SALAWIKAIN – Sa araw na ito, ating tatalakayin ang tungkol sa kahulugan at mga salawikain halimbawa o Filipino proverbs. Ito ay mahalaga sa buhay ng bawat Pilipino.
Ang mga salawikaing aming nilikom na inyong matutunghayan sa ibaba ay mga halimbawa ng salawikain na kapupulutan ninyo ng aral, maaring sa buhay, pag-ibig, kalikasan, kalusugan, edukasyon, at marami pang iba.

Bago tayo dumako sa mga halimbawa ng salawikain, atin munang alamin kung ano nga ba ang kahulugan ng salawikain.
Ano ang kahulugan ng Salawikain?
Ang salawikain o proverbs sa wikang Ingles, ay mga parirarala o pangungusap na maiiksi lamang ngunit punong-puno ng kahulugan. Ito ay karaniwang anyong patula na nagbibigay ng mga gintong aral.
Ito ay mga tradisyunal na kasabihan na ginagamit batay sa katutubong kalinangan, karunungan, at pilosopiya ng mga Pilipino. At, hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin na lumalaganap o nagpasalin-salin sa mga bagong henerasyon.
Naglalaman ito ng mga paaalala, karunungan, aral, payo, at supporta sa mga Pilipino, lalong-lalo na sa mga kabataan. Kung kaya’y mahalaga ito sa buhay ng mga Pilipino. Ang salawikain ay bahagi ng panitikang Pilipino, na binubuo ng mga matatalinhagang salita.
Sa pagkakataong ito, atin ng simulang alamin ang mga halimbawa ng salawikain.
Mga halimbawa ng Salawikain
Ang mga sumusunod ay ang ibat-ibang halimbawa ng salawikain.
✔ Halimbawa ng Salawikain tungkol sa Pag-ibig
1. Pagkahaba-haba man ng prosisyon sa simbahan din ang tuloy.
2. Ang pili nang pili, natapatan ay bungi.
3. Ang pag-ibig hindi hinahanap, kusang dumarating yan sa tamang panahon.
4. Ang pag-ibig sa kaaway siyang katapangang tunay.
5. Sa buhay mag-asawa, matutong sumayaw sa anumang uri ng sonata, parehong kaliwa man o kanan ang iyong mga paa.

6. Walang matiyagang lalaki, sa pihikang babae.
7. Walang mali at walang pangit. Ganyan kung mabulag ang mga taong umiibig.
8. Pagsasama ng tapat, pagsasama ng maluwat.
9. Walang malayo o malapit sa mga taong umiibig.
10. Madaling pumitas ng bunga, kung dadaan ka sa sanga.

11. Walang matimtimang birhen sa matiyagang manalangin.
12. Ang tunay na pag-ibig hanggang sa huli ay matamis.
13. Sa apoy huwag kang maglaro, kung ayaw mong mapaso.
14. Dahan-dahan diwata, baka ang talas mo’y sa bato tumama.
15. Ang babaeng salawahan, hindi dapat pagpaguran.

16. Batang puso, madaling marahuyo.
17. Ang pag-aasawa ay hindi biro, ‘Di tulad ng kanin iluluwa kung mapaso.
18. Ang pinakamatibay na haligi ng pag-iibigan ay ang pag-uumpisa sa pagiging matalik na magkaibigan.
19. Pagsasama ng tapat, pagsasama ng maluwat.
20. Huwag kang mangahas umibig sa hindi mo kakilatis. Kung datnan ka ng panganib, siya’y di mo magagamit.

✔ Halimbawa ng Salawikain tungkol sa Diyos
1. Sa Diyos ka manalig nang hindi manganib.
2. Tumutulong ang Diyos sa tumutulong sa kanyang sarili.
3. Magbalot ka man sa baklad, mamamatay din kung palad; Mahanga pa’y ang tumanyag at sa Diyos ka tumawag.

4. Walang sa Diyos nanalig, na sumasapanganib.
5. Pagdating ng araw ng paghuhukom, wala nang kwenta ang kayamanan. Matuwid na pamumuhay ang maghahatid ng kaligtasan mula sa kamatayan.
✔ Halimbawa ng Salawikain tungkol sa Buhay
1. Ang buhay ay parang gulong, minsan nasa ibabaw, minsan rin nasa ilalim.
2. Kung may tinanim, may aanihin.
3. Ang buhay ay parang tanghalan. Lahat tayo ay may papel na ginagampanan
4. Sumayaw ka na parang walang nanonood sayo.
5. Maniwala ka’t tahakin ang direksyon ng iyong mga pangarap!
6. Ang tao ay nakikilala sa mga kaibigan niya.
7. Kung ano ang taas ng paglipad, siyang lagapak kung bumagsak.
8. Ano man ang gagawin, makapitong iisipin.
9. Huwag gawin sa iba ang ayaw mong gawin sa iyo.
10. Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.

