Maikling Kwento Na May Aral : 10 Halimbawa ng Maikling Kwento 2022

MAIKLING KWENTO NA MAY ARAL – Ang araling ito ay talaga namang kapupulutan ng aral. Ang mga halimbawa ng maikling kwento tungkol sa pagmamahal sa pamilya, kaibigan, pag-ibig, pangarap, kalikasan at iba pa ay binubuo ng dalawa o higit pang mga tauhan. Ang mga halimbawa ng bawat isang maikling kwento na may gintong aral ay maaring masaya o malungkot na mga kwento na makapag-bibigay inspirasyon sa atin.

Sana sa pamamagitan nitong mga halimbawa ng mga maikling kwento na may gintong aral ay maging inspirasyon natin ito para sa pagharap sa mga hamon sa buhay. Marahil ay makaka-relate ka sa mga nakaka-aliw at mga pambatang mga kwento.

See also: 7 Maikling Kwento Tungkol Sa Pangarap | Short Stories Tagalog

Maikling Kwento Na May Aral – 10 Halimbawa Ng Maikling Kwento Na Pambata na may Aral

Time needed: 10 minutes.

Narito ang mga halimbawa ng maikling kwento na may gintong aral.

  1. Kung Bakit may Tagsibol at Taglagas

  2. Ang Batang Maikli ang Isang Paa

  3. Si Mariang Mapangarapin

  4. Si Juan, ang Pumatay ng Higante

  5. Ang Batang Espesyal

  6. Ang Dakilang Kaibigan

  7. Modelong Bata

  8. Ang Nawawalang Prinsesa

  9. Wala na Siya

  10. Pambansang Pintor

10 Halimbawa Ng Mga Maikling Kwento Na May Aral – Short Stories

10 Halimbawa Ng Maikling Kwento Na May Aral
10 Halimbawa Ng Mga Maikling Kwento Na May Gintong Aral

Ipagpatuloy lang ang pagbabasa hanggang sa dulo nang artikulong ito para makita mu ang nilalaman ng bawat isang Halimbawa Ng Mga Maikling Kwento Na May Gintong Aral. Nawa kayo ay masiyahan at maging inspirasyon ang mababasa ninyong halimbawa ng mga maikling kwento na may gintong aral.

Kung Bakit may Tagsibol at Taglagas

Si Proserpina ay isang dalagang magandang-maganda. Katulong siya ng kanyang inang si Demiter sa pangangalaga sa mga halaman sa lupa. Kung minsan ang mag-ina ay namimitas ng mga bulaklak na basa pa ng hamog kung bukang-liwayway. Kung minsan naman ay nakikipagsayaw si Proserpina sa kanyang mga kapwa dalaga sa gitna ng parang. Masaya ang buhay ng mag-ina.

Nang mga panahong yaon ay malungkot si Pluto. Nag-iisa siya sa kanyang kaharian sa ilalim ng lupa. Ibig niyang magkaroon ng reyna. Marami nang dalaga ang kanyang pinaghandugan ng mga mahal at magagandang hiyas, ngunit isa man ay walang mahikayat na tumira sa kanyang kaharian.

Isang araw ay nagtungo si Pluto sa ibabaw ng lupa. Nakalulan siya sa kanyang gintong karosa na hinihila ng mga kabayong walang kamatayan. Mabilis ang takbo ng mga kabayo. Nagkataong nasa parang noon sina Proserpina at ang kanyang mga kaibigan. Nakita siya ni Pluto.

“Siya ang gagawin kong reyna ng aking kaharian,” ang bulong ng hari.

Pinatakbo ni Pluto ang kanyang mga kabayo at inagaw ang dalagang namimitas ng mga bulaklak. Humingi ng tulong si Proserpina. Tumawag siya sa kanyang amang si Seus, ngunit hindi siya narinig nito.

Walang nakarinig sa kanyang kasisigaw maliban sa isang mahiwagang diyosang ang pangalan ay Hekate. Gayunman ay sumigaw rin nang sumigaw si Proserpina. Ang alingawngaw ng kanyang sigaw ay ikinalat ng hangin sa mga burol at kagubatan hanggang sa narinig ni Demiter na noo’y nasa malayong pook.

Dali-daling nagbalik sa Sisilya si Demiter. Una niyang tinungo ang kanilang tahanan upang tingnan si Proserpina. Wala roon ang dalaga. Naghanap si Demiter. Siyam na araw niyang hinanap ang nawawalang anak. May dala siyang dalawang sulo na itinatanglaw sa lahat ng sulok ng lupa, ngunit di niya matagpuan ang dalaga. Dahil sa laki ng kanyang kalungkutan ay hindi siya tumikim ng anumang pagkain ni inumin.

Dumating sa kanya si Hekate nang ikasampung araw. Ibinalita sa kanyang narinig niya ang mga sigaw ni Proserpina ngunit hindi niya nakita kung sino ang umagaw.

Hindi naasikaso ni Demiter ang kanyang gawain sa ibabaw ng lupa. Namatay ang mga halaman at nagkagutom ang mga tao. Habang lumalakad ang mga araw ay lalo silang nagkakagutom. Lumapit sila kay Demiter at hiniling ditong patubuin na ang mga halaman sa lupa.

