Halimbawa Ng Nobela – 12 Buod Ng Halimbawa Ng Mga Nobelang Pilipino

HALIMBAWA NG NOBELA – Ngayon ating matutunghayan kung ano ang kahulugan at mga maikling buod ng halimbawa ng nobelang Pilipino. Ito ay kinalap mula sa mga makatang Pilipino na siyang nagpasalin-salin ng mga nobela hanggang sa ngayon.

Ano Ang Kahulugan ng Nobela?

Ang nobela o novel sa Ingles ay isang sining pamapanitikan na naglalaman ng mahabang kwento na nahahati sa maaming kabanata. Ang nobela ay nagmula sa salitang Italyano na “novella” na nangangahulugang balita, salaysay o romantikong kwento.

Nahahanay ito sa kategoryang piksyon na nagsasalaysay ng mga kathang-isip na kaganapan o sa totoong buhay. Ito ay naglalaman ng dalawa o higit pang mga tauhan, maraming pangyayari at mga kaganapan sa iba’t-ibang tagpuan.

Ang nobela ay binubuo ng 60,000 hanggang 200,000 na salita o 300-1,300 pahina. Ang nobela ay hindi mababasa sa isang upuan lamang sapagkat mahaba at madami ang mga kaganapan dito.

Halimbawa Ng Nobela – 12 Buod Ng Halimbawa Ng Mga Nobelang Pilipino

Halimbawa Ng Nobela - 12 Buod Ng Halimbawa Ng Mga Nobelang Pilipino
Halimbawa Ng Nobela – 12 Buod Ng Halimbawa Ng Mga Nobelang Pilipino

Ipagpatuloy lang ang pagbabasa hanggang sa dulo nang artikulong ito para makita mo ang mga importanteng ideya tungkol sa Nobela. Nawa kayo ay masiyahan at maging inspirasyon ang mababasa ninyong mga halimbawa ng maikling nobela ng mga Pilipino.

Mga Halimbawa ng Nobela Sa Pilipinas

Time needed: 2 minutes.

Narito ang mga halimbawa ng nobela sa Pilipinas.

  1. El Filibusterismo

    Nobela Ni Dr. Jose Rizal

  2. Noli Me Tangere

    Nobela ni Dr. Jose Rizal

  3. Banaag At Sikat

    Nobela ni Lope K Santos

  4. Mga Ibong Mandaragit

    Nobela ni Amado V Hernandez

  5. Dugo ng Bukang Liwayway

  6. Sa Mga Kuko Ng Liwanag

    Nobela ni Edgardo M Reyes

  7. Lalaki Sa Dilim

    Nobela ni Benjamin M Pascual

  8. Luha Ng Buwaya

    Nobela ni Amado V Hernandez

  9. Ang Huling Timawa

    Nobela ni Servando De los Angeles

  10. Sa Bagong Paraiso

    Nobela ni Efren Abueg

  11. Canal De La Reina

    Nobela ni Liwayway A. Arceo

  12. Ginto ng Kayumangging Lupa

12 Buod Ng Halimbawa Ng Mga Nobelang Pilipino

Buod Ng El Filibusterismo

Mahigit labintatlong taon matapos ang pagkamatay nina Sisa at Elias.

May isang Bapor Tabo na naglalakbay sa Ilog Pasig. Nakasakay dito ang maraming mga taong papunta sa Maynila. Kabilang sa kanila sina Simoun, Basilio, Isagani at ilang mga pari.

Pinuntahan agad ni Basilio ang puntod ng kanyang yumaong ina sa libingan ng Ibarra sa may San Diego. Sa di-inaasahang pagkakataon, nakita niya ang mag-aalahas na si Simoun. Sa pagtanggal nito ng salamin ay nakilala niyang si Simoun ay si Juan Crisostomo Ibarra pala.

Upang hindi na lumabas ang lihim nito, tinangka ni Simoun na patayin si Basilio. Ngunit, nagdesisyon na lamang siyang isama si Basilio sa layunin niyang maghigante sa mga Kastila. Tinanggihan naman ito ni Basilio sa kadahilanang gusto niyang makapagtapos ng pag-aaral.

Samantala, ang mga mag-aaral na Pilipino ay naghain ng isang kahilingan sa Kapitan Heneral na magtatag ng isang akademya ng wikang Kastila. Subalit, hindi ito ipinagtibay dahil sa mga pari na namamahala dito.

Nang muling magkita sina Simoun at Basilio ay muli niya itong kinumbinsi na magkaisa sa paghihimagsik sa Sta. Clara. Hinimok niya pa itong gagawa ng siya ng isang pulutong upang pasukin ang kumbento at sapilitang agawin si Maria Clara. Ngunit, sa kasamaang palad, binawian ng buhay ang dalaga kinahapunan.

Samantala, ang mga mag-aaral ay nagkaroon ng isang pagtitipon sa Panciteria Macanista de Buen Gusto na pagmamay-ari ng Intsik na si Quiroga. Dito ay nagtalumpati sila laban sa mga pari dahil sa sama ng kanilang loob sa hindi pinagtibay ang hiling nilang pagpapatayo ng akademya ng wikang Kastila.

Kinabukasan, sa Pamantasan ay natagpuan ang mga paskin na naglalaman ng paghihimagsik. Nalaman ng mga pari ang tungkol dito at pinagbintangan ang mga mag-aaral na nagtalumpati sa Panciteria. Nadamay pati si Basilio.

Labis na dinamdam ng kasintahan ni Basilio na si Juli ang nangyari sa kanya. Kaya kinumbinsi siya ni Hermana Bali na lapitan ni Juli si Padre Camorra upang humingi ng tulong. Ito ay dahil ang pari lang ang nag-iisang maaring lapitan upang mapalaya si Basilio.

Sa tulong ng mga kamag-anak ng mga mag-aaral ay napawalang-sala sila maliban kay Basilio dahil sa wala siya kamag-anak.