11. Bawat isa sa atin ay arkitekto ng ating kapalaran.
12. Ako ang nagbayo. Ako ang nagsaing. Saka ng maluto’y iba ang kumain.
13. Ang bayaning nasugatan, nag-iibayo ang tapang.
14. Ang ginagawa sa pagkabata, kadalasan ay nadadala sa pagtanda.
15. Ang umaayaw ay hindi nananalo, ang nananalo ay hindi umaayaw.
16. Ang taong walang kibo nasa loob ang kibo.
17. Madali ang maging tao, mahirap magpakatao.
18. Ang nakatakip na bibig ay hindi pinapasukan ng langaw.
19. Bago mo sabihin at gawin, makapitong iisipin.
20. Huwag tumira sa nakaraan, huwag managinip ng hinaharap, itoon ang isip sa kasalukuyang sandali.

21. Ang liksi at tapang, kalasag ng buhay.
22. Ang akala’y nakamura, namahalan pala.
23. Ang kaginhawaan sa kasiyahan matatagpuan at ‘di sa kasaganaan.
24. Ang taong tamad kadalasa’y salat.
25. Aanhin mo ang palasyo kung ang nakatira ay kuwago? Mabuti pa ang bahay kubo ang nakatira ay tao.
26. Ang buhay ay nasusukat sa dami ng iyong karanasan.
27. Bago mo sikaping gumawa ng mabuti, kailangan mo munang igayak ang sarili.
28. Daig ng maagap ang taong masipag.
29. Ang latang walang laman ay maingay.
30. Pagkatapos ng bagyo ay sisikat din ang araw.

31. Pag may hirap, may ginhawa.
32. Kapag may kalungkutan, may kasiyahan.
33. Pulutin ang mabuti, ang masama ay iwaksi.
34. Ang maniwala sa sabi-sabi’y walang bait sa sarili.
35. Ang taong nagigipit, sa patalim man ay kumakapit.
36. Kung walang tiyaga, walang nilaga.
37. Ang taong mabait walang nagagalit. Ang taong masama, walang natutuwa.

✔ Halimbawa ng Salawikain tungkol sa Pamilya
1. Anak na palayawin, magulang ang patatangisin.
2. Ang ibinabait ng bata,sa matanda nagmula.
3. Ang pag-aanak ay walang kabuluhan, kung ang magiging bunga’y palalabuyin lamang.
4. Anuman ang tibay ng piling abaka, ay wala ring lakas kapag nag-iisa.
5. Magsama-sama at malakas, magwatak-watak at babagsak.

6. Kahit anong bigat ng binubuhat, kapag tulong-tulong ang mag-anak, magaan ang pag-angat.
7. Ang magulang na masama, kapag nagkaanak ng mabuti ay isang himala.
8. Sa alitan ng magkapatid ay huwag kang makisali; kapag sila’y nagkasundo, galit sa iyo ang mananatili.
9. Ang mag-asawang walang bunga, parang kahoy na walang sanga.
10. Ang marunong na anak ay ligaya ng ama, ang perhuwisyong anak ay pasanin ng ina.

11. Ang mag-asawang walang bunga, parang kahoy na walang sanga.
12. Kapag ang bata’y barumbado, tumanda ma’y tarando.
13. Ang sa babaeng hiyas ang sa puri’y pag-iingat; At ito’y siyang tumpak sa dalaga ma’t sa kabiyak.
14. Kung di magbubunga ang pagmamahalan parang naghalaman nang walang pakinabang.
15. Magkulang ka na sa iyong magulang, huwag lang sa iyong biyenan.

✔ Halimbawa ng Salawikain tungkol sa Kaibigan
1. Pagkakaibigan ay isang napakagandang regalong maibibigay sa kapuwa at isang uri din ng regalong nais mong matanggap mula sa iba.
2. Ang matapat na kaibigan, tunay na maaasahan.
3. Ang tunay na kaibigan, karamay kailan man.
4. Puri sa harap, sa likod paglibak.
5. Ang tunay na kaibigan, nakikilala sa kagipitan.
6. Turan mo ang iyong kaibigan, sasabihin ko kung sino ikaw.