Naging matigas ang puso ni Demiter dahil sa kalungkutan. Sinabi niya sa mga tao na hangga’t hindi niya nakikita ang kanyang anak ay hindi niya maasikaso ang mga gawain niya sa lupa.

Naghanap siya nang naghanap. Nang wala na siyang pag-asa ay lumapit siya kay Seus. Hiniling niya sa diyos ng mga diyos na ibalik sa kanya si Proserpina.

“Kung siya’y ibabalik sa akin ay muling magkakaroon ng masaganang ani sa lupa,” ang sabi ni Demiter kay Seus.

Naawa sa kanya si Seus. Ipinangako sa kanyang ibabalik sa piling niya si Proserpina kung ang dalaga’y hindi kumain ng anuman samantalang siya’y nasa kaharian ni Pluto.

Natuwa si Demiter. Nagtungo siya sa ilalim ng lupa. Natagpuan niya si Proserpina sa palasyo ni Pluto. Nagyakap ang mag-ina. Ibig na ibig na ng dalagang masilayan ang ibabaw ng lupa na sinisikatan ng araw.

Ngunit siya pala’y kumain ng araw na yaon ng anim na buto ng granada. Dahil sa pagkakain niyang yaon ay minarapat ni Plutong mamalagi sa kanyang piling si Proserpina sa loob ng anim na buwan, at sa piling naman ni Demiter sa nalalabing anim na buwan bawat taon.

Kung si Proserpina’y nasa piling ng kanyang ina ay tagsibol at tag-araw sa ibabaw ng lupa. Kung siya’y nasa kaharian ni Pluto ay taglagas at taglamig sa ibabaw ng lupa.

Maikling tula na may aral mula sa pinoycollection.com.

Aral:

  • Ang pagtupad sa pangako ay magandang kaugalian at nakaaangat ng dangal bilang isang tao.
  • Huwag ipilit ang sarili sa iba lalo na kung hindi ka naman niya minamahal sapagkat lalo ka lamang masasaktan.
  • Mahalin ang sarili at pumili ng tunay na magmamahal sayo.

Ang Batang Maikli ang Isang Paa

Mula sa kanyang pagsilang ay maliit na ang isang paa ni Mutya. Malambot iyon at nakabaluktot. Nang siya ay lumaki-laki, pinasuri siya ng kanyang mga magulang sa mahuhusay na mga doctor. Ang sabi ng mga doctor ay wala na iyong remedyo. Habambuhay na raw magiging lumpo si Mutya. Labis na nalungkot at naawa sa kanya ang mga magulang.

Lumaki si Mutya na laging tinutukso ng mga kalaro. Lalo siyang naging tampulan ng panunukso nang magsimula na siyang mag-aral.

“O, hayan na si Pilantod! Padaanin ninyo!” tukso ng mga pilyong bata kay Mutya.

Sa kabila ng lahat, hindi napipikon si Mutya. Hindi siya umiiyak sa panunukso sa kanya. Lumaki siyang matapang at matatag. Pinalaki kasi siya ng kanyang ina na madasalin. Mayroon siyang malaking pananalig sa Diyos kaya naman nagawa niyang tanggapin ang kalagayan nang maluwag sa loob niya.

Habang nagdadalaga ay nahihilig si Mutya sa musika. Nakakatugtog siya ng iba’t ibang instrumento. Marami ang humahanga sa taglay niyang galing sa pagtugtog.

Upang lalo pa siyang naging mahusay, pinag-aral siya ng kanyang ina ng pagtugtog ng piyano. At natuklasan ni Mutya na kulang man siya ng paa, sobra naman siya sa talino sa musika. Maraming mga guro sa musika ang humanga sa kanya. Lahat ay gusto siyang maging estudyante.

Pagkaraan pa ng ilang taon, ibang-iba na si Mutya. Isa na siyang kilalang piyanista. Nakarating na siya sa ibang bansa tulad ng Amerika at Espanya. Tumugtog siya doon. Naanyayahan pa nga siya sa palasyo ng hari ng Espanya para tumugtog sa hari. Hindi na siya tinutukso ngayon. Hindi na pinagtatawanan. Sa halip, siya ay hinahangaan na dahil lahat ay nagkakagusto sa kanyang pambihirang kakayahan sa pagtugtog.

Aral sa Maikling Kwento Tungkol sa Pangarap:

  • Anuman ang iyong kalagayan sa buhay, matutong manalig at tumawag sa Panginoon.
  • Huwag makinig sa negatibong sinasabi ng iba tungkol sa’yo.
  • Huwag mo na lang pansinin ang pangit na sinasabi nila, sa halip ay ipagpatuloy na linangin ang iyongb kakayahan upang makamit ang iyong pangarap.

Si Mariang Mapangarapin

Magandang dalaga si Maria. Masipag siya at masigla. Masaya at matalino rin siya. Ano pa’t masasabing isa na siyang ulirang dalaga, kaya lang sobra siyang pamangarapin. Umaga o tanghali man ay nangangarap siya. Lagi na lamang siyang nakikitang nakatingin sa malayo, waring nag-iisip at nangangarap nang gising. Dahil dito, nakilala siya sa tawag na Mariang Mapangarapin. Hindi naman nagalit si Maria bagkus pa ngang ikinatuwa pa yata niya ang bansag na ikinabit sa pangalan niya.

