Salawikain Tungkol Sa Pag-ibig (Halimbawa At Kahulugan)

SALAWIKAIN TUNGKOL SA PAG-IBIG – Sa paksang ito, ating pagtutuunan ng pansin ang mga halimbawa ng salawikain tungkol sa pag-ibig at ang kahulugan nito. Ang pag-ibig o pagmamahal ang pinakamagandang regalo ng Diyos sa ating lahat.

Salawikain Tungkol Sa Pag-ibig (Halimbawa At Kahulugan)
Salawikain Tungkol Sa Pag-ibig (Halimbawa At Kahulugan)

Bago natin alamin ang mga halimbawa ng salawikain tungkol sa pag-ibig, atin munang sariwain ang kahulugan ng salawikain.

Ano ang salawikain?

Ang salawikain proverbs sa wikang Ingles, ay mga parirarala o pangungusap na maiiksi lamang ngunit punong-puno ng kahulugan. Ito ay karaniwang anyong patula na nagbibigay ng mga gintong aral.

Naglalaman ito ng mga paaalala, karunungan, aral, payo, at supporta sa mga Pilipino, lalong-lalo na sa mga kabataan. Kung kaya’y mahalaga ito sa buhay ng mga Pilipino. Ang salawikain ay bahagi ng panitikang Pilipino, na binubuo ng mga matatalinhagang salita.

Halimbawa ng Salawikain Tungkol sa Pag-ibig

Ang mga sumusunod ay mga halimbawa ng salawikain tungkol sa pag-ibig at ang kahulugan nito.

1. Pagkahaba-haba man ng prosisyon sa simbahan din ang tuloy.

Kahulugan: sa tinagal-tagal ng pinagsamahan ng dalawang magkasintahan ay nagkatuluyan din sa bandang huli. Maraming mang pagsubok o problema ang napagdaanan ay hahantong parin sa kasalan ang pagmamahalan.

2. Ang pili nang pili, natapatan ay bungi.

Kahulugan: kapag pili ka nang pili ay mapupunta ka sa hindi mo gusto.

3. Ang pag-ibig hindi hinahanap, kusang dumarating yan sa tamang panahon.

Kahulugan: huwag magmadali sa paghahanap ng pag-ibig, sapagkat magkakaroon ng minamahal o darating ito sa tamang panahon.

4. Ang pag-ibig sa kaaway siyang katapangang tunay.

Kahulugan: ang tunay na katapangan ay makikita kung kayang mahalin at patawarin ang kaaway.

5. Sa buhay mag-asawa, matutong sumayaw sa anumang uri ng sonata, parehong kaliwa man o kanan ang iyong mga paa.

Kahulugan: sa buhay mag-asawa, hindi madali ang lahat. Kailangan mong gawin ang mga bagay-bagay na mahirap upang maging maayos ang pagsasama.

6. Walang matiyagang lalaki, sa pihikang babae.

Kahulugan: kapag ang babae ay masyadong mapili walang lalaking magtatagal. Sapagkat, kahit anong gawing panunuyo ng lalaki kung hindi gusto ng babae wala itong magagawa. Darating ang panahon na mapapagod ang lalaki at maghahanap ng babaeng tatanggap sa kanya.

7. Walang mali at walang pangit. Ganyan kung mabulag ang mga taong umiibig.

Kahulugan: kapag gusto o mahal mo ang isang tao hindi alintana kung anuman ang hitsura, kulay at mga nakaraan nito sa buhay.

8. Pagsasama ng tapat, pagsasama ng maluwat.

Kahulugan: ang pagsasabi ng tapat o katotohanan ay napakaimportante sa isang pagsasama upang mapanatili nito ang matatag at mahabang pagsasama.

9. Walang malayo o malapit sa mga taong umiibig.

Kahulugan: hindi sagabal o hadlang ang distansiya sa mga taong tunay na nagmamahalan. Gagawan ito ng paraan upang maipakita lamang kung gaano katibay ang kanilang pagmamahalan.

10. Madaling pumitas ng bunga, kung dadaan ka sa sanga.

Kahulugan: madaling makukuha ang ninanais kapag ito ay pinaghihirapan. Katulad ng pag-ibig kapag gusto mo ang isang tao paghirapan mo upang ito ay mapa sa’yo.