Nagpakamatay naman si Juli sa pamamagitan ng pagtalon sa binta dahil hinalay siya ni Padre Camorra.

Sa kabilang dako, nagpatuloy si Simoun sa balak niyang paghihiganti. Upang makamit iyon, sumanib siya sa negosyo ni Don Timoteo Pelaez na ama ni Juanito. Si Juanito ay siya namang ipinagkasundo na ipakasal kay Paulita Gomez at ang ninong ay ang Kapitan Heneral.

Pagkalipas ng dalawang buwan ay nakalaya si Basilio sa tulong ni Simoun. Dahilan kung bakittinanggap ni Basilio ang alok ni Simoun na paghihimagsik.

Samantala, sa mangyayari piging sa kasal ni Jualito at Paulita ay inanyayahan ang lahat ng taong may matataas na posisyon sa pamahalaan. Simantala ito ni Simoun upang maisagawa ang paghihimagsik.

Naghandog siya ng magarang lamparang granada bilang handog sa ikakasal. Lingid sa kanilang kaalaman, ang magarang lamparang iyon ay may lamang nitrogliserina. Sa panahong itataas ang mitsa ay matapos ang dalawampong minuto ay sasabog ito ng malakas. Ito na ang magiging hudyat ng pagsisimula ng paghihimagsik.

Sa araw ng kasal ay nagsimula na ang kanilang inihandang plano. Habang masaya ang lahat ay hindi naman mapakali si Basilio sa labas. Doon ay nakita ni Basilio si Isagani na dating kasintahan ni Paulita Gomez. Kinuwento ni Basilio kay Isagani ang kanilang plano at sinabihan niya itong umalis na sa bahay na iyon para hindi madamay.

Unti-unti nang lumalamlam ang ilaw ng mitsa. Inutusan ng Kapitan Heneral si Padre Irene na itaas na ang lampara. Biglang inagaw niIsagani ang lampara at inihagis sa ilog.

Nabigo ang plano ni Simoun kaya tumakas ito at pumunta sa bahay ni Padre Florentino. Uminom siya ng lason dahil hindi niya gustong mahuli ng mga kuwardiya sibil ng buhay. Ipinagtapat niya kay Padre Florentino ang kanyang buhay at ang plano niyang paghihiganti.

Sa oras ding iyon ay binawian na ng buhay si Simoun. Pumunta si Padre Florentino sa bato na laging inu-upuan ni Isagani malapit sa dagat. Doon niya itinapon ang lahat ng mga naiwang kayamanan ni Simoun.

Buod ng halimbawa ng nobela

Ang halimbawa ng nobela na pinamagatang “El Filibusterismo” ay isang pangkasaysayan at satirikal na nobela ni Jose Rizal. Ito ay nagsilbing pampukaw sa mga Pilipino sa mga karahasan at korapsyon ng mga Kastila noon.

Buod Ng Noli Me Tangere

Bumalik sa Pilipinas ang binatang si Juan Crisostomo pagkatapos ang pitong taong pag-aaral sa Europa. Pinag-aral siya ng kanyang ama na si Don Rafael.

Naghandog ng malaking piging si Kapitan Tiago upang salubungin ang binata. Inanyayahan niya ang ilang sikat na tao sa kanilang lugar kabilang sina Padre Damaso, Padre Sibyla, Tinyente Guevarra, Donya Victorina, at ilang may impluwensya sa lipunan.

Ipinahiya ni Padre Damaso si Ibarra sa piging, ngunit nagpakumbaba lang ito at magalang na nagpaalam. Nagdahilan itong may mahalagang pupuntahan.

Si Maria Clara ang magandang kasintahan ni Ibarra na anak-anakan ni Kapitan Tiago. Siya ang dahilan kung bakit upang umalis si Ibarra sa para dalawin.

Dinalaw nga ni Ibarra si Maria Clara kinaumagahan matapos ang malaking piging. Nagbalik-tanaw ang magkasintahan sa kanilang ala-ala. Binasa muli ni Maria Clara ang mga liham na ibinigay ni Ibarra bago ito pumunta ng Europa habang iaalala ang kanilang pagii-bigan.

Bago umuwi si Ibarra ay pinuntahan niya si Tinyente Guevarra na nagtapat na patay na ang kanyang ama noong isang taon pa na si Don Rafael Ibarra. Ipinagtapat din ng tinyente na napagbintangan ang kanyang ama na erehe at pilibustero dahil hindi ito nagsisimba at nangungumpisal.

Ayon pa sa tinyente, nagsimula ito ng ipinagtanggol ng Don ang isang bata sa maniningil na hindi sadyang nabagok ang ulo kaya namatay. Ipinakulong si Don Rafael dahil dito sa kasalanang wala naman siyang kinalaman. Kung sana ay malapit ng malutas ang paglilitis kay Don Rafael ngunit nagkasakit ito at namatay dahil hindi kinaya ang mga pangyayari.

Si Padre Damaso ay hindi nakuntento at ipinag-utos pa sa sepulturero na hukayin ang labi ni Don Rafael at ilipat sa libingan ng mga Intsik. Malakas ang ulan noon kaya hindi nila kinayang buhatin ang bangkay ng Don kaya itinapon nalang sa lawa.

Samantala, sa kabila ng nangyari, hindi nagtangkang maghigante si Ibarra. Sa halip, ipinagpatuloy ni Ibarra ang sinimulan ng Don na makapagpatayo ng paaralan sa tulong ni Nol Juan.

Naghanda ng isang pananghalian si Ibarra matapos ang pagbabasbas ng itinayong paaralan. Ngunit, kamuntikan na siyang mapatay ng taong binayaran ng lihim na kaaway.

Muli na namang inasar ni Padre Damaso ang binata na inihamak ang kanyang ama. At, sa pagkakataong ito ay muntik nang saksakin ni Ibarra ang pari kung hindi lang siya napigilan ni Maria Clara.