7. Puri sa harap, sa likod paglibak.
8. Marami kang magiging kakilala ngunit hindi lahat ay kaibigan. Makikilala ang isang kaibigan sa panahon ng kagipitan; malalapitan sa oras ng pangangailangan.
9. Walang paku-pakundangan, sa tunay na kaibigan.
10. Ang tao kapag mayaman, marami ang kaibigan.
11. Ang mabuting aklat, kaibigang laging tapat.
12. Ang malinis na kuwenta ay mahabang pagsasama.
13. Sa tunay na kaibigan wala nang maraming kabulaanan.

14. Ang pilak mo man ay isang kaban, ang ginto mo man ay isang tapayan, kung wala ka namang kaibigan ay wala ka ring kabuluhan.
15. Ang mapagkanulo sa kanyang kapwa, sa sarling bitag napapanganyaya.
16. Ang tunay na kaibigan, karamay kailan man.
17. Kung sa apoy sinusubok ang tigas ng sandata, sa panganib nakikita ang tapat na kasama.
18. Ang nagpapautang sa kaibigan ay kumikita ng kaaway.
19. Sa panahon ng kagipitan, nakikilala ang kaibigan.

20. Ang taksil na kaibigan ay higit na masama kaysa kaaway.
21. Mabuti pa ang nag-iisa kaysa may mga masamang kasama.
22. Kaibigang tangi, mahigpit pa sa may-ari.
23. Ang sumama sa kalabaw na may putik ay mapuputikan din.
24. Kaibigan kung meron, kung wala’y sitsaron.
25. Talik ng kaibiga’y maaaring kataksilan.

✔ Halimbawa ng Salawikain tungkol sa Katapatan
1. Ang gumagawa ng masama sa kapwa, tiyak na paparusahan ng Bathala.
2. Ang hindi tumupad sa sinabi, walang pagpapahalaga sa sarili.
3. Ang lalaking tunay na matapang, hindi natatakot sa pana-panaan.
4. Kada salita nang matapat, lahat ay matatandaan ng kasapakat.
5. Ang iyong hiniram, isauli o palitan.Upang sa susunod, hindi ka makadalaan.
6. Ang mabuting gawa kinalulugdan ng madla.
7. Ang may malinis na kalooban ay walang kinatatakutan.

8. Ang pagsasabi ng tapat ay pagsasamang maluwat.
9. Ang kaibuturang katapatan, kailanma’y hindi masasalat sa kabutihan.
10. Ang tunay mong pagkatao, nakikilala sa gawa mo.
11. . Ang maduming kalooban ay takot sa kahit anong katapatan.
12. Ang buhay ay gayon lamang sa ugali’t kalakaran; Ganti-ganti katwiran: Magbayad ang may utang sa pinagkakautangan.
13. Sa taong may tunay na hiya, ang salita ay panunumpa.
14. Kapag bukas ang kaban, nagkakasala sinuman.
15. Walang katotohanan ang hindi mabubunyag.
16. Ang katotohanan kahit na ibaon, mabubulgar din pagdating ng panahon.

17. Ang pagpupuna ay katumbas ng isang katapatan sa mga kinikilos ng kasama.
18. Kaliwa’t kanang karangalan, basta’t tunay ang aksyon at mula sa kalooban.
19. Kung sino ang bantay ay siyang sasalakay.
20. Kung walang ginagawang masama, wala dapat kinatatakutan at ikababahala.
21. Ang lahat ng uri ng hayop ay napapaamo, ngunit ang dila ng tao’y hindi kailanman.
22. Magsabi na sa matanda huwag lamang sa bata.
23. Kahit nakakahon sa maliliit na katapatan, mahalaga ay nasusuklian ng kapwa sa sukdulan.
24. Mula sa rurok ng katapatan, nawa’y maipakalat din ito ng bawat indibidwal sa lipunan.
25. Ugaliing maging tapat sa salita at gawa, gamitin ito sa tamang pag-unawa.

✔ Halimbawa ng Salawikain tungkol sa Kabataan
1. Ang ginagawa sa pagkabata, kadalasan ay nadadala sa pagtanda.
2. Ang batang matigas ang ulo ay mahirap mapanuto.
3. Ang mahinhing dalaga, sa kilos nakikilala.
4. Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.

5. Tumatanda ang kalabaw, tumutulis ang sungay.
6. Ang kabutihan ng ugali ay lalong higit sa salapi.
7. Kung aling binata ang pinagmumura, karahila’y siyang bubugbug sa kanya.
8. Buntong-hiningang malalim, malayo ang nararating.
9. Kung ibig ng karunungan habang bata ay mag-aral, kung tumanda’y mag aral man mahirap nang makaalam.