Minsan niregaluhan siya ng isang binata ng isang dosenang dumalagang manok. Tuwang-tuwa si Maria! Inalagaan niyang mabuti ang alaalang bigay sa kanya ng nag-iisang manliligaw niya. Nagpagawa siya sa kanyang ama ng kulungan para sa mga manok niya. Higit sa karaniwang pag-aalaga ang ginawa ni Maria. Pinatuka niya at pinaiinom ang mga ito sa umaga, sa tanghali at sa hapon. Dinagdagan pa ito ng pagpapainom ng gamot at pataba. At pinangarap ni Maria ang pagdating ng araw na magkakaroon siya ng mga inahing manok na magbibigay ng maraming itlog.

Lumipas ang ilang buwan hanggang sa dumating ang araw na nangitlog ang lahat na inahing manok na alaga ni Maria. Labindalawang itlog ang ibinibigay ng mga inahing manok araw-araw. At kinuwenta ni Maria ang bilang ng itlog na ibibigay ng labindalawang alagang manok sa loob ng pitong araw sa isang linggo. Kitang-kita ang saya ni Maria sa kanyang pangarap.

At inipon na nga ni Maria ang itlog ng mga inahing manok sa araw-araw. Nabuo ito sa limang dosenang itlog. At isang araw ng linggo ay pumunta sa bayan si Maria. Sunong niya ang limang dosenang itlog. Habang nasa daan ay nangangarap nang gising si Maria. Ipagbibili niyang lahat ang limang dosenang itlog. Pagkatapos, bibili siya ng magandang tela, ipapatahi niya ito ng magandang bistida at saka lumakad siya ng pakendeng-kendeng. Lalong pinaganda ni Maria ang paglakad nang pakendeng-kendeng at BOG!

Nahulog ang limang dosenang itlog! Hindi nakapagsalita si Maria sa kabiglaan. Saka siya umiyak nang umiyak. Naguho ang kanyang pangarap kasabay ng pagbagsak ng limang dosenang itlog na kanyang sunung-sunong.

Aral sa Maikling Kwento Tungkol sa Pangarap:

  • Hindi masama ang mangarap.
  • Ngunit mas mabuti kung bigyang pansin ang kasalukuyan at mag-pokus upang makamit ang pangarap na ninanais.
  • Huwag magbibilang ng sisiw hangga’t hindi pa napipisa ang itlog.

Si Juan, ang Pumatay ng Higante

Isang umaga, tinawag si Juan ng kanyang ina. “Anak, dalhin mo kaya ang baka natin sa bayan at ipagbili mo. Wala na tayong maibili ng ating mga kailangan.”

Madali namang sumunod sa ina ang bata. Malapit na siya sa bayan, at hila-hila nga niya ang ipagbibiling baka nang may nasalubong siyang matandang lalake.

“Saan mo dadalhin ang baka?” tanong ng matanda.

“Sa bayan po, para ipagbili,” sagot ni Juan.

“Gusto mo, palitan ko na lang siya nitong mahiwagang buto? Magic ito, makikita mo,” alok ng matanda.

“Siyanga po? Mahiwaga?” Sapagkat bata, mahilig sa magic talaga si Juan, at madali ring mapaniwala. “Sige po, payag ako.”

Iniuwi niya ang isang dakot na buto ng halaman na palit sa baka. “Nasaan ang perang pinagbilhan mo sa baka?” tanong ng kanyang ina.

“Wala pong pera. Ipinagpalit ko po ang baka sa mga butong ito. Mahiwaga raw po ito, sabi ng matanda.”

Sa galit ng ina sa anak dahil nagpaloko raw ito, itinapon niya ang mga buto sa bintana. “Ikaw talagang bata ka, hanggang ngayon ay madali ka pa ring maniwala sa mga manloloko.”

Nang magising kinaumagahan si Juan, nagulat siya na may punong mataba sa labas ng bintana niya. Lumabas siya para masdan ang bigla na lamang na lumitaw na puno at nakita niyang pagkataas-taas nito. Hindi niya maabot ng tingin ang tuktok nito dahil nasa mga alapaap na.

“Nanay, tingnan ninyo ang puno! Mahiwaga nga pala ang mga buto! Aakyatin ko po.”

Inakyat nga niya ito at matagal bago siya nakarating sa tuktok. Sa itaas, may nakita siyang malapalasyong bahay at pumasok siya rito. May babaeng sumalubong sa kanya. “Naku! Bakit ka pumarito? Hindi mo ba alam na bahay ito ng higante? Naku, ayan na siya, dumarating! Tago ka diyan sa ilalim ng mesa at baka ka makita.”

“Ho-ho! Ano ba iyong naamoy ko?” Malakas ang tinig ng higante. “May ibang tao ba rito?”

“Wala po,” sagot ng babae. “Naaamoy lang po ninyo ang masarap na pagkaing luto ko. Sige po, kumain na kayo.”

Umupo ang higante at kinain ang isang palangganang pagkain na inihain sa kanya. Nagpahid ng bibig at tumawag sa babae, “Dalhin mo rito ang manok ko.”