Sa kadahilanang iyon ay natiwalag si Ibarra ng Arsobispo sa simbahan. Sinamantala naman ito ni Padre Damaso at inutusan si Kapitan Tiago na itigil ang pagpapakasal ni Ibarra kay Maria Clara. Sa halip ay ipapakasal si Maria Clara sa binatang Kastila na si Alfonso Linares.

Nagkasakit ang dalaga sa labis na pagdaramdam nito. Pero dahil sa tulong ng Kapitan Heneral ay nabalik si Ibarra sa simbahan.

Ngunit, sa hindi inaasahang pagkakataon ay hinuli si Ibarra dahil umano’y nanguna siya sa mga taong sumalakay sa kwartel. Nakatakas naman si Ibarra sa kukungan sa tulong Elias.

Bago pa ito tuluyang tumakas ay nabigyan pa ito ng pagkakataon na makausap ang pinakamamahal niyang si Maria Clara. Itinanggi ng dalaga ang liham na ginamit laban sa kanya dahil inagaw ito kapalit ng liham ng kanyang ina. Doon sa liham nalaman na si Padre Damaso ang tunay niyang ama kaya’t ganon nalang ang pagtutol nito sa pagii-bigan at planong pagpapakasal nila.

Pagkatapos nito ay tumakas na si Ibarra gamit ang bangka sa tulong ni Elias. Nakatakas man sila sa ilang guwardiya sibil ay nasundan pa rin ang bangkang sinakyan nila. Tumungo sila sa Ilog Pasig hanggang lawa ng Bay at doon tinabunan ng damo si Ibarra.

Upang malito ang mga tumutugis sa kanila, naisipan ni Elias na maging pampalito at tumalon sa tubig. Sa pag-aakalang si Ibarra ang tumalon sa tubig ay pinaulanan nila ng bala si Elias hanggang sa magkulay dugo ang tubig.

Nakarating ang balita kay Maria Clara at nawalan na ito ng pag-asa sa pag-aakalang patay na ang pinakamamahal niya.

Nagpasya si Maria Clara na pumasok sa kumbento upang maging isang madre. Pumayag nalang si Padre Damaso dahil wala na rin itong magawa dahil mapapatiwakal ito kung hindi papayag ang pari.

Noche Buena na ng matunton ni Elias ang gubat ng mga Ibarra ng sugatan at mahinang-mahina. Doon ay nakita niya ang kapatid na si Basilio at aang malamig na bangkay ng kanyang inang si Sisa.

Bago pa namatay si Elias ay nanalangin ito. Hindi na niya makikita ang bukang liwayway, ngunit, para sa mga mapalad, bilin niyang batiin ito at huwag limutin ng ganap ang mga nasawi sa dilim ng gabi.

Buod ng halimbawa ng nobela

Ang halimbawa ng nobela na pinamagatang “Noli Me Tangere” ay isang pangkasaysayan at satirikal na nobela ni Jose Rizal. Nagsilbing pampukaw sa mga Pilipino sa mga karahasan at korapsyon ng mga Kastila noon.

Buod Ng Banaag At Sikat

Tungkol ito sa buhay ng magkaibigang sina Delfin at Felipe na mayroong magkatulad na naisin ngunit may kakaibang paraan upang maipatupad ito.

Si Delfin ay kilala bilang isang sosyalista na naghahangad na magpalaganap ng konsepto ng sosyalismo sa lipunan. Nais niyang maging dominante ang mga mahihirap sa iba’t ibang gawain ng kabuhayan ang mga mamamayang maralita tulad ng pangangalakal, pagnenegosyo, at pagkakaroon ng pag-aari.

Ngunit kahit malaki ang kaniyang adhikain para sa mga mahihirap, naninwala pa rin si Delfin na kailangang idaan sa mapayapang paraan ang pakikipaglaban para sa karapatan nito.

Nag-aaral siya ng abogasya. At isa sa paraan niya ng pagpuksa sa mayayaman ay ang pagsusulat sa isang pahayagan.

Si Felipe naman ay anak mayaman at naniniwala sa anarkismo. Ito ay ang marahas na pagpapaalis ng mga makapangyarihan sa kanilang mga puwesto. Kailangan daw maipadama sa mga mayayamang negosyante at may-ari ng lupa.

Anak din siya ng isang mayaman at makapangyarihang tao na si Don Ramon ngunit batid niya ang hindi magandang paraan ng pagyaman ng kaniyang ama. Kaya naman umalis siya sa kanila at namuhay nang mag-isa at ipinagpatuloy ang pagtupad sa kaniyang hangarin.

Napatay ang mayamang si Don Ramon habang nasa New York ito at nang ibalik ang mga labi niya sa Pilipinas ay dinalaw ito nina Felipe at Delfin.

Ang buod ng halimbawa ng maikling nobela ay mula sa panitikan.com.ph.

Ang halimbawa ng maikling nobela na pinamagatang “Banaag At Sikat” ay isang nobela ni Lope K. Santos. Ang nobelang ito ay hinggil sa buhay ng dalawang magkaibigan na sina Delfin at Felipe. Tinalakay sa nobelang ito ang mga paksang sosyalismo at kapitalismo.

Buod ng Mga Ibong Mandaragit

Si Andoy ay alila sa bahay ni Don Segundo Montero. Ipinapiit si Andoy ng Don sa Hapones sa suplong na isa siyang gerilya. Nakatakas si Andoy at sumama siya sa mga gerilya. Natulog siya sa bahay ni Tata Matias sa kabundukan. Si Tata matias ang nagturo kay Andoy sa panig ng dagat pasipiko na pinagtapunan ni pari Florentino sa kayamanan ni Simoun.