✔ Halimbawa ng Salawikain tungkol sa Paggalang
1. Ang magalang na sagot, ay nakakapawi ng poot.
2. Ang paggalang sa magulang ay tanda ng pagmamahal.
3. Ang anak na magalang ay kayamanan ng magulang.
4. Ang magandang asal ay kaban ng yaman.
5. Ang tunay na karangalan, ay nag-uumpisa sa paggalang sa magulang.

6. Mabisa ang pakiusap na malumanay, kaysa sa utos na pabulyaw.
7. Kapag ang mga anak ay magalang tiyak tinuruan ng kanilang mga magulang.
8. Ang mapuputing buhok ay tanda ng kabatiran, at ito’y lalong pinagaganda ng ating paggalang.
9. Ang pagsasalita ng po at opo ay tanda ng paggalang.
10. Kapag masakit ang biro nagpapadurugo ng puso.

✔ Halimbawa ng Salawikain tungkol sa Wika
1. Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay mas masahol pa sa hayop at malansang isda.
2. Wika ko mamahalin ko, pagyayamanin ko, at ipagmamalaki ko
3. Aanhin ko pa ang wikang banyaga, kung ako ay may sarili ng wika. Para sa akin ito ay sapat na.
4. Wikang aking gamit, ang lagi ko ng sinasambit. Hindi kita ipagpapalit o kahit man lang iwawaglit.
5. Ang wika ay dakilang regalo, mula sa ating mga ninuno. Bigyang halaga ito para ito ay hindi maglaho.

6. Pairalin ang pagkabayani, sariling wika ay ating ipagbunyi. Wika na ating kaagapay,
sa ating pang araw-araw na buhay.
7. Namutawi mula sa labi, ang wika nating sarili. Ating laging kandili,
saan man tayo magawi.
8. Ang wika ay kaluluwa at salamin sa pagkatao ng isang bansa.
9. Ilang salinlahi man ang dumating, wika natin ay paigtingin, atin itong gamitin at pagkamahalin.
10. Saan ka man mapunta, wika ay gawing sandata. Sa pananalita man at pakikipagkapwa.

✔ Halimbawa ng Salawikain tungkol sa Edukasyon
1. Batang mapagtanong maagang marunong.
2. Ang isip ay parang itak, sa hasa ay tumatalas.
3. Ang karunungan ay kayamanang walang taong makapagnanakaw.
4. Mabuti pa ang bulsang walang laman, kaysa ulong walang talino’t karunungan.
5. Ang karununga’y sa pag-aaral; ang kabaita’y sa katandaan.

6. Ang taong may karunungan, di basta-basta malalamangan.
7. Ang taong mapagtanong, daig ang marunong.
8. Ang karukhaan ay hindi hadlang sa pagtatagumpay.
9. Mag-aral ng mabuti upang buhay ay mapabuti.
10. Iba ang may natapos, dahil pang-unawa ay hindi kapos.

11. Sa dulo ng paglalakbay ng aral na walang humpay, buhay na matiwasay ang kanya namang alay.
12. Ang wastong edukasyon ay pahalagahan. Ito ay susi sa iyong kinabukasan.
13. Maliit man ang butil ng kaalaman, ang dulo nito at malaking kaginhawaan.
14. Kung ang isang tao ay nagpapabaya ng edukasyon, lumalakad siya sa pilay sa dulo ng kanyang buhay.
15. Araw ang karunungan, ulap ang kamangmangan.

✔ Halimbawa ng Salawikain tungkol sa Tagumpay
1. Kung walang tiyaga, walang nilaga.
2. Kung may hirap ay may ginhawa.
3. Kuwarta na, naging bato pa.
4. Ang umaayaw ay di nagwawagi, ang nagwawagi ay di umaayaw.
5. Kapag pinangatawanan, sapilitang makakamtan.

6. Ang lakas ay daig ng paraan.
7. Pag may hirap, may ginhawa.
8. Magaling man ang masipag ay lalo na ang maagap.
9. Walang umaani ng tuwa na di sa hirap nagmula.
10. Huwag kang mangahas bumuhat ng siyam na bato, kung manghihinayang madurog ang buto.

11. Sa taong walang takot, walang mataas na bakod.
12. Lahat tayo sa mundong ibabaw, may kani-kaniyang araw.
13. Pagtatanim ay sa pagkabata pag-aani ay sa pagtanda.
14. Walang mahirap na gawa kapag dinaan sa tiyaga.
15. Marami ang matapang sa bilang, ngunit ang buo ang loob ay kulang.

