PAMAHIIN – Sa araling ito ating matutunghayan kung ano ang kahulugan ng pamahiin ng mga Pilipino at mga halimbawa nito. Ito ay kinalap mula sa mga makatang Pilipino na siyang nagpasalin-salin ng mga pamahiin hanggang sa ngayon.
Ano Ang Pamahiin?
Pamahiin o superstitions sa Ingles ay ang mga paniniwala ng ating mga ninuno na walang basihan ngunit sinusunod nating mga Pilipino hanggang sa ngayon. Malaki ang nai-ambag nito sa ating kultura at tradisyon. Ito ay may malaking parte sa ating kaligayahan, kalungkutan o sa araw-araw na pamumuhay.
Isinasaad ng ilang matatanda na ang sinumang hindi sumunod sa mga ito ay makakaranas ng kamalasan sa buhay. Magpa-hanggang sa ngayon, isinasabuhay pa rin ng mga kababayan nating nakatira sa mga malalayong bundok at probinsya ang mga pamahiin.
Gayunpaman, ating tandaan na hindi sa pamahiin nakasalalay ang ating pamumuhay. Ito ay mga paniniwala lamang na maaari nating sundin o hindi man depende sa ating nakasanayan. Mas maiging manalig tayo sa Diyos at planuhin ang ating kinabukasan upang tayo ay magtagumpay sa buhay.
See also: Pamahiin In English
Alamat Kahulugan – Ano Ang Kahulugan Ng Alamat At Mga Halimbawa Tagalog
300+ Pamahiin Ng Mga Pilipino (The Complete List)
Time needed: 20 minutes.
Narito ang mga halimbawa ng pamahiin ng mga Pilipino na palagi nating natutunghayan.
- Pamahiin Sa Bahay
- Pamahiin Sa Kasal
- Pamahiin Sa Buntis At Panganganak
- Pamahiin Sa Pagligo
- Pamahiin Sa Patay, Burol At Libing
- Pamahiin Sa Bata At Sanggol
- Pamahiin Sa Bagong Taon
- Pamahiin Sa Pasko
- Pamahiin Sa Binyag
- Pamahiin Sa Biyernes Santo
- Pamahiin Sa Duwende At Engkanto
- Pamahiin Sa Undas
- Pamahiin Sa Pusa At Iba Pang Hayop
- Pamahiin Sa Regla
- Ilan Pang Pamahiin Ng Mga Pilipino
Ano Ang Pamahiin Ng Mga Pilipino?

Ipagpatuloy lang ang pagbabasa hanggang sa dulo nang artikulong ito para makita mu kung ano ang pamahiin ng mga Pilipino.
Pamahiin sa Bahay
- Hindi suswertehin ang isang bahay kung ang front door ay hindi nakaharap sa kalsada o kalye.
- Kung ang hagdan sa isang bahay ay may labintatalong (13) baitang, maagang mamamatay o kaya naman ay maghihirap ang may-ari nito.
- Kailangang kanang paa ang laging unang ihakbang ng babaeng may asawa, tuwing uuwi siya ng bahay upang hindi masira ang kanilang pagsasama.
- Kung magpapagawa ka ng bahay, itapat ang pinto ng bahay sa gawing silangan upang sa pagbukas ng pintuan ay masikatan ang loob ng bahay. Maghahatid iyon ng swerte sa mga titira.
- Kung ikaw ay paalis na inyong bahay at saktong may bumahing, huwag kang tumuloy sa pag-alis dahil baka may masamang mangyari sayo.
- Iwasang iwanan ang rocking chair sa inyong bahay na umuugoy, kung mayroon man, dahil malamang sa sasakyan ito ng masamang espiritu.
- Kung bibili ka ng biik, iikot mo ito sa poste ng inyong bahay o sa mismong bahay ninyo ng pitong beses para hindi ito maglayas.
Pamahiin sa Kasal
- Ang pagsusuklay ng buhok ng bawat isa matapos ang siremonya ng kasal ay tiyak na magdudulot ng magandang pagsasama at pagiintindihan.
- Para sa bagong kasal na babae, maglagay o magdikit ng swan’s feather sa unan ng iyong mister upang maging tapat ito sayo.