Sa pagkukubli ni Juan sa ilalim ng mesa, nakita niyang ibinigay ng babae ang isang makulay na inahing manok sa higante. “Mangitlog ka, manok, at pagkatapos ay umawit ka para ako makatulog,” utos ng higante at inilagay sa mesa ang hinahaplos na manok.

Kitang-kita ni Juan na lumabas sa manok ang isang gintong itlog na tuwang-tuwang isinilid sa bulsa ng higante. “Ngayon, patulugin mo ako sa pag-awit mo.”

Pati ang tinig ng manok ay tila ginintuan din dahil madaling nahimbing ang higante. Dagling lumabas sa pinagtataguan si Juan, sinunggaban ang manok sa mesa, at nagtatakbo sa punong inakyatan niya.

Nang bababa na siya sa puno, biglang tumilaok ang inahin, “Tak-ta-la-ok!” Malakas at hindi na ginintuan ang boses nito, kaya nagising ang higante.

“Huy! Anong nangyari? Nasaan ang manok ko?” Nakita niyang halos nasa kalagitnaan na ng puno si Juan at ito’y hinabol niya.

“Inay, dali!” tawag ni Juan sa ina.

“Akina ang palakol. Hinahabol ako ng higante.”

Pagkaabot sa kanya ng ina ng palakol, inihataw niya itong dali-dali sa puno. Halos nasa ibaba na ang higante nang maputol niya ang puno. Patay ang higante nang bumagsak ito sa lupa.

Naging mariwasa ang buhay ni Juan at ng kanyang ina dahil sa manok nilang umiitlog ng ginto. Hindi naman nila ipinagmaramot ang mga biyaya nila sapagkat tumulong sila sa maraming salat sa buhay.

Maikling Kwento Tungkol sa Pagmamahal Sa Pamilya

Aral:

  • Huwag magnakaw o kumuha ng hindi sa iyo.
  • Ang hindi mo pag-aari ay agad na isauli sapagkat kung minsan, ikaw ang sumasalamin sa kung anong klase ng pamilya mayroon kayo.

Ang Batang Espesyal

Lima ang naging anak ni Mang Ramon at Aling Mila. Ang bunso na isang lalaki ay abnormal at ang tawag dito ay mongoloid. Ang batang abnormal pinangalanan nilang Pepe. Malambot ang mga paa at mga kamay ni Pepe. Kahit na malaki na siya ay kailangan parin siyang alalayan ng kanyang ina sa paglalakad para hindi siya mabuwal. Ang kanyang bibig ay nakakibit kaya kung magsalita siya ay mahirap maintindihan.

Kahit naman abnormal ay mahal na mahal ng mag-asawa si Pepe. Noong maliit pa ito ay palitan ang mag-asawa sa pag-aalaga sa kanya. Hindi kinakitaan ng panghihinawa ang mag-asawa sa pag-aalaga sa anak. Kahit binata na ay palagi pa ring nakasunod sa kanya ang kanyang ina. Inaakay siya. Minsan ay sinusubuan siya. Pinapaliguan. Ano pa at malaking panahon ng kanyang inay ay sa kanya lamang naiuukol.

Ang hindi alam ni Aling Mila ay nagseselos na ang iba pa niyang anak. Napapansin ng mga ito na mas malaking oras ang ibinigay niya kay Pepe kaysa sa mga ito. Lingid sa kanya ay nag-usap-usap ang apat na magkakapatid. Napagkasunduan ng mga ito na kausapin siya para ipahayag sa kaniya ang kanilang mga hinanakit. Isang gabi matapos niyang patulugin si Pepe ay nilapitan siya ng apat na anak. Sinabi ng mga ito ang kanilang malaking mga hinanakit.

Gulat na gulat si Aling Mila. Hindi niya alam na nagseselos na pala ang apat niyang anak dahil sa sobrang pag aasikaso niya kay Pepe. Pero nakahanda na ang kanyang paliwanag sa mga ito.

“Kayo ay mga buo, walang kulang,” pagsisimula ni Aling Mila.

“Kahit wala kami ng itay ninyo ay mabubuhay kayo ng maayos. Pero ang kapatid ninyo ay hindi, kung kaya siya ang higit naming inaasikaso,” isa-isang tinitigan ni Aling Mila ang kanilang mga anak.” Pero hindi naman namin kayo pinababayaan hindi ba?”

Walang nakasagot sa isa man sa apat. Hiyang-hiya silang lahat.

Maikling Kwento Tungkol Sa Masayang Pamilya

Aral:

  • Iwasan ang pagiging mainggitin.
  • Bagamat may natatanging atensyon na ibinibigay lalo na sa mga mga special child, unawain na lamang natin sila.
  • Higit na pinagpala ka pa rin dahil hindi mo nararanasan ang pinagdadaanan nila sa araw-araw.

Ang Dakilang Kaibigan

Dalawang magkakaibigang sundalo ang nagkahiwalay nang sabihin ng kanilang kapitan na uurong sila sa laban. Sila ay sina Arman at Mando. Napakarami ng kaaway at wala silang kalaban-laban. Maaari silang mapatay na lahat kung hindi uurong.