✔ Halimbawa ng Salawikain tungkol sa Kalusugan
1. Kung anong itinanim, siyang aanihin.
2. Makulay ang buhay sa gulay.
3. Ang sakit ng kalingkingan, dama ng buong katawan.

4. Gaano man ang iyong lakas, daig ka ng munting lagnat.
5. Ang kalusugan ay ating kayamanan.

✔ Halimbawa ng Salawikain tungkol sa Kalikasan
1. Basura mo, tapon mo.
2. Mundo’y alagaan, ito lang ang tahanan.
3. Kalikasan ang kalakasan.
4. Ang taong walang pagmamahal sa kalikasan ay walang pagmamahal sa sarili.
5. Ang kalikasan ay ating tahanan.

6. Ang taong pumapatay sa kagandahan ng paligid ay pumapatay sa sarili niyang buhay.
7. Ang ulang tikatik ang siyang malakas magpaputik.
8. Ang araw bago sumikat, nakikita muna’y banaag.
9. Kapag ang ilog ay maingay, asahan mo at mababaw. Kapag ang ilog ay matahimik, asahan mo at malalim.
10. Ang hinahawakang kayraming dalag, karaniwang ito’y nakawawalang lahat.

11. Hipong tulog tinatangay ng agos.
12. Kapag nalagas ang dahon, atas na ng panahon.
13. Ang ningas ng apoy, nasa uri ng kahoy.
14. Ang kahoy ay latok man, nagmumukha ring mainam, kapag napalamutian.
15. Ibong pipit kung humuni, di marinig ng marami; gayon din ang dukha’t salat, di marinig kung mangusap.

✔ Halimbawa ng Salawikain tungkol sa Kayamanan
1. Kung mangusap ang salapi nauumid ang labi.
2. Ang magpanggap na mayaman, lalong kahirap-hirapan.
3. Ang di-marunong magbigay hindi marapat pagbigyan.
4. Maililihim ang yaman, ngunit hindi ang kahirapan.
5. Ang salapi ay may pakpak, kahit nasa bulsa’y nakalilipad.

6. Ang tao na walang pilak, parang ibong walang pakpak.
7. Kayamanang galing sa kasamaan, hindi magbubunga ng kabutihan.
8. Kayamanang di pinaghirapan, madaling mapaparam.
9. Kapag ang tao’y matipid, maraming maililigpit.
10. Kapag may isinuksok, may madudukot.

11. Ang madaling kita, madali ring nagagasta.
12. Ang salapi ay mabuting alipin at utusan, ngunit kapag naging hari ay malupit at makamkam.
13. Ang kayamana’y hindi madadala sa kamatayan.
14. Bulang tubig ang kapara, nawawala kapagdaka.
15. Ang kayamang galing sa masama ay madaling mawala.

Konklusiyon
Ating tinalakay sa artikulong ito ang mga halimbawa ng salawikain sa ibat-ibang hanay sa buhay ng tao. Nilikom namin ang iba’t-ibang salawikain upang inyong maging gabay sa inyong pamumuhay.
Ito ay magbibigay mensahe at aral sa atin upang patuloy tayong maging mabuti at magsikap sa ating buhay.
Sana ay marami kayong nakuhang aral batay sa ating tinalakay ngayong araw. Tinitiyak namin na kayo po ay aming mabigyan ng wastong kasagutan sa inyong mga katanungan.
Kung maari po sana ay inyung ibahagi ang artikulong ito sa iba upang kanila ring matuklasan at mapag-aralan kung ano ang inyung mga nalaman at natutunan sa paksang ito.
Maraming salamat po ❤❤❤ sa patuloy ninyung pagbabasa hanggang sa dulo ng artikulong ito. Kung sakali man na kayo ay marami pang mga katanungan inyu lamang bisitahin ang aming website para sa inyung mga karagdang kaalaman.
Mga katanungan
Kung mayroon kang anumang mga katanungan o mungkahi tungkol sa “Ano Ang Salawikain At Mga Halimbawa Nito? (Filipino Proverbs),” ipaalam sa amin sa pamamagitan ng pag-iiwan ng komento sa ibaba.
Para sa iba pang Aralin sa Filipino
- Ano Ano Ang Katangian Ng Wika At Kahulugan Nito?
- Mga Teorya Ng Pinagmulan Ng Wika
- Ano Ang Kahalagahan Ng Wika Sa Lipunan At Sa Buhay Ng Tao?
- Ano Ang Retorika At Ang Halimbawa Nito?
- Halimbawa Ng Salawikain At Ang Kahulugan Nito
We are Proud Pinoy.