- Ang bagong kasal ay dapat na sabuyan ng mga bulaklak bilang tanda ng bendisyon ng pamilya at kaibigan sa kanilang pag-iibigan.
- Kung sinuman ang maka-salo ng inihagis na bulaklak ng babaeng ikinasal ay siyang susunod na ikakasal.
- Ang mga bagong kasal ay sinasabuyan ng bigas upang maging masagana ang kanilang buhay.
- Ang arenola na regalo para sa bagong kasal ay swerte sa kanila.
- Ang sinumang maunang gumasta sa bagong kasal ang siyang magiging dominante sa kanilang pagsasama.
- Habang papasok ng simbahan, kung sinuman ang babaeng susunod sa dadaanan ng bagong kasal ay siyang makakapag-asawa sa lalong madaling panahon.
- Ang bagong kasal ay dapat pakainin ng pagkain na matamis upang maging matamis din sila sa isa’t isa.
- Una dapat ipasok ng bagong kasal sa kanilang titirhan na bahay ang bigas at asin.
Pamahiin sa Buntis at Panganganak
Narito ang lista kung ano ang mga pamahiin sa buntis at panganganak.
- Para maging maganda at gwapo rin ang isisilang na anak, paglihian dapat ang mga taong magaganda at gwapo.
- Mag-aanak ng kambal na sanggol ang babaeng buntis na mahilig kumain ng kambal na saging.
- Ang maupo sa hagdan ng bahay ay masama sa isang buntis.
- Palatandaan sa isang ina ang balat ng kanyang sanggol na mayroon siyang hindi nakain na pinaglihian. Upang sa puwit ng bata pumunta ang magiging balat nito kailangang hipuin ng isang buntis ang kanyang puwit.
- Kapag ang isang maybahay ay buntis, masama ang magpakumpuni ng bahay dahil tiyak na mahihirapan itong manganak.
- Malalanta at titigil ang pamumunga ng isang punongkahoy na maraming bunga kapag ang bunga nito ay napaglihian ng isang buntis. Upang bumalik ito sa dating sigla, kailangang ihian ng kanyang asawa ang puno.
- Masama ang pumatay ng tuko kung mayroon kang kasambahay na buntis, dahil malamang na mamamatay rin ang sanggol sa kanyang sinapupunan.
- Kapag nahakbang ng babaeng buntis ang sinumang lalaki ay maglilihi din ito.
- Magiging kamukha ng sanggol na ipinagbubuntis ang isang hayop kapag pinalo ito ng mismong buntis na babae.
- Ang bisita ng buntis ay hindi dapat tumambay sa pintuan ng bahay. Dapat na agad pumasok sa bahay ang bisita upang hindi mahirapan sa panganganak.
Pamahiin sa Pagligo
- Sa unang Biyernes ng buwan, bawal ang maligo.
- Bawal ang maligo kapag magsusugal.
- Kapag may bahaghari, huwag dapat maligo.
- Bawal ang maligo kung ikaw ay gutom.
- Kapag kabilugan ng buwan, huwag dapat maligo.
- Bawal maligo kung ikaw ay katatapos lang kumain.
- Sa ika-labing tatalong araw ng buwal, bawal ang maligo.
- Bawal maligo ng gabi dahil puputi ang dugo mo.
- Bawal ang maligo tuwing hapon.
- Pagkatapos magsimba, huwag dapat maligo.
- Para sa mga babae, bawal ang maligo sa hapon at gabi kung may buwanang dalaw.
- Bawal maligo sa araw ng Biyernes.
Pamahiin sa Patay, Burol at Libing
Narito ang lista kung ano ang mga pamahiin sa patay, burol at libing.
- Kapag umulan sa Todos los Santos, umiiyak din ang mga kaluluwa.
- Magiging magnanakaw sa habambuhay ang sinumang magnakaw ng abuloy o anumang bagay para sa patay.
- Kapag nagnakaw ka ng abuloy sa patay, may susunod sa iyong pamilyang mamamatay.
- Sa libing, ang mga bata ay kailangang ihakbang sa ibabaw ng hukay ng yumao upang hindi ito balikan ng kaluluwa ng taong namatay.
- Hindi pwede ang magpakuha ng larawan na tatlo dahil mamamatay ang isa.