Pagdating sa kanilang kampo, natuklasan ni Arman na wala si Mando. Nag-alala siya para sa kaibigan. May usapan pa naman sila na walang iwanan. Lumapit siya sa kanilang kapitan para magpaalam.

“Babalikan ko po si Mando, Kapitan. Baka nasa pook pa siya ng labanan.”

“Hindi maaari,” sabi ng kapitan. “Ayokong ipakipagsapalaran ang buhay mo sa isang taong maaaring patay na.”

Alam ni Arman na mapanganib ang magbalik sa lugar ng labanan kaya ayaw siyang payagan. Nang gumabi ay tumakas siya sa kanilang kampo. Gusto niyang balikan ang kanyang kaibigan. Hindi siya matatahimik hangga’t hindi niya ito nakikita. Kung namantay ito sa labanan. Makita man lang niya ang bangkay at mapanatag na siya.

Nang magbalik si Arman sa kabilang kampo ay sugatan siya. Marami siyang sinuong na panganib. Galit na sinalubong siya ng kapitan.

“Sabi ko na sa iyo na patay na ang kaibigan mo. Ngayon, malamang na mamatay ka na rin dahil sa mga sugat mo. Ano ang halaga ng ginawa mo, sabihin mo nga?” galit na tanong ng kapitan.

“Kapitan, buhay pa ang aking kaibigan nang abutan ko siya. Bago siya nalagutan ng hininga sa aking kandungan, naibulong pa niya sa akin, utol, alam kong babalikan mo ako.”

Parang napahiya ang kapitan. Hindi na siya nakipagtalo pa, agad niyang ipinagamot si Arman sa mga kasamahan nila. Naglakad-lakad siya sa paligid ng kampo nang gabing iyon. Hindi siya makatulog. Naiisip niya ang kanyang kaibigan sa kanyang pangkat. Tulad ng kaibigan ni Arman, hindi rin ito nakabalik sa kampo nang sila’y umurong. At hindi niya ito binalikan para hanapin.

Maikling Kwento Tungkol sa Kaibigan.

Aral:

  • Sa kwentong ito, ang tunay na kaibigan ay hindi nang-iiwan.
  • Matutong sumunod sa nakatatanda o nakatataas sa iyo upang maiwasang mapahamak.

Modelong Bata

Isang hapon nang papauwi si Danilo galing sa paaralan, siya’y hinarang ng limang batang lalaki. Ang mga ito ay naghahanap ng basag-ulo.

Pinatigil si Danilo sa paglakad at pinagsalitaan ng isa, “Kung talaga kang matapang ay lumaban ka. Pumili ka ng isa sa amin na kasinlaki mo,” ang hamon.

Malumanay na sumagot si Danilo, “Ayaw ko ng away. Bakit ako lalaban sa inyo? Hindi naman tayo nagkagalit!”

“Umiiwas ang Boy Scout sa away.”

“Lumaban ka!” at dinuraan ang mukha ni Danilo. Ang lumait na bata ay maliit kaysa kay Danilo. Siya’y mayabang at nagmamagaling. Muling hinamon si Danilo, “Ikaw ay isang duwag!”

“Kaibigan ako ng sinuman. Ang sabi ng titser ay dapat akong magpaumanhin sa umaaglahi sa akin!”

“Totoong maraming dahilan! Lumaban ka kung lalaban. Isa kang duwag!” at sinipa si Danilo.

Nakiusap si Danilo, “Ako’y aalis na. Hinihintay ako ng aking ina. Ayaw niyang ako’y gabihin sa pag-uwi!”

Lumakad nang paunti-unti si Danilo. Siya’y sinundan ng mga batang mapanudyo. Sila’y nakarating sa puno ng tulay.

Sa ilalim ng tulay ay may narinig silang pagibik, “Sag… gi… pin… ninyo ako! Tulong!” Isang bata ang nalulunod!

Walang kumilos sa mga batang nagmamatapang. Mabilis na lumusong si Danilo sa pampang ng ilog. Ibinaba niya ang mga aklat at naghubad na dali-dali. Lumukso at nilangoy ang batang sisingab-singab.

Nang mga unang sandali’y nahirapan si Danilo sa pagkawit at pagsakbibi sa bata ng kanyang kaliwang kamay. Ikinaway niya ang kanan sa paglangoy. Ang dalawa’y dinala ng mabilis na agos. Malayo sila sa pampang subalit sa katagala’y nakaahon.

Ang mga batang iba ay nakapanood lamang. Nakita ng pinakalider ng gang na ang bata palang sinagip ni Danilo ay kanyang kapatid. Siya’y nagpasalamat kay Danilo at humingi ng tawad, “Maraming salamat sa iyo. Patawarin mo ako sa aking ginawa kanina. Ngayon ko nabatid na ang katapangan ay hindi nasusukat sa salita kundi sa gawa at tibay ng loob!”

Maikling Kwento Tungkol sa Kaibigan

Aral:

  • Ang pambu-bully ay hindi magandang pag-uugali.
  • Iwasan ito sapagkat wala itong mabuting maidudulot sa iyo lalo na sa taong binu-bully.
  • Hindi nasusukat ang katapangan sa salita kundi sa gawa.
  • Ang kayabangan ay maaring maghatid sa iyo sa kapahamakan kaya ito ay iwasan.
  • Maging palakaibigan sa lahat ng pagkakataon. Mas mainam ang nag-iipon ng kaibigan kaysa kaaway.