Nasisid ni Andoy ang kayamanan ni Simoun sa tulong ng dalawa pang mga gerilya, sina Karyo at Martin. Si Karyo ay namatay nang makagat ng pating. Tinangka ni Martin na patayin si Andoy upang masolo ang kayamanan ngunit siya ang napatay ni Andoy. Nataga ni Martin sa pisngi si Andoy at ang pilat na ito ang nagtago sa tunay niyang pagkatao. Siya ay nagpabalatkayong si Mando Plaridel.

Ipinasiya ni Mando na magtatag ng isang pahayagan, ang kampilan. Ang kaibigan niyang si Magat ang siyang namahala sa pahayagan. Bumili ng bahay sa Maynila si Mando at dito na nanirahang kasama si Tata Matias upang lubos na mapangalagaan ang Kampilan. Dahilan sa kulang siya sa karunungan, naisipan ni Mandong maglibot sa daigdig at magpakadalubhasa sa karunungan. Bago umalis, kinausap ni Mando si Tata Pastor na amain niya at ang pinsan niyang si Puri. Walang kamalay-malay ang dalawa na siya ay si Andoy. Sinabi ni Mando na siya ay tutungo sa ibang bansa ngunit lagi siyang susulat sa mga ito.

Sa Paris nakatagpo ni Mando si Dolly Montero, anak nina Donya Julia at Don Segundo na mga Dati niyang amo noong panahon ng Hapon. Nagkalapit sila ni Dolly nang ipagtanggol niya ito sa isang dayuhang nagtangkang halayin ang dalaga. Napaibig ni Mando si Dolly at nagpatuloy siya sa Amerika. Pagkagaling sa Amerika, umuwi si Mando sa Maynila.

Nasa Pilipinas na rin si Dolly at minsan ay inanyayahan nito si Mando na dumalo sa isa nilang handaan. Ipinakikilala ni Dolly sa mga panauhin si Mando na isa sa mga iyon ay ang Presidente. Nagkaroon ng masasakit na komentaryo ukol Sa kampilan at sinabi ni Mando na ang pahagayan niya ay nagsabi lamang ng pawang katotohanan. Pinaratangan ng mga naroon na laban sa administrasyon ang Kampilan.

Nalaman ni Mando na hindi na Si Tata Pastor ang katiwala ni Don Segundo. Ang mga magsasaka ay lalong naghirap. Isang Kapitan Pugot ang ipinalit ng Don kay Tata Pastor.

Nagdaos ng isang pulong ang mga magsasaka sa asyenda. Naging tagapagsalita pa si Mando, Si Tata Pastor at si Senador Maliwanag. Tapos na ang pulong at nasa Maynila na si Mando nang masunog ang asyenda. Pinagbibintangan ang mga magsasaka at kabilang si Tata Pastor at nahuli at binintangan lider ng mga magsasaka. Lumuwas si Puri at ipinaalam kay Mando ang nangyari. Ginawa naman ni Mando ang kanyang makakaya at nakalaya ang mga nabilanggo. Samantala si Puri ay hindi na pinabalik ni Mando sa lalawigan. Itinira niya sa isang dormitoryo ang dalaga at pinagpag-aral ito ng political Science sa U.P.

Minsan ay dinalaw ni Mando si Puri sa tinitirahan. Noon tinanggap ni Puri ang pag-ibig sa Mando. Sa wakas ipinagtapat ni Mando kina Tata Pastor at Puri na siya si Andoy na malayong kamag-anak. Hiniling niya kay Tata Pastor at Puri nasiya si Andoy na malayong kamag-anak. Hiniling niya kay Tata Pastor na makasal sila ni Puri.

Minsan ay dumalo si Mando sa isang komperensiya para sa mga patnugot ng mga pahayagan . Nalaman ni Dolly na naroon siya kaya inanyayahan sa kanilang bahay. Nakilala ni Don Segundo si Mando at nagkapalitan sila ng masasakit na salita. Dito ipinagtapat ni Mando sa siya ay si Andoy na dating alila roon . Noong una ay ayaw maniwala ni Dolly ngunit nang ulitin iyon ni Mando ay buong hinagpis na tumangis si Dolly.

Sa tulong ng pahayagang Kampilan at ng himpilan ng radyong ipinatayo ni Mando, patuloy na tinuligsa ni Mando ang mga masasamang pinuno ng pamahalaan. Nalaman ni Mando na si don Segundo pala ay puno ng mga smugglers. Hindi nagtigil si Mando hanggang sa maipabilanggo niya si Don Segundo.

Ang buod ng halimbawa ng nobela ay mula sa filipinocorner.blogspot.com.

Ang halimbawa ng maikling nobela na pinamagatang “Mga Ibong Mandaragit” ay isang nobelang pangsosyo-politikal ni Amando V. Hernandez. Ang nobelang ito ay hinggil sa buhay ni Mando “Andoy” Plaridel. Tinalakay sa nobelang ito ang suliranin ng mamamayan at ng lipunan.

Buod ng Dugo Ng Bukang Liwayway

Sa unang bahagi ng nobela, nagsimula ang kwento kay Tano, isang magsasaka na namatayan ng asawa matapos manganak nito sa anak nilang si Simon, na siya namang pangunahing tauhan. Labis namang dinamdam ni Tano ang pagkamatay ng kanyang asawa kaya’t napagdesisyunan niyang manirahan na lamang sa bukid kasama ang anak.

Pinag- aral ni Tano ang kanyang anak na si Simon dahil ayaw niyang gawin sa anak ang ginawa ng ibang magsasaka sa nayon na kapag natuto ng magbasa’t magsulat ay ayos na.

Sa ikalawang bahagi naman, nagbalik ang mag-ama sa nayon. Ngunit sa kasamaang- palad namatay si Tano dahil sa isang karamdaman. Si Simon naman ay nagpatuloy ng pag- aaral at kumayod. Sa muling pagbalik niya, nadatnan niya ang pagkasira ng mga puntod ng kanyang mga magulang na noo’y nabili nan g mga Borja ang lupang kinatitirikan ng mga labi nito. Iniwan muli ni Simon ang nayon na may dalang galit at pangakong paghihiganti.