- Kapag tapos na ang libing ng patay, palipasin muna ang tatlong araw bago maligo.
- Kung hindi pa nakakapagbabang luksa, bawal ang kumatay ng manok.
- Magsaboy ng asin o bigas sa bahay ng namatayan upang itaboy ang espiritu.
- Kapag may kulay tsokolateng paru-paro siguradong bumibisita ang kaluluwa ng yumao.
- Kung namatay sa sanhi na krimen, nilalagyan ng sisiw ang ibabaw ng kabaong.
- Kapag may patay sa bahay, bawal ang magwalis.
- Kapag naka-amoy ka ng kandila o bulaklak, nanganghulugan itong may namatay na mahal sa buhay.
- Maagang mamamatay ang iyong mapapangasawa kapag kumakanta ka habang nasa harap ng kalan.
- Kapag naggupit ng kuko sa gabi, may mamamatay na mahal sa buhay.
- Kapag lumapit ka sa patay habang may sugat ka, hindi ito gagaling.
- Malalamang may mamamatay sa inyong lugar kapag pumutak ang inahing na manong sa gabi.
- Hihilahin ka ni kamatayan kung nakatulog ka na nakaharap sa pintuan.
- Kapag mayroong namatay sa inyong tahanan, bawal ang mangisda.
Pamahiin sa Sanggol at Bata
- Kailangang ibaon ang kanyang inunan sa lupa na mayroong kasamang lapis at papel upang maging matalino ang bagong silang na sanggol.
- Para maging maganda ang relasyon ng ama sa anak, kailangan siya ang magputol ng pusod nito habang sanggol pa.
- Kung sa paglabas ng sanggol ay maraming balat ito, malamang ay palakain ang ina ng tsokolate habang buntis.
- Kapag dinamitan ang sanggol ng damit ng ama, magiging maka-ama ito. Kung damit naman ng ina ang ipinasuot sa sanggol, kabaliktaran naman ang mangyayari.
- Ang pinatuyong pusod ng sanggol na suhi ay swerte sa sugal.
- Depende sa pinaglihian ng ina ang kutis at hitsura ng sanggol. Kung magaganda at mapuputing bagay ang napaglihian ng ina ay ganon din ang magiging hitsura at kutis ng sanggol.
- Kapag nalapitan ng pusa ang sanggol malas yon dahil inaagaw nito ang kanyang hininga.
- Kung malakas umiyak ang bagong silang na sanggol magkakaroon ito ng mahabang buhay.
- Bawal maglagay ng pabango sa isang sanggol sapagkat siya ay kagigiliwan ng mga anghel kaya’t malamang na mamatay ito.
- Matigas ang ulo ng isang batang may dalawang puyo.
- Ang isang sanggol ay lalaking magnanakaw o kaya ay magtanan ito kapag nag-asawa kung idadaan siya sa bintana.
- Magiging madaldal paglakiang sanggol na makakain ng ari ng babaeng baboy o kaya naman ay ari ng manok na babae.
- Hindi matututong magsalita ang sanggol na ipinahalik sa isa pang sanggol.
- Kapag naiiwang mag-isa ang sanggol, ang anghel ang nagbabantay sa kanya.
- Kapag inupuan ng bata ang libro magiging bobo siya.
- Para hindi maging sakitin ang sanggol, kailangan siyang paliguan ng unang tubig-ula sa buwan ng Mayo.
- Kapag sanggol pa lang ay ginupit na ang pilikmata nito, ito ay lalantik at gaganda pa siya lalo paglaki.
- Paa hindi mamihasa ang sanggol, huwag laging kargahin.
- Para maging matalino ang sanggol sa kanyang paglaki, agyan ng lapis o anumang matulis na bagay ang ilalim ng unan nito.
- Para hindi hanapin ng sanggol ang kanyang ina kapag umalis ng bahay, ikumot sa sanggol ang damit niya.
- Lalaking pilyo o pilya ang isang bata kapag pinalo o kaya ay hinalikan habang tulog.
- Maglagay ng isang sibuyas o bawang sa ilalim ng unan ng sanggol o isang piraso ng walis tingting (walis ng bata) malapit sa sanggol, upang matanggal ang mga masasamang espiritu.