Ang Nawawalang Prinsesa

Nawawala ang prinsesa gabi-gabi ngunit walang makapagsabi kung saan siya pumupunta. Nagpabalita na ang hari na ang sinumang makapagtuturo kung saan tumitigil ang anak tuwing hating-gabi ay bibigyan ng kalahati ng kaharian at, kung binata, ay ipakakasal sa prinsesa. Ngunit, kapag nabigo ang nagprisintang magbabantay, pupugutan siya ng ulo.

Marami ang nagtangkang makipagsapalaran hindi lamang dahil sa kayamanang matatamo kundi dahil sa napakaganda raw ng prinsesa. Ang lahat ng mga ito ay nabigo. Wala pa ring makapagsabi kung bakit nawawala ang prinsesa sa hating-gabi.

Sa kalagitnaan ng gubat na malapit sa palasyo, may isang dampang tinitirhan ng isang matandang mangkukulam. Isang araw ay dinalaw ang matanda ng binatang napamahal sa kanya dahil madalas siyang tulungan nito.

Ngayon naman, ang binata ang humihingi sa kanya ng tulong. “Maganda pong talaga ang prinsesa kaya tulungan po ninyong magtagumpay ako sa kanya.”

Binigyan siya ng matanda ng isang balabal na kapag kanyang isinampay sa mga balikat niya ay hindi siya makikita ninuman. Binindisyunan siya ng matanda at pinagbilinang magpakaingat bago siya nagpaalam.

Nang gabi ring iyon, nasa labas na nga siya ng silid ng prinsesa at handang magbantay. Biglang nabuksan ang pinto at tumambad sa kanyang paningin ang napakagandang binibini.

May iniabot sa kanyang isang basong inumin na noong makatalikod ang prinsesa ay kanyang itinapon sa isang masitera ng halaman. Naluoy agad ang mga dahon ng halaman.

Nagkunwaring natutulog, ang binata sanhi ng tinunggang inumin. Nang maramdaman niyang lumabas sa silid ang prinsesa, isinoot niya ang mahikang balabal at sinundan niya ito. May dinaraanan palang tagong pintuan ito na palabas sa palasyo.

Sumakay sa isang naghihintay na karwahe ang prinsesa. ‘Di nito alam ay kasama ang binata dahil hindi niya nakikita ito.

Nagtuloy sa isang malayong gubat ang karwahe. Sa gitna ng mga kahuyan huminto ito at bumaba ang prinsesa. Nakipag-sayaw siya sa mga gitanong nagkakaipon doon at nagsasaya.

Sa likod ng isang puno, tinanggal ng binata ang kanyang balabal at naglagay ng maskara.

Nilapitan niya ang prinsesa at sila’y nagsayaw. Nagsayaw sila nang nagsayaw hanggang mapagod ang dalaga at halos mabutas ang mga suwelas ng sapatos.

Muling isinoot ng binata ang balabal nang paalis na ang karwahe at sila’y bumalik sa palasyo.

“Masasabi mo ba kung bakit nawawala ang prinsesa sa hating-gabi?” tanong ng hari nang humarap sa kanya ang binata kinaumagahan.

“Opo, Mahal na Hari! Nakikipagsayaw po siya sa mga gitano sa gubat gabi-gabi. Ito po ang katunayan. Itong halos warak nang sapatos na kinuha ko sa kanyang pinagtapunan matapos na makasayaw siya.”

Ipinatawag ng hari ang prinsesa at hindi naman ito makatanggi sa amang nagpakita ng katunayan.

Balak pa sana ng prinsesa na umayaw na maging asawa ang binata, ngunit nang ilagay nito ang maskara, nakilala niya ang kasayaw na kinagiliwan nang nagdaang gabi.

Tumugtog ang banda at masuyong niyaya ng binata na magsayaw sila ng prinsesa na masaya namang yumakap sa kanya.

Maikling Kwento Tungkol sa Pag-ibig

Aral sa Maikling Kwento Tungkol sa Pag-ibig:

  • Maging masunurin sa magulang at iwasang gumawa ng mga bagay na ikalulungkot o ikagagalit nila.
  • Huwag aalis ng bahay ng hindi nagpapaalam o walang nakakaalam kung saan ka pupunta. Marami nang napahamak sa ganitong gawain.
  • Kilalanin muna ang isang tao bago ito husgahan.
  • Ang mabilis na paghatol sa iba ay maaring magdulot ng sakit sa kalooban nila.

Wala na Siya

“Wala na po siya!” Tugon ng nurse na nasa information counter ng Santisima De Dios Hospital nang tanungin ni Ralph kung nasaan ang pasyenteng si Donna na nakaconfine sa Room 214.

Si Donna ay girlfriend ni Ralph for 8 years at napagkasunduan na nga nilang dalawa na magpakasal na sa susunod na taon. Ang magnobya ay punong-puno ng matatayog na pangarap. Kahit dalawang taon na silang nagsasama, maigi nilang pinagplanuhan ang pagpapamilya, sa katunayan ay nagtiis at nagpigil sila na mabuntis si Donna sa takot na mapurnada ang magagandang plano at pangarap nilang ito.