Sa pagbabalik ni Simon, nakamit niya na ang kanyang minimithi sa buhay, ang paghihiganti. Kinalaban niya ang negosyo ng mga Borja at kinalaban iyon. Per hindi lamang paghihiganti ang nasa isip niya, hindi niya pa rin nakalimutan ang nayon. Ipinagpatayo niya ito ng eskwelahan para sa mga magsasaka.

Sa huli, namatay si Simon matapos siyang walang awing barilin ni Borja sa dibdib. Sa kanyang pagkamatay, ang pangalang Simon ay hindi malilimutan ng mga tao sa nayon. Dahil si Simon, ay isang magbubukid na di nakalimot sa kanyang pinagmulan.

Ang buod ng halimbawa ng maikling nobela na ay mula sa anghiwaganihanna.wordpress.com.

Ang halimbawa ng maikling nobela na pinamagatang “Dugo Ng Bukang Liwayway” ay isang nobela ni Rogelio Sicat. Hinggil sa buhay ni Simon na nagsumikap upang makamit ang pangarap sa buhay. Tinalakay sa nobelang ito ang kanyang mithiing muling isalaysay ang daigdig ng kanyang kamulatan.

Buod ng Sa Mga Kuko Ng Liwanag

Si Julio ay isang maralitang mangingisda na may kasintahan na ang pangalan ay Ligaya.

Isang araw, umalis si Ligaya kasama ang isang Ginang Cruz na pinangakuang makakapag-aral at makapaghanapbuhay sa Maynila si Ligaya.

Pumunta si Julio sa Maynila para makita si Ligaya. Noong nasa Maynila na, naging biktima si Julio ng mga mapanlamang na mga tao sa lungsod. Nakaranas si Julio ng mga pang-aabuso habang nagtatrabaho sa isang lugar ng konstruksiyon at pagbebenta ng sariling katawan para lang kumita ng pera.

Unti-unting nawawalan ng pag-asa si Julio na matagpuan pa si Ligaya. Ngunit nagbago ang lahat nang muli niyang makita si Ligaya. Nalaman niyang si Ligaya ay naging biktima ng prostitusyon.

Nagbalak na tumakas ang dalawa ngunit gaya ng sabi ni Ligaya ay kayang-kaya siyang patayin ng kinakasama kapag ito ay nahuling tumatakas. Dumaan ang gabi at sa paggising ni Julio ay patay na si Ligaya.

Ipinaghiganti ni Julio si Ligaya at pinaslang ang kinakasama nitong lalaki subalit maraming nakasaksi at pinagmalupitan si Julio hanggang sa ito ay mawalan din ng hininga.

Ang buod ng halimbawa ng nobela ay mula sa tagaloglang.com.

Ang halimbawa ng maikling nobela na pinamagatang “Sa Mga Kuko Ng Liwanag” ay isang nobela ni Edgardo M. Reyes. Ang nobelang ito ay hinggil sa buhay ni Julio na isang mangingisda at na sumunod sa pinakamamahal niyang si Ligaya sa Maynila. Tinalakay sa nobelang ito ang kanyang mithiing muling makapiling si Ligaya ngunit nakaranas sila ng pagmamalupit ng lipunan.

Buod ng Lalaki Sa Dilim

Nagsimula ang kwento sa isang lalaking nagngangalang Rafael Cuevas. Isang espesyalista sa mata. Nakagawa siya ng isang malagim na krimen ng gabing bigyan siya ng Stag party ng kanyang mga kaibigan bago pa man siya makasal kay Margarita,isang opera singer. Nagawa niyang gahasain ang babaing kahabag-habag ang kalagayan. Isang bulag at maralita ang kanyang ninakawan ng kabirhinan. Dahil hindi makakita ang hindi nakilala ang kanyang boses ay “ligtas” siya sa kanyang kasalanan.

Walang ebidensyang makapagpapatunay. Bilang paghuhugas at paglilinis niya ng konsensiya sa nagawa niyang kasalanan kay Ligaya, ang babaeng kanyang ginahasa, binigyan niya ito ng P50, 000.00 kasama ang liham na nagsasabing sa kanya din magpagamot ng mata upang masingil lamang ng kaunti upang hindi makahalata. Nagbunga ang kanyang nagawang kasalan kay Ligaya na nagkataong isinunod sa kanyang pangalan bilang pagtanaw ng babae sa kanyang nagawang kabutihan. Naging inaanak niya rin ang bata sa binyag. Ninong siyang kanyang sariling anak.

Sa kanilang pagsasama ni Margarita ay nagkaroon ito ng lover at ito ay si Nick. Ang kanyang kaibigan. Nagkaroon ng lamat ang kanilang samahan na humatong din sa hiwalayan. Ang napang-asawa niyang si Margarita ay isang modernong babae. Totally Americanized, sabi nga sa nobela. Para kay Margarita ayos lang na magkaroon siya ng lover at gayon din si Rafael basta magkaroonlang sila ng pagkaka-intindihan ni Rafael at maging totoo sa isa‟t isa. Isang araw habang nagbabasa ng pahayagan si Rafael ay gumulantang sa kanya ang isang balitang napatay si Margarita at Nick sa isang otel ng isang babaeng nasa 29 ayos. Ito ay si Marina ang asawa ni Nick na matagal ng nagtitiis sa mga kabulastugan ng asawa hanggang sa umabot na sa sukdulan at makapatay ito. Sa huli ay nagawa rin niyang aminin kay Ligaya at Aling Selaang ina ni Ligaya na siya ang lalaki sa dilim na noon ay bumaboy sa katawan ni Ligaya. Malinaw kay Rafael na papakasalan niya si Ligaya.

Ang buod ng maikling halimbawa ng nobela ay mula sa lhesabante.wordpress.com.