Pamahiin sa Bagong Taon
- Sa pagsapit ng bagong taon, tiyaking puno ang mga lalagyan ng bigas at asin upang maging masagana ang darating na taon.
- Magpapatuloy sa loob ng buong taon ang kung anu man ang iyong ginagawa o nararamdaman sa araw ng bagong taon.
- Lumundag ng tatlong beses sa eksaktong alas dose ng bagong taon para tumangkad.
- Para pumasok ang biyaya, buksan ang mga pinto at bintana sa pagpasok ng bagong taon.
- Maglagay ng isang dosenang bilog na mga prutas sa mesa sa pagsalubong sa bagong taon para maging masagana ang buhay.
- Tuwing papasok ang bagong taon huwag gastuhin ang pera.
- Sa halip na gastuhin ang pera sa araw ng bagong taon mas mabuting pang makakita ng pera.
- Sa araw ng bagong taon, bawal ang maligo.
- Para suwertihin, magsuot ng mga damit na masaya ang kulay at may mga disensyong bilog sa pagsalubong sa bagong taon.
- Magiging malungkot ka sa buong taon kung sa malungkot ka sa araw ng bagong taon.
- Upang itaboy ang masasamang espiritu, magsindi eksaktong alas dose sa paglilipat ng bagong taon.
- Sa bawat masasalubong sa araw ng bagong taon bumati ng “Happy New Year” dahil magdadala ito ng swerte sayo.
- Upang itaboy ang malas, magpaputok ng malakas sa bagong taon.
- Kung lalaki ang unang makasalubong mo sa araw ng bagong taon magkakaroon ka ng swerte.
- Kumain ng malagkit na pagkain sa araw ng bagong taon para dumikit din ang swerte.
- Sa araw ng bagong taon huwag magbayad ng utang, para maiwasan mo ang mangutang buong taon.
- Lagyan ng pera ang iyong bulsa sa pagsapit ng bagong taon, upang darating ang magandang kapalaran.
- Masama ang magpautang kung ikaw ay may tindahan sa araw ng bagong taon, dahil magiging puro utang na lang at hindi gaganda ang kita ng tindahan.
Pamahiin sa Pasko
Narito ang lista kung ano ang mga pamahiin sa pasko na karaniwang naririnig natin sa mga matatanda.
- Sa araw ng Pasko, pagpapalain ang mga ninong at ninang na malaking magregalo.
- May naghihintay na magandang kapalaran sa batang isinilang sa araw ng Pasko.
- Kapag maraming bituin sa langit sa araw ng Pasko, magiging maganda ang ani.
- Bukas ang pinto ng langit sa araw ng Pasko kaya diretso sa langit ang sinumang mamamatay sa araw na ito.
- Sa araw ng Pasko, iwasan ang magsuot ng bagong sapatos.
- Kung mahangin sa araw ng Pasko, magdadala ito ng swerte.
Pamahiin sa Binyag
Narito ang lista kung ano ang mga pamahiin sa binyag na karaniwang naririnig natin sa mga matatanda.
- Kung sa parehong araw na ipananganak pabibinyagan ang bata ay mas makabubuti sa kanya.
- Kapag ang bata ay umiiiyak habang binibinyagan, isang mabuting palatandaan sapagkat ito ay nangangahulugang itinataboy ng agua bendita ang masamang espiritu sa bata.
- Kung sabay ang binyagan ng anak na babae at lalaki, dapat na maunang binyagan ang lalaki dahil kapag nauna ang babae ay hindi tutubuan ng balbas ang lalaki paglaki samantalang magkakabalbas naman ang babae. Siguradong magkabaligtad din ang kanilang ugali.
Pamahiin sa Biyernes Santo
Narito ang lista kung ano ang mga pamahiin sa Biyernes Santo na karaniwang naririnig natin sa mga matatanda.
- Kung sa araw ng Biyernes Santo ay nagbaon ka ng itim na pusa, balikan mo ito at hukayin sa araw din ng Biernes Santo sa susunod na taon dahil ang mga buto nito ay magiging anting-anting.
- Hindi nabubugok ang itlog na iniluwal sa Biyernes Santo.
- Sa tuwing araw ng Biyernes Santo, bawal ang maligo.
- Tuwing Biyernes Santo, bawal gumawa ng anumang ingay.