Ngunit ngayon ngang wala na si Donna, paano na ang kanyang mga bukas na darating? Sino na ang kasama niyang bumuo ng pangarap na sa tagal makumpleto ay tila jigsaw puzzle na may mga maliliit na piraso? Paano ba siya gigising sa umaga kung wala na ang kaisa-isang dahilan ng kanyang pagbangon? Sino na ang kasama niya tuwing gabi na bumilang ng mga bituin sa langit? Paano ba siya bubuo ng tahanan kung ang haliging susuhay rito’y ipinagdamot ng tadhana?

Kay-gulo ng isip.

Sapo-sapo ni Ralph ang kanyang noo tila ba mahuhulog ito kasabay ng mga luha niyang bigla na lamang pumatak nang marinig niyang wala na nga si Donna. Napasandal siya sa pader at walang lakas na napaupo at napahagulgol sa labis na galit at kalungkutan. Kung bakit naman kasi sa dinadami ng mga araw ay ngayon pang araw nawalan ng power ang battery ng kanyang cellphone. Marahil ay tumatawag sa kanya ang mga kapatid ni Donna nang mga sandaling nag-aagaw buhay ito, nakausap man lang niya sana ito kahit sa huling sandali. Marahil ay galit sa kanya ang ina ni Donna dahil sa pag-aakalang pinabayaan niyang bawian ito ng hininga habang pangalan niya ang hinahanap at tinatawag.

“Bakit kinakailangang ilabas agad nila ng ospital si Donna ng hindi ipinaalam sa akin?”

Magulo ang isip ni Ralph. Naghahalong emosyon ang namamayani sa kanyang puso.

Kung gaano siya kasaya kaninang umaga, napalitan ito ng kawalan ng pag-asa.

Sana hindi na siya pumasok sa opisina. Kaya pala nagdadalawang-isip siya ng umagang iyon, kaya pala tila may bumubulong sa kanyang isip na siya’y magdiretso na sa ospital. Kung alam niya lang na sa wala mauuwi ang kanilang pagsasama at pagluha ang katumbas ng lahat ng kanyang pagsisikap, hindi na sana niya pinanghinayangan ang anumang kanyang kikitain at lahat ng ito’y ginastos at ginamit niya upang mapaligaya ang kinakasama. Para saan pa ang kanyang mga naipon?

Alam ni Ralph maghahari na ang kalungkutan sa kanilang bahay na kailan lang ay halakhak nilang dalawa ang namamayani. Magiging kalbaryo ang kanyang bawat araw. Magiging madilim ang kanyang gabi at pati na ang umagang darating. Matagal bago muling mabuo ang pangarap na gumuho. Matagal bago muling makabangon mula sa pagkakadapa. Hindi niya batid kung kailan sisilay muli ang napingasan niyang ngiti. Hindi niya alam kung kailan muling makakakita ng liwanag ang kanyang matang nahilam ng luha.

Kagabi lang galing siya sa ospital. Masaya pa silang nag-uusap ni Donna at halos hindi naging paksa ang kanyang karamdaman dahil tuluyan nang bumaba ang platelets ng nobya, sensyales na pawala na ang dengueng apat na araw nang nagpapahirap sa kinakasama. Pinag-usapan nila ang detalye ng kanilang kasal sa susunod na taon at planong pagbubuntis ng taon ding iyon, ang napipintong promotion ni Donna sa trabaho bilang manager ng Logistics Department sa kompanyang pinapasukan nito at ang balaking pagdu-Dubai ni Ralph sakaling may dumating na magandang oportunidad.

Kaya hindi sukat akalain ni Ralph na sa kisapmata’y wala na si Donna! Wala na ang kanyang buhay, wala na ang kanyang bukas. Marami nang dengue case kasi ang humantong sa ‘di inaasahan at tumuntong sa biglaang kamatayan kahit sabihin pang bumuti na umano ang lagay ng biktima. Pag-aakalang umokay na ang pasyente ngunit sa kabila ng nakaantabay na mga nurse at doktor, availability ng mga medical equipment ng ospital ay hindi pa rin naisalba ang buhay ng dengue victim.

“Sir, sir…” tinatapik-tapik ng nurse si Ralph na nakatungo ang ulo, nakasalampak sa sahig at nakasandal sa pader. Mugto ang nga mata, sumisinok-sinok na halatang galing sa isang pag-iyak. Narinig niya ang nurse ngunit wala siyang pakialam sa sasabihin nito, bahagyang iniangat niya ang kanyang ulo.

“Sir, ang ibig ko pong sabihin ng ‘wala na siya’ ay nadischarge na po siya, si Ma’am Donna. Gusto na raw po niyang umuwi dahil gusto niya raw pong i-celebrate ang anniversary ninyo. Heto nga po ‘yung waiver na pinirmahan niya kanina.” Mahabang paliwanag ng nurse.

Tulala si Ralph dahil sa narinig niya mula sa nurse.

Hindi niya alam kung ano ang kanyang magiging reaksyon.

Anniversary nila kahapon.