11. Walang matimtimang birhen sa matiyagang manalangin.

Kahulugan: kapag ang isang lalaki ay matiyagang nanliligaw sa babaeng mahinhin at hindi nagpapadaig sa kung sinong lalaki. Makukuha ito sa pamamagitan ng panalangin at pagpapakita na ikaw pursigido na makuha ang isang matamis na “oo”.

12. Ang tunay na pag-ibig hanggang sa huli ay matamis.

Kahulugan: ang tunay na pag-ibig ay hindi nagbabago gaano man katagal ang pagmamahalan.

13. Sa apoy huwag kang maglaro, kung ayaw mong mapaso.

Kahulugan: huwag kang papasok sa relasyon ng iba kung ayaw mong mapahamak.

14. Dahan-dahan diwata, baka ang talas mo’y sa bato tumama.

Kahulugan: huwag magmadali sa pag-ibig at baka tayo ay mapahamak at mapunta sa maling tao.

15. Ang babaeng salawahan, hindi dapat pagpaguran.

Kahulugan: ang babeng hindi makontento ay hindi dapat bigyang ng kaukulang pagmamahal.

16. Batang puso, madaling marahuyo.

Kahulugan: hindi kailangan magpadalos-dalos at magdesisyon kaagad sapagkat ang batang damdamin ay madaling matukso at maloko. Kailangan pag-isipang mabuti ang bawat desisyong gagawin.

17. Ang pag-aasawa ay hindi biro, ‘di tulad ng kanin iluluwa kung mapaso.

Kahulugan: hindi biro ang pag-aasawa na kapag ayaw mo na ay bigla mo nalang iiwan at tatakasan. Ito ay isang desisyon na kailangang pag-isipan ng mabuti. Ang pag-aasawa ay pinaghahandaan, sapagkat darating ang panahon na magkakaroon ng mga problema kahaharapin at mga paghihirap.

18. Ang pinakamatibay na haligi ng pag-iibigan ay ang pag-uumpisa sa pagiging matalik na magkaibigan.

Kahulugan: kailangan muna nating kilalanin ang isang tao bago tayo lubusang magdesisyon. Doon natin malalaman kung ang isang tao ay mahal natin kapag atin na silang nakilala ng mabuti.

19.  Sa larangan ng pagmamahalan, lahat ay pantay-pantay.

Kahulugan: hindi mahalaga ang katayuan sa buhay sa larangan ng pag-ibig.

20. Huwag kang mangahas umibig sa hindi mo kakilatis. Kung datnan ka ng panganib, siya’y di mo magagamit.

Kahulugan: huwag pumasok sa isang relasyon ng basta-basta na hindi mo lubasang nakikilala ang isang tao. Sapagkat, sa oras ng pangangailangan ay maaring hindi ka niya matulungan. Bago tanggapin ang isang tao sa ating buhay kilalanin muna ito ng mabuti.

Iba pang halimbawa ng Salawikain tungkol sa Pag-ibig

  • Ang pag-ibig na bawal ay nababagay lamang sa mga taong hangal. 
  • Ang mundo na walang pag-ibig ay punong-puno ng ligalig.
  • Ang pag-ibig ay parang isang ibon, paliparin ito at palayain. Kapag ito ay kusang bumalik, ito ay para sa iyo.
  • Ang pag-ibig na hinog sa pilit, kadalsan ang namumunga ng mapait.
  • Ang mabilisang pag-ibig ay madali ring magwawakas.

Maraming salamat po ❤❤❤ sa patuloy ninyong pagbabasa hanggang sa dulo ng artikulong ito. Kung sakali man na kayo ay marami pang mga katanungan inyo lamang bisitahin ang aming website para sa inyung mga karagdang kaalaman.

Mga katanungan

Kung mayroon kang anumang mga katanungan o mungkahi tungkol sa “Salawikain Tungkol Sa Pag-ibig (Halimbawa At Kahulugan),” ipaalam sa amin sa pamamagitan ng pag-iiwan ng komento sa ibaba.

Para sa iba pang mga Salawikain

We are Proud Pinoy.

Leave a Comment