- Sa tuwing semana Santa o araw ng Biyernes Santo, bawal ang masugatan dahil matagal itong gagaling.
Pamahiin sa Duwende at Engkanto
Narito ang lista kung ano ang mga pamahiin sa duwende at engkanto na karaniwang naririnig natin sa mga matatanda.
- Kung dadaan sa mga nuno sa punso dapat na magpasintabi dahil baka magalit at maghiganti ang mga ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng sakit.
- magbigay muna ng hudyat sa mga dewende bago magtapon ng mainit na tubig sa lupa. Sila ay maaaring maghiganti kapag sila ay nasalanta sa pamamagitan ng pagbibigay ng sakit.
- Para hindi puntahan ng aswang, maglagay ng mga puso ng bawang sa paligid ng bahay.
- Manghingi muna ng paumanhin bago tumapak sa isang bundok ng mga langgam, dahil kung hindi, ikaw ang paglalaruan ng isang espiritu.
- Kapag ikaw ay bumibisita sa mga lugar na hindi madalas puntahan ng ibang tao, maglagay ng luya sa iyong katawan para ikaw ay hindi mapahamak sa mga kamay ng mga masasamang espiritu sa lugar na iyon.
- Kapag naligaw sa isang lugar, baliktarin mo ang iyong damit dahil pinaglalaruan ka ng engkanto.
- Para hindi mapahamak sa mga engkanto, magdala ng luya sa mga ilang na lugar.
- Upang hindi ka gantihan ng mga engkanto, huwag kang iihi sa punso.
- Kapag ipinagamot sa doktor ang mga taong nakulam, mas lalala ang kanilang sakit.
- Ang mga puno ng balete ay bahay ng mga engkantada at iba pang mga espiritu ng mga engkanto kaya huwag sirain o putulin ang puno nito.
Pamahiin Sa Undas
Narito ang lista kung ano ang mga pamahiin sa Undas na karaniwang naririnig natin sa mga matatanda.
- Magluto na malalagkit na pagkain tuwing Undas at ialay sa mga namatay na pamilya.
- Magsindi ng kandila sa altar at mag-alay ng pagkain, bulaklak at kunganu pang bagay na nahiligan ng mga namatay noong sila ay nabubuhay pa.
- Bisitahin sa sementeryo ang mga namatay na kamag-anak at magsindi ng kandila tuwing Undas dahil ikaw ang dalawin nila.
Pamahiin sa Pusa at iba pang mga Hayop
Narito ang lista kung ano ang mga pamahiin sa pusa at iba pan mga hayop na karaniwang naririnig natin sa mga matatanda.
- May siyam na buhay ang mga pusa.
- Ang pagsuot ng damit na may desenyong paru-paro ay maswerte sa buhay.
- Ang sinumang nag-aalaga ng puting kabayo ay bubwenasin sa buhay.
- Malas makakita ng puting pusa sa gabi.
- Ang mga pusang ipinanganak sa buwan ng Mayo ay hindi mahusay manghuli ng daga.
- Ang sinumang magdadala ng pusa sa kanyang paglalakbay ay mamalasin.
- Kapag ikaw ay nalapitan ng itim na pusa, ikaw ay bubwenasin. Kapag nilayuan ka nito, kabaliktaran naman ang mangyayari.
- Ikaw ay bubwenasin sa maghapon kapag puti ang kulay ng unang paru-parong makikita mo sa isang araw.
- Mayroon kang bisitang darating kapag tumilaok ang tandang habang nakaharap sa pintuan.
- Kapag mayroong gagambang nahulog sa iyong ulo o mukha ikaw ay bubwenasin.
- Mayroong magandang panahon kapag naglalaro ang pusa habang sakay ng barko.
- Kapag ikaw ay pumatay o kaya ay nagwasak ng bahay ng gagamba, ikaw ay mamalasin sa buhay.
- Ikaw ay magkakapera, kapag mayroong pusang sumunod sa iyo habang ikaw ay naglalakad.
- Kapag kayo ay nakarinig ng huni ng uwak malapit sa inyong tahanan, isa itong masamang palatandaan sapagkat malamang na mayroong mangyayaring masama sa inyong pamilya.
- Mamalasin ang taong umakyat sa hagdanan kapag mayroon ding pusang itim na lumalakad sa ilalim ng hagdan na ito.