Mula sa website na limarx214.blogspot.com

Aral sa Maikling Kwento Tungkol sa Pag-ibig:

  • Kung ikaw ang nurse at sa iyo ay may magtanong, mangyaring ipaliwanag ng mabuti ang mga sagot sa taong nagtatanong upang hindi mabigyan ng ibang kahulugan ang sagot na iyong ibinigay.
  • Hindi na sana naging malungkot ang emosyon ni Ralph kung antimano ay naintindihan niyang nakauwi na pala si Donna at hindi ang inaakala niyang patay na ito.
  • Mabuti sa tao ang may pangarap. Mas maganda kung may kasama ka na makakatuwang upang maabot iyon. Ngunit kung sakali mang ikaw na lang mag-isa ang aabot sa pangarap na iyon, huwag mo itong susukuan at huwag na huwag kang magpapakain sa matinding lungkot.
  • Maaring may mga bagay na hindi mo maabot sa paraang nais mo ngunit kung magtitiwala ka sa Diyos ay siguradong may mas maganda siyang nakalaan para sa iyo.

Pambansang Pintor

“Anak,” malumanay at wari’y bantulot na wika ng ina kay Fernando. “Kailangang makapagpatuloy ka ng pag-aaral. Ang iyong Tiyo lamang ang makatutulong sa atin para makapag-aral ka. Papayag ka ba na tumira sa Tiyo Fabian mo?”

“Opo, Nanay,” walang atubiling tugon ni Fernando. “Kayo po ang masusunod; kaya lang magkakalayo po tayo.”

“Hindi bale, Anak, madadalaw naman kita paminsan-minsan,” wika ng ina na pilit pinasasaya ang mukha.

Maglalabindalawang taon na si Fernando Amorsolo nang magsimulang tumira siya sa kanyang Tiyo. Pinapag-aral siya sa Liceo de Manila. Sa isang paligsahan sa pagguhit, nagkamit siya ng unang gantimpala at pangatlong gantimpala naman sa aritmetika.

Ang kanyang angking talino sa pagguhit ay lalong naging matibay pagkat sa tuwi na’y namamasid niya ang mga paraan sa pagguhit ng kanyang Tiyo Fabian na may pangalan na rin sa larangang ito.

Nagpatuloy siya ng pag-aaral sa Pamantasan ng Pilipinas at isa siya sa kauna-unahang nagtapos ng sining sa pagguhit noong 1914. Nakita ng isang pilantropo na si Ginoong Enriquez Zobel ang kakayahan ni Fernando sa pagguhit, kung kaya’t siya’y pinagkalooban ng libreng pag-aaral sa Espanya.

Ang iba’t ibang pagkakataong makapag-aral sa ibang bansa ay nabuksan sa kanya dahil sa kaakit-akit na mga likha niya. Ang karaniwang paksa niya ay ang mga tanawing bukid, makasaysayang pangyayari at iba’t ibang mga larawan ng tao tulad ng isang matanda o mayuming dalagang nayon.

Kapuri-puri ang kasanayan niya sa pagbibigay pansin sa pinanggalingan ng liwanag sa mga iginuguhit niya. Ito ang dahilan kung bakit naiiba ang kanyang mga likha at ipinahayag na siya ang pintor noong mga pandalampuang taon (1920’s) hanggang sa sumunod na mga taon pa.

Naging director siya ng School of Fine Arts ng Pamantasan ng Pilipinas hanggang sa kanyang pagreretiro noong 1957. Ang kanyang naiwang mga alaala na bunga ng sipag at pagtitiyaga ang siyang susi sa pagiging isang Pambansang Pintor.

Maikling Tula Tungkol Sa Pintor

Aral:

  • May mga bagay talagang kaylangang isakripisyo pagdating sa pag-abot ng pangarap.
  • Sa kwento ni Amorsolo, saglit man siyang nawalay sa piling ng ina ngunit nagbunga naman ito ng maganda at naging daan pa upang matupad ang pangarap niya at ng kanyang ina para sa kanya.
  • Lakasan ang loob at maging matibay sa mga hamon ng buhay.
  • Ilan lamang ito sa mga sangkap upang maabot ng isang tao ang kanyang minimithi sa buhay.

Konklusyon sa Mga Maikling Kwento Na May Gintong Aral

Sa mga maikling kwento na may gintong aral na narito, mapapansin ninyo ang ilan sa mga kwento ay hindi nakalagay kung sino ang may akda. Ito ay sa kadahilanang hindi namin matagpuan ang orihinal na manunulat ng kwento. Kung alam ninyo kung sino ang orihinal na may akda, mangyaring makipag-ugnayan sa amin para ma-update at mai-credit ng tama ang mga halimbawa ng maikling kwento na may gintong aral.

Para Sa Iba Pang Tula At Filipino Lessons

Maraming salamat sa pagbabasa! Kung may gusto pa kayong malaman tungkol sa mga maikling kwento na gintong may aral o sa iba mang tupiko sundin lang mga link sa ibaba.

Inquiries

Nagustohan mo ba ang mga maikling kwento na may aral? If you have any questions or suggestions about, 10 Halimbawa Ng Maikling Kwento Na May Aral 2022. Let us know what you think about this post by leaving a comment below. Salamat!

We are Proud Pinoy.

Leave a Comment