Ang halimbawa ng maikling nobela na pinamagatang “Lalaki Sa Dilim” ay isang nobela ni Benjamin P. Pascual. Ang nobelang ito ay hinggil sa buhay ni Rafael Cuevas na nakagahasa ng isang babaeng bulag. Mababatid na ang pisikal na pagkabulag ng babae ang siyang magbibigay liwanag sa katauhang-dilim ng lalaki.

Buod ng Luha Ng Buwaya

Umiikot ang kwento ng Luha ng Buwaya sa tunggalian ng mayayamang may-ari ng lupa at ng kanilang mga inaaping magsasaka sa bayan ng Sampilong ilang taon matapos ang pananakop ng mga Hapones. Nagsimula ang kwento sa pag-uwi ni Maestro Bandong Cruz sa Sampilong upang humalili sa dating punong-guro na nagbakasyon muna dahil sa karamdaman.

Nagkataon naman na magkakaroon ng malaking handaan sina Don Severo at Doña Leona Grande, ang mga pinakamayaman sa Sampilong. Bilang pagsalubong sa kanilang dalawang anak na sina Jun at Ninet. Ang magkapatid ay umuwi sa Sampilong mula sa kanilang pagtatapos sa Maynila. Ang pamilya Grande ay lubhang mapang-api sa kanilang mga magsasaka , at hindi lamang ngayong malapit na ang piging ngunit kahit noon pa man. Sila’y laging walang-awang sumisingil ng mga nagkakapatong-patong na utang ng mga mahihirap na magsasaka. Isang halimbawa ng kanilang kalupitan ay, ilang araw matapos ang handaan, namatay ang asawa ng isang magsasaka. Ito ay dahil hindi pinagbigyan ng mag-asawa ang hiling ng lalaki na huwag munang kunin ang kanilang pera upang mayroon siyang maipambili ng gamot para sa kanyang maysakit na asawa.

Dumating ang mga pangyayari sa puntong napuno na ang mga mahihirap na magsasaka at naisip nilang magtayo ng isang unyon para mapangalagaan ang kanilang mga karapatan. Sila ay tinulungan ng butihing punong-guro na si Bandong. Sa tulong nito ay namulat ang isipan ng mga tao sa Sampilong at gumanda ang kalagayan ng mga mamamayan. Ngunit patuloy na umiral ang kasakiman ng mga Grande. Tinangka nilang kamkamin ang lupaing kung tawagin ay ‘Tambakan’ o ‘Bagong Nayon’ at hinabla ang mga mahihirap upang mapigilan ang kanilang mga plano.

Di nagtagal at nakarating ang mga balitang ito sa mga Grande sa pamamagitan ng kanilang katiwala na si Dislaw. Ang karibal ni Bandong sa panliligaw sa magandang dalagang si Pina. Sila’y gumawa ng paraan upang matanggal si Bandong sa pagkapunong-guro sa paaralan. Nalaman ni Bandong kung sino ang mga may galit sa kanya at tahasa na siyang nakiisa sa mga plano at hinanaing ng mga maralitang tao ng Sampilong. Sinubukan nilang dalhin ang problema sa korte at ayusin ito sa harap ng hukuman ngunit nagkaproblema sila dahil sadyang maimpluensya ang mga Grande. Di naglaon ay napabalitang ang lupaing iyon ay hindi pala sa mga Grande, at sa halip ay pagmamay-ari ito ng isa nilang kasamahan na si Andres. Sa huli ay napawalang-sala rin ang mga inosenteng mahihirap at nabigyan ng hustisya.

Ang buod ng maikling halimbawa ng nobela ay mula sa squadngfilipino.blogspot.com.

Ang halimbawa ng maikling nobela na pinamagatang “Luha Ng Buwaya” ay isang nobela ni Amado V. Hernandez. Ang nobelang ito ay hinggil sa buhay ni Bandong na humalili bilang punong guro sa paaralan sa Sampilong. Tinulungan niya ang mga magsasaka na makuha ang hustisya tungkol sa problema sa lupain laban sa mga Grande.

Buod ng Ang Huling Timawa

Ang Ang Huling Timawa (1936) ay umiinog sa pakikibaka ng isang pamayanan upang lumaya sa di-makatarungang sistema ng kasike at bulok na pamamalakad sa pamahalaan. Inilahad sa nobela ang napipintong pag-aaklas ng pangkat ng Kolorum na nasa kabundukan ng Baritan.

Si Mateo de la Cruz ang pinuno, na itinangging inihahasik ng kaniyang pangkat ang kaguluhan, bagkus nagsisikap lamang na pabutihin ang kalagayan ng mga magsasaka. Kalaban ng pangkat niya ang gaya nina Braulio de los Santos at Don Procopio, na pawang naghahasik ng lagim sa pamamagitan ng mga armadong bataan. Tinangkilik naman ng mga tao ang Kolorum, at kabilang dito si de la Cruz na mula sa angkan ng panginoong maylupa.

Si Ricardo Pilares na matapang na editor at mamamahayag. Si Jose Romero na estudyante sa unibersidad at si Tenyente Ventura na nagsikap na unawain ang kalagayan ng mga magsasaka at kasama.

Itatampok sa nobela ang pag-iibigan nina Jose Romero at Adela, na anak ni de los Santos. Magtatagumpay ang pangkat sa kanilang pakikibaka, at magwawakas ang nobela sa pagpapanibago ng kanilang pamayanan at pagbabagong-loob ng kasike.

Ang buod ng maikling halimbawa ng nobela ay mula sa worthpoint.com.

Ang halimbawa ng maikling nobela na pinamagatang “Ang Huling Timawa” ay isang nobela ni Servando de los Angeles. Ang nobelang ito ay hinggil sa pakikibaka ng isang pamayanan upang lumaya sa masamang pamahalaan. Tinalakay kung paano pinaglaban ni Mateo de la Cruz ang kanilang karapatan at sa huli ay nakamit nila ang pagbabago sa pamayanan.