Pamahiin Sa Regla
Narito ang lista kung ano ang mga pamahiin ng mga Pilipino tungkol sa regla ng mga babae na karaniwang naririnig natin sa mga matatanda.
- Kailangang ihilamos sa mukha ang unang panty na pinagreglahan upang hindi maging masyadong maamoy ang mga susunod na regla at gayundin para hindi tubuan ng maraming pimples sa mukha.
- Ang mga babaeng may regla ay bawal pumunta sa patay at sumilip sa kabaong dahil lalakas ang amoy nito sa burol. At meron ding mananakit ng husto ang tiyan o kaya naman ay titigil ito. Kung may nakaamoy na bad spirit sa regla ay susunod ito hanggang sa pag-uwi mo sa inyong bahay sapagkat gusto nito ang amaoy ng dugo.
- Kung ikaw ay may regla huwag maligo ng nakaupo dadhil mapapasok ng hangin ang iyong pwerta at ikaw ay maloloka.
- Bawal magbunot ng buhok sa kilikili kapag meron ka sapagkat mangingitim ang iyong kilikili.
- Kung ang babae ay may regla, bawal silang suntukin dahil ang pasang matatamo nila ay matagal bago maghilom.
- Huwag harapin ang iyong manliligaw sa ikatlong araw ng iyong regla dahil hindi siya magiging tapat sayo.
Iba pang mga Pamahiin ng mga Pilipino
Narito ang lista kung ano ang mga pamahiin ng mga Pilipino na karaniwang naririnig natin sa mga matatanda.
- Habang nagluluto, ang babae kumakanta ay makakapag-asawa ng biyudo.
- Hindi makakapag-asawa ang binata o dalagang kasalo sa pagkain kapag may umalis sa hapag kainan habang mayroon pang kumakain.
- Dapat laging gansal ang bilang ng hagdan.
- Kapag ang kanan ng iyong sapatos ang una mong isinuot ikaw ay bubuwenasin sa inyong pupuntahan.
- Kapag napatay mo ang mga kandila sa iyong birthday cake sa isang ihip lamang ang iyong kahilingan ay magkakatotoo.
- Ang larawan ng taong minamahal mo ilagay sa ilalim ng unan para maalala ka nito.
- Nakapagdadala ng swerte sa tahanan ang kuliglig.
- May hatid itong grasya ang unang ulan ng Mayo kaya ipunin ito.
- Makapagnanakaw nang hindi mahuhuli ang sinumang makakakuha ng panyong ginamit na pantali sa ulo ng patay. Paglalagay ng isang timbang tubig na mayroong kutsilyo sa likod ng iyong pinto ang panlaban dito.
- Baligtarin ang iyong unan upang maiwasan ang pag-ulit ng iyong panaginip.
- Madaling mamamatay ang sinumang taong ipinanganak na mayroon nang ngipin.
- Tiyak na matatalo ang sinumang taong may dalang tandang patungo sa sabungan at may nakasalubong na patay o buntis.
- Ang nabunging ngipin sa baba ay kailangang itapon sa bubong para deretso pataas at maganda ang tubo ngipin.
- Magkakaroon ng mahabang buhay ang sinumang taong mayroong malaking tainga.
- Ang puting buhok ay mas lalong darami kapag binubunot.
- Upang layuan ka ng evil spirit at manatiling maganda ang kalusugan, bago matulog ay usalin ang mga sumusunod: Matthew, Mark, Luke and John, Bless the bed that I lie on.
- Ang apoy na biglang lumiyab ay bawal duraan dahil magdadala ito ng kamalasan.
- Baligtarin mo ang iyong damit kapag ikaw ay naligaw sa kagubatan upang muli mong makita ang tamang daan pabalik.
- Ang sinumang mag-aalaga ng puting tandang ay bubwenasin sa buhay.
- Umpisahang kainin ay bahagi ng bundot patungo sa ulo kapag kumakain ng isang buong isda, upang maging pasulong ang takbo ng iyong buhay.
- Ang taong hinakbangan habang natutulog ay hindi na lalaki.
- Habang kumakain ng manok, kapag nakakuha kayo ng pitso o “wishbone” pagtulungan ninyo itong baliin at sinuman ang makakuha ng dulong korona nito ay matutupad ang kanyang kahilingan.
