sa Aking Sarili

Ang tulang pinamagatang Para Sa Aking Sarili ay isang halimbawa ng maikling tula tungkol sa pagmamahal sa sarili na magbibigay inspirasyon upang mahalin at tanggapin natin kung sino tayo.

Aking ikinukubli ang mga bawat panaghoy
Sa aking sarili, patuloy pa rin ang daloy
Kabataang nakaraan, sa akin nag-bigay daan
Patungo sa kasalukuyang pinaglalaanan.

Mga nakaraang bata pa’y di na nais balikan
Bawat ala-alang aking pinanghahawakan
Sa saglit pa’y dumungis sa aking nakaraan
Ngunit maayos na pag-iisip ang kinakailangan.

Dito ko napagtanto at nakapag-isip ng wasto
Para sa aking sarili at ma magiging pagbabago nito
Nais kong magpatuloy sa pagbabagong ito
Dahil marami pang pagsubok ang kakaharapin ko.

Tula tungkol sa sarili ni ClemsClements galing sa wattpad.com.

Handa Sa Aking Kaarawan

Ang tulang pinamagatang Handa Sa Aking Kaarawan ay isang halimbawa ng maikling tula tungkol sa pagmamahal sa sarili na magbibigay inspirasyon upang mahalin at tanggapin natin kung sino tayo.

Maligayang bati,
Sa aking pagsilang,
Walang bakas ng gunita,
Walang alaala ng nasabing araw.

Nagdaan ang mga taon,
Namulat sa katotohanan,
Na hindi marunong magpatawad ang mundo,
At hindi ito titigil na para lang sayo.

Nagdaan ang mga taon,
Ilang kaarawan ang lumipas,
Andiyan ang pancit,
At ang keyk na nakahanda,
Sa hapag kainan para pagsaluhan,
Mga ngiting di mabakas,
Nagpapasalamat sa biyaya.

Ngunit ito ang unang taon,
Kung saan maghahanda ako,
Hindi para sa iba,
Kundi para sa sarili ko.
At aanyayahan ko kayo,
Nawa’y sana’y makadalo,
Habang unti unti kong inilalapag,
Sa ating hapag, upang ating pagsaluhan.

Maghahanda ako,
Ihahanda ko ang sarili ko,
Na ang puso ko’y tatayuan ko ng pader,
Na papalibot dito,
Dahil pagod na kong masaktan,
At nahahapo na ang aking katawan.

Maghahanda ako,
Na ibaon ang bawat alaala.
Ang tamis nang bawat halik,
Ang kuryenteng dumadaloy sa aking katawan,
Mga labing bumubuhay nang aking kamalayan.

Ihahanda ko din,
Ang aking sarili,
Na unti unti nang humakbang,
Papalayo sa nakasanayan,
Kung ano ang aking kinamulatan,
Sa loob nang mga taong pinagsamahan.

Mga umagang iyong mukha ang bumubungad,
Sa aking mga mata,
Habang ika’y pinagmamasdan,
Sa taimtim **** paghihimlay,
Habang ako’y nagninilay nilay,
Eto na ba ang pagibig na hinihintay?

Kaya mahal sa aking kaarawan,
Kasabay ng pagihip ko nang kandila,
Magpapaalam na ako sayo,
Paalam na sa mga gabing kayakap kita,
Sa mga sandaling magkakapit bisig tayo sa ilalim nang mga bitwin,
Na kung saan langit ang saksi sa ating pagmamahalan,
Sa mundong tayo lang ang nagkakaintindihan.

Pipikit ako,
At uulit ulitin ko ang mga salitang;
“Handa na ako”
At hihiling ng lakas ng loob,
At tibay ng sikmura,
Bibilang ako ng tatlo,
Isa,
dalawa,
Tatlo,
At sa aking pagdilat,
Hihipan ko ang kandila,
At magpapaalam na sayo.

Tula tungkol sa sarili ni Ace Jhan de Vera mula sa hellopoetry.com.

Para Sa Iba Pang Tula At Filipino Lessons

Summary of Tula Tungkol Sa Sarili 2022

Lahat ng tao ay may kanya-kanyang kaugalian at paniniwala. Kaya ang artikulong maikling Tula Tungkol Sa Pagpapakilala At Pagmamahal Sa Sarili ay siyang magsisilbing inspirasyon natin upang tanggapin at mahalin ang ating sarili. Hindi man tayo perpekto ay pantay-pantay naman tayong nilikha at minahal ng Diyos.

Nawa ay nabigyan namin kayo ng inspirasyon sa pamamagitan nitong tula tungkol sa sarili. Happy reading and God bless.

Inquiries

If you have any questions or suggestions about, Tula Tungkol Sa Sarili (Pangarap at Pamilya): 8 Halimbawa Ng Tula 2022. Let us know what you think about this post by leaving a comment below.

We are Proud Pinoy.

Leave a Comment