Buod ng Sa Bagong Paraiso

Magkababata sina Ariel at Cleofe. Musmos pa lamang sila ay kilala na nila ang isa’t isa. Itinuring nilang isang paraiso ang kanilang lugar, kasabay ng kanilang gawain at paglalaro na labis nilang kinaaliwan noon.

Walong taong gulang sila nang magkakilala at mahilig maglaro sa tabing-dagat at sa malawak na bukirin sa kanilang lugar.

Ang magandang samahan nina Ariel at Cleofe ay nagtagal hanggang sa dumating ang panahon na sila ay dalaga at binata na. Sa panahong ito, wala na ang kamusmusan at nag-iba na rin ang takbo ng kanilang isip, maging ang kanilang damdamin.

Batid ng mga magulang nila na higit na sa pagkakaibigan ang namamagitan sa dalawa. Ang dating magkalaro ay alam nilang mahalaga na ang tingin sa isa’t isa. Kaya naman gumawa ng aksyon ang kanilang mga magulang.

Pinag-aral si Cleofe sa siyudad upang mailayo kay Ariel. Paghahanda raw ito sa magandang kinabukasan niya. Ngunit ang paglayo ay hindi pa rin naging hadlang sa dalawa. Pinilit pa rin nilang magkita sa kabila ng pagbabawal.

Sa kanilang muling pagtatagpo ay isang bagong paraiso ang kanilang natagpuan. Ang init ng kanilang pagmamahalan ay tila ang init na naranasan nila sa paglalaro sa malawak na taniman.

Ang bawat yakap at halik ay tila bagong paraiso para sa dalawa. At ang paraiso ay nagbunga na para sa iba ay parusa habang biyaya naman sa kanilang dalawa.

Ang buod ng maikling halimbawa ng nobela ay mula sa panitikan.com.ph.

Ang halimbawa ng maikling nobela na pinamagatang “Sa Bagong Paraiso” ay isang nobela ni Efren Reyes Abueg. Ang nobelang ito ay hinggil sa pag-iibigan ng dalawang magkababata na sina Ariel at Cleofe. Tinalakay dito na sa kabila ng paghadlang ng kanilang magulang ay nakagawa sila ng paraan at natagpuan ang kanilang paraiso na nagbunga ng isang biyaya.

Buod ng Canal de la Reina

Bawat isa sa atin ay may kaniya-kaniyang pananagutan at responsibilidad sa mga bagay na ipinagkaloob at ipinaubaya sa atin. Ang pananakop ng mga iba’t ibang banyagang bansa sa Pilipinas at kung paano ito nasupil ng ating mga bayani ay naitala na sa bawat sulok ng ating kasaysayan subalit hanggang sa kasalukuya’y hindi pa rin ito natutuldukan. Sa paksang ito umiikot ang kwento ng nobelang Canal de la Reina ng nobelistang si Liwayway A. Arceo. Ginagalugad nito ang iba’t ibang paraan ng mga karaniwang tao sa Maynila upang mabuhay at makatawid mula sa kahirapan. Inihambing ang ating kasaysayan sa nagdarahop na mamamayan na nakatira sa gilid ng ilog ng Canal de la Reina.

Dahil sa mahabang panahon na pagpapabaya, naging mahirap na para kay Caridad na mabawi ang lupang pinagsibulan ng kanyang kabataan mula sa isang tila buwitre na si Nyora Tentay na may kakayahang gawing katotohanan ang kasinungalingan, makatwiran ang baluktot, kabutihan ang panggagamit at salapi ang buhay.

Sa pagbabalik ni Caridad, isang nakapanlulumong tanawin ang tumambad sa kanya. Ang kanyang mga dalisay na ala-ala noong kabataan ay siya na ngayong nakalubog sa putik at nababalot ng masangsang na amoy. Ang karumihan at kasangsangan nito ay bumabalot hanggang sa ating lipunan- lipunan na minsang naging hitik sa bulaklak at malayang inilantad ng mga mamamayan nito ang kanilang karapatan, mahirap man o mayaman. Ani nga ni Caridad nang may larawang muling nabuhay sa kanyang gunita, “Ang ganda ng kawayan d’yan, parang preskung-presko at malayang-malaya ang hangin ngunit pihong labandera na ang nakatira ngayon d’yan.” Ganito na nga ba kalaki ang pagbabago ng ating bansa? Unti-unti na ngang nangangamatay ang mga magagandang tanawin dahil sa sibilisasyon, globalisasyon at kawalang disiplina ng bawat mamamayan nito at di rin magtatagal ang kasangsangan ay babalutin pati ang ating kaluluwa at pag-iisip. Unti-unti nating hinhukay ang sariling libingan ng ating bayan kung tulad ni Ingga ay patuloy tayong magpapaalipin at magpapatakot ‘di lamang sa mga dayuhan kundi pati na rin sa mapagmalabis na kapwa nating mga Pilipino na mayroong kapangyarihang paikutin ang buhay ng mga nakabababa.

Napalitaw ni Arceo ang kulay at dilim ng buhay sa likod ng mga payak na pangyayari sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga tauhan sa nobela. Ang mapag-arugang damdamin ng isang ina ay nagbigay diin sa karakter ni Caridad at Gracia sa magkaibang paraan. Ang una ay ang pagiging maunawaing maybahay ni Salvador at maaalalahaning ina nina Leni at Junior. Ang pangalawa nama’y ay ang pagiging matatag sa kabila ng kawalan ng katuwang sa pag-aaruga ng kanyang nag-iisang anak na si Geronimo. Kapwa naging biktima ng kasakiman ni Nyora Tentay ngunit parehong nakipagtunggali at hindi yumukod sa kalakaran ng lipunan. Si Caridad ay buong –tapang na nanindigan na bawiin ang lupang kinamkam ni Nyora Tentay subalit nagpakita pa rin ng kabutihan sa matanda nang ito ay nasiraan ng ulo. Habang si Gracia nama’y ibinalik ang naranasang kapaitan sa mag- inang sina Nyora Tentay at Victor ngunit ang pag-ibig pa din para sa huli ang namayani sa kanyang puso. Sila ang dalawang mukha ng mga Pilipino, hindi tiyak ang paroroonan ngunit tulad ng ilog ng Canal de la Reina sila’y patuloy na nakikipagsapalaran at nakikibaka sa kabila ng mga basurang nagpapasikip at nagpapahirap sa kanilang pag-agos sa buhay.