- Ang taong malakas bumagsak ang paa habang naglalakad ay hindi nakapagtatago ng lihim.
- Kapag ang bakod ng isang bahay ay sinira ng baka o kalabaw, magdadala ito ng disgrasya.
- Ang tao na may anting-anting ay hindi tatamaan ng bala.
- May kinakasal na tikbalang kapag umaaraw at umuulan ng sabay.
- Sa anumang araw ng Semana Santa, huwag aakyat ng puno dahil nakabitin doon si Hudas.
- May pagkakagastusan ka, kung ang nangangati ang kaliwang palad. Kamutin ito kung makati para hindi matuloy ang paggasta.
- Baka ikaw ay maging kalbo, ulila, o balo kaya huwag kang magsuklay ng iyong buhok sa gabi. Ngunit kung hindi talaga maiiwasan, kagatin mo muna ang dulo ng suklay bago mo suklayin ang iyong buhok.
- Habang naglalakad sa tulay, kung nagkita kayong magkaibigan, iwasang magsabihan ng ‘goodbye’ bago maghiwalay upang sigurado ulit kayong magkikita.
- Kapag ikaw ay bagong gupit huwag kang magsusugal, kung hindi ikaw ay siguradong matatalo.
- Ang isang tao ay magiging palatandain, kung tinutulugan niya ang kanyang mga libro.
- Para hindi ka malasin, huwag magwalis sa gabi.
- Ang wallet ay laging iwanan ng pangati (barya o perang papel) para dumami.
- Magdadala ng kamalasan ang pagtatanim ng papaya sa harap ng bintana ng bahay.
- Kapag umulan sa araw ng Todos Los Santos, magkakaroon ng magandang ani.
- Ang mga sapatos ay bawal ipamigay ng walang bayad. O kaya naman, ihagis paitaas sa hangin ang mga sapatos at kung sinuman ang makapulot nito ay siya ang magmay-ari, o di kaya ay bayaran niya ang mga sapatos ng singko sentimos.
- Ang wallet na ipangreregalo ay lagyan ng barya o perang papel para suwertehin ang pagbibigyan.
- Ang iyong kuko ay huwag putulin sa gabi, o sa mga araw ng Martes, Miyerkules, at Biyernes.
- Kapag tumapat sa Biyernes ang ikalabingtatlong araw ng buwan magiging malas ang araw.
- Kapag mayroong ahas na bumagtas sa iyong dinaraanan ikaw ay suswertehin sa buhay.
- Ang numerong labintatlo ay malas.
- Ang nabunging ngipin ay ilagay sa ilalim ng unan upang tumubo agad.
- Kapag sa kaliwang balikat tiningnan ang sinag ng bilog na buwan, ito ay malas.
- Ang mga sirang relo ay kailangang itapon dahil magbibigay ito ng malas.
- Ang sinumang maglalakbay ay mamalasin kapag siya ay natalisod o kaya ay nadapa bago umalis ng bahay.
- Ang nabunging ngipin sa taas ay kailangang ibaon sa lupa para deretso pababa at maganda ang tubo ngipin.
- Ang taong nakabasag ng salamin ay mamalasin.
- Ang mga plato ay kailangang iikot bago iwan ang mga kasambahay na kumakain para walang mangyaring masama sa aalis.
- Ang mga kagamitan ng isang mangingisda ay masamang hipuin ng babae o kaya ay hakbangan nito sapagkat malamang na hindi ito makahuli ng isda.
- Kaunti lamang ang mahuhuli nitong isda kapag ang isang mangingisda ay lumingon sa kanyang likuran o sa pinanggalingan habang patungo sa dagat.
- Nagdadala ng kamalasan sa buhay o pag-aaway sa pamilya ang pagpatong ng sapatos sa mesa.
- Mayroon kang kasalanan na hindi naikumpisal kapag dumikit sa iyong ngala-ngala ang ostiya o kaya ay nahulog ito sa iyong pangungumunyon.
- Ang batong ruby ay may dalang swerte.
- Halikan mo ang iyong mga daliri at hipuin ang bubong ng iyong sasakyan kapag ikaw ay nakalabag sa batas trapiko upang hindi ka mahuli ng pulis.
- Kapag naibagsak ang tinidor habang kumakain may darating na panauhing lalaki.
- Kapag naibagsak ang kutsara habang kumakain may darating na panauhing babae.
- Iwasan mo ang huminga at gumawa ng isang kahilingan habang kapag ikaw ay napadaan sa isang yungib o tunnel dahil iyon ay magkakatotoo.
- Ilagay ang librong iyong pinag-aaralan sa ilalim ng iyong unan, at mananatili ang iyong pinag-aralan sa iyong isip pagkatapos mag-aral sa gabi.
- Maghahatid ito ng malas kapag nagkaroon ng eklipse.
- Huwag gastusin ang napulot ng barya sa daan. Itago ito dahil magiging maluwag ang pasok ng pera.
- Para makapasa sa kukuning eksamin umikot ng tatlong beses sa unang makikitang puno.
- Sa Linggo ng Pagkabuhay kapag tumunog ang kampana, sumigaw ng napakalakas at ikaw ay magkakaroon ng mahabang buhay.
- Ilagay mo ang damit na naisuot ng umalis na asawa sa ilalim ng inyong lutuan at tiyak na magbabalik.
- Nagtataksil ang iyong asawa/partner, kung aksidenteng nahulog ang ginagamit na gunting.
- Mag sabit ng salawal sa bintana upang huwag matuloy ang ulan.
- Ang bilang ng iyong magiging anak ay nakadepende sa kung ano ang bilang ng ekis sa iyong kanang palad.
- Habang ikaw ay nagsasalita sa harap ng publiko upang maalis ang iyong takot, maglagay ng isang sentimo sa loob ng iyong sapatos.
- May darating na pera kung nangangati ang kanang palad, ngunit kung kakamutin mo ito, hindi matutuloy ang pagdating pera.
- Kanang paa ang palaging dapat unang ihakbang sa sasakyan upang suwertehin sa pupuntahan.
- Magkakaroon ng magandang kinabukasan kung laging matutulog na nakaharap sa silangan.
- Kailangan buksan ang lahat ng bintana at pintuan upang maging maginhawa at hindi mahirapang manganak ang isang babae. Habang nanganganak, kailangan ding kalagin ang anumang buhol sa lubid sa paligid at maglagay ng kutsilyo o lanseta sa ilalim ng kama.
- Kapag nagbibilad sa araw ay magkakaroon ng kuto.
- Kumuha ng abo mula sa iyong kusina at isabog ito sa iyong bakuran upang hindi umulan.
- Ang isang mangingisda ay magkakaroon ng maraming huli kapag siya ay nakasalubong o nakakita ng paru-paro habang patungo sa dagat.
- Kailangang unahing isuot ang kanang medyas bago kaliwa upang buwenasin ka sa inyong paglalakad.
- Kung madalas ang iyong pagdumi, magsunog ng piraso ng pagkain na naging dahilan nito at ipainom.
- Para maging masaya sa susunod na araw, kailangang umiyak sa gabi.
- Ang gusaling mayroong 13 palapag ay malas.
- Ang bagong binyag na sanggol ay tatalino, magiging malusog at magiging lider kung una itong nailabas ng pintuan ng simbahan.
Note: Ang artikulong ito ay naglalaman ng 355 na pamahiin. Kung may alam kang pamahiin ng mga Pilipino na hindi namin naisama dito, mangyaring mag-iwan ng komento sa ibaba.
Summary Sa Kung Ano Ang Pamahiin Ng Mga Pilipino
Sa kulturang Pilipino, ang mga pamahiin ng mga Pilipino ang pinakasinaunang paniniwala na hanggang ngayon ay isinasabuhay pa rin ng mga tao. Bagamat walang basehan ang mga ito, makakakuha naman tayo nag aral gaya ng pagiging maingat. Sa iba, ang paniniwala sa mga pamahiin ay panira sa pangaraw-araw na pamumuhay. Ngunit hindi naman natin sila pwedeng husgahan dahil may iba’t ibang paniniwala at isip ang bawat tao.
Nawa ay nabigyan namin kayo ng inspirasyon sa pamamagitan nitong examples ng mga pamahiin ng mga Pilipino. Happy reading and God bless.
We are Proud Pinoy.