Ginamit ni Arceo ang tubig at pagbaha bilang siyang simbolo ng pagdalisay ng kaluluwa at ng natutuyong pamayanan nang sa gayo’y maaninag na ang panibagong simula at pag-asa. Kung tayong lahat ay magiging gaya ni Junior na napupuno ng pag-asa at pag-ibig para sa bayan, tiyak na maibabalik natin ang dating ganda at halimuyak ng ating “Canal de la Reina”. Sama-sama nating pagtibayin ang pundasyon at haligi ng bantayog ng pag-asa ng hinaharap, gaya nga ng sabi ni Jun: “Itatayo natin dito ang isang simbolo ng pagtindig ng isang bagong pamayanan na malaya. Malaya sa isang manunupil, tulad ni Nyora Tentay na larawan ng panunupil ng isang nasa kapangyarihan. Malaya ang isipan sa paghahayag ng tunay na damdamin.” Kailangang mabigyan natin ng kahulugan ang lupang ito, hindi lang lupang sinilangan natin o ng ating mg ninuno, kundi isang simbolo ng pagkagising at pagbabago tungo sa kaunlaran.

Ang buod ng maikling halimbawa ng nobela ay mula sa hayzkul.blogspot.com.

Ang halimbawa ng maikling nobela na pinamagatang “Canal de la Reina” ay isang nobela ni Liwayway A. Arceo. Ang nobelang ito ay hinggil sa pagkikibaka ni Caridad na mabalik ang dating ganda ng Canal de la Reina na siyang kinalakihan niya. Tinalakay dito kung paano nila nabago ang bawat tao sa nobela sa pamamagitan ng pag-ibig at pag-asa.

Buod ng Ginto Ng Kayumangging Lupa

Tanghaling tapat na ng magising si Moises. Hinang-hina siya, uhaw na uhaw at ‘di maigalaw ang kalahati ng katawan pababa.

Noon niya naalala ang buong pangyayari. Malakas ang pagkakahampas ng buntot ng sawa sa kanyang balakang, nalinsad ang buto nito at naipitan siya ng malaking ugat. Sa tulong ng mga taga-Mauwak ay nailigtas siya at sa kaalaman ni Mang Pio sa panghihilot ay binalot ng kawayan ang kanyang balakang.

Sa loob ng dalawang buwan ay hindi siya makagalaw at wala pa ring kasiguraduhan kung muli pa siyang makalalakad. Napagpasiyahan ng kanyang asawang si Tinay at nang tatlo pang anak na si Tante na muna ang gagawa sa tungkulin ng ama. Tutulungan siya ni Francisco habang sina Tante at Mira ay titigil muna sa pag-aaral. Si Francisco, na pinakamatalino sa tatlo naman ang magtutuloy ng pag-aaral sa hayskul.

Isang gabi ay dinalaw siya ni Mando, ang kanayon na nagpasimula ng pagtutol sa ganid na Senyor na siyang nagmamayari daw ng kanilang mga lupain. Napag-alaman niya rito na wala na talagang pag-asang mapasakanya pa ang lupang matagal ding panahong binungkal. Gayunpaman ay ‘di pa rin siya nawawalan ng pag-asa.

Hindi na nga muli pang makalakad si Moises. Nagtulong-tulong ang mag-ina sa mga gawain sa lupain. Nakatapos ng hayskul si Francisco at makalipas pa ang dalawang taon ay nagpaalam ito na luluwas ng Maynila. Magsisikap makapag-aral sa kolehiyo at nangako siya sa ama na siya ay uuwing tagumpay. “Patnubayan ka nawa ng Diyos”, sambit na lamang ni Moises para sa anak at si Francisco ay lumuwas na ng Maynila na punong-puno ng pag-asa.

Ang buod ng maikling halimbawa ng nobela ay mula sa dokumen.tips.

Ang halimbawa ng maikling nobela na pinamagatang “Ginto Ng Kayumangging Lupa” ay isang nobela ni Dominador B. Mirasol. Ang nobelang ito ay hinggil sa pagsusumikap ng mga tauhan na malampasan ang mga balakid sa buhay. Tinalakay dito kung paano nilabanan ng mga mahihirap ang mga ganid na mayayamang nang-aangkin ng kanilang gintong lupain.

Para Sa Iba Pang Filipino Lessons

Maliban sa paksang HALIMBAWA NG NOBELA, narito ang ilan pa mga aralin na pwede niyong basahin.

Summary Ng Mga Halimbawa Ng Nobela

Iyan ang mga detalye tungkol sa kung ano ang kahulugan at mga halimbawa ng nobela sa Pilipinas. Ang isang nobela ay naghahangad na ipaliwanag sa mambabasa ang pangunahing layunin ng mga bida at kontabida ng kwento. Ginawa ang mga ito sa malikhaing pamamaraan upang maging kawili-wili at kapupulutan ng aral.

Nawa ay nabigyan namin kayo ng inspirasyon sa pamamagitan nitong artikulong ito. Happy reading and God bless.

Inquiries

If you have any questions or suggestions about, Halimbawa Ng Nobela – 12 Buod Ng Halimbawa Ng Mga Nobelang Pilipino 2022 Let us know what you think about this post by leaving a comment below.

We are Proud Pinoy.

Leave a Comment

Your email address will not be published.