NOLI ME TANGERE KABANATA 1 (Buod) – Sa artikulong ito ay ating basahin ang buod ng unang kabanata ng sikat na nobela ni Dr. Jose Rizal na Noli Me Tangere. At sa pagbabasang ito, nawa’y inyong maintindihan ang ipinapahiwatig na aral mula sa kabanatang ito.

Noli Me Tangere Kabanata 1 Buod: Ang Piging
Sa bahay ni Don Santiago Delos Santos o mas kilala bilang si Kapitan Tiyago ay isang malaking pagtitipon ang gaganapin. Ito ay upang salubungin ang isang binata na galing sa Europa. Ang binata na ito ay hindi na iba sa kanya dahil ito ay anak ng kaniyang matalik na kaibigan.
Nakatayo ang bahay ni Kapitan Tiyago sa Kalye ng Anluwage na kung saan makikita itong napupuno ng mga panauhin. Ang Kapitan ay kilala bilang isang matulungin sa mga mahihirap o nangangailangan.
Siya ay nabibilang sa mataas na antas ng lipunan. Kung kaya’t isang malaking karangalan na maimbita sa kanyang pagtitipon.
Si Tiya Isabel naman, pinsan ni Kapitan Tiyago, ang naatasan na mag-istima o tumanggap ng mga bisita, at ang mga panauhing lalake at babae ay parehong magkahiwalay. Sa paglipas ng oras ay patuloy pa ring dumadating ang mga bisita. Isa na rito ang mag-asawang sina Don Tiburcio de Espadaña at Doña Victorina de Espadaña.
Hindi rin nagpahuli ang mga bisita ni Kapitan Tiyago na mga kasapi ng simbahan na sina Padre Hernando De La Sibyla na siyang kura ng Tanawan, Padre Damaso Vardolagas na siyang dating kura ng San Diego, ang dalawang paisano, at si Tinyente Guevarra, ang tinyente ng gwardiya sibil.
Ang bawat grupo sa handaan ay may kanya-kanyang paksa o saloobin na pinag-uusapan. Isa sa mga napag-usapan ng mga bisita ay ang mga indio o Pilipino.
Ang pagtitipon ay hindi pinalampas ni Padre Damaso upang ilabas ang kanyang mga mapangutyang saloobin sa mga indio. Dahil ang mga ito ay mga mangmang o bobo at isang mababang uri ng nilalang.
Sinabi din ng Padre na dapat ay hindi na manghimasok pa ang hari sa ginagawang pagpaparusa ng simbahan sa mga erehe. Agad namang tumutol sa kanyang pahayag si Tinyente Gueverra. Ayon sa tinyente, mayroong karapatan ang hari na manghimasok dahil ito ang kinatawan ng hari ng bansa.
Napag-usapan rin na ipinalipat si Padre Damaso sapagkat ipinahukay nito ang katawan ng isang marangal na lalaki sapagkat ito ay napagkamalang erehe at dahil sa hindi nito pagkumpisal.
Pinakalma naman ni Padre Sibyla si Padre Damaso dahil ito ay galit na galit. At iniwan naman ni Tinyente Guevarra ang umpukan.
Kalaunan ay muling nagpatuloy ang pagtitipon.
Mga Tauhan ng Kabanata 1
➤ Kapitan Tiyago – Siya ay isang maimpluwensyang negosyante sa San Diego at ang ama ni Maria Clara. Ipinagkasal ang kanyang anak na si Maria Clara kay Crisostomo Ibarra. At ito ay nagsumikap na sundin ang mga prayle.
➤ Tiya Isabel – Siya ay ang pinsan ni Kapitan Tiyago na nagpalaki kay Maria Clara at itinuring ito bilang isang tunay na anak.
➤ Don Tiburcio – Si Don Tiburcio ay asawa ni Doña Victorina. Siya ay isang panauhin ni Kapitan Tiyago sa pagtitipon na ginawa para kay Ibarra. Kilala siya sa paniningil ng napakataas na bayad para sa kanyang pagpapagamot. Dagdag pa riyan, siya ay isang mababa na opisyal sa Customs.
➤ Donya Victorina – Siya ay asawa ni Don Tiburcio. Siya ang babaeng nagpanggap na isang meztisa o isang Kastila na ipinanganak sa Pilipinas at laging nangangarap na makahanap ng asawang Espanyol.
➤ Padre Damaso – Siya ay ang totoong ama ni Maria Clara. Siya rin ang dahilan na napalayo si Maria Clara at Ibarra sa isa’t-isa. Sapagkat siya ay hindi sang-ayon sa pag-iisang dibdib ng dalawa.
➤ Padre Sibyla – Siya ay isang Dominikanong prayle na kura ng Binondo at dating propesor sa kolehiyo ng San Juan de Letran. Isa siyang bata, maganda, at matikas na pari na may taglay na kapanahunan. Siya ay naka suot ng isang salamin sa mata at may manipis at pinong labi na malinaw na nagpapakita ng paghamak kapag kinakailangan.
➤ Tenyente Guevarra – Siya ay isang matanda na tinyente ng Guardia Civil at isang matalik na kaibigan ni Don Rafael Ibarra. Siya ay may malalim na pag galang sa lalaki. Nang maglaon ay nag sikap siyang protektahan ang anak ni Don Rafael na si Ibarra matapos nitong umuwi ng huli mula sa Europa.
Mahahalagang Pangyayari Sa Kabanata 1
- Pagkalat ng tungkol sa engrandeng handaan sa bahay ni Kapitan Tiyago para kay Ibarra.
- Ang pagdaos ng isang malaking handaan para sa pagbabalik ng binata na si Crisostomo Ibarra na anak ng matalik na kaibigan ni Kapitan Tiyago mula sa Europa.
- Ang pagdating ng mga mahahalagang tao na may mataas na antas sa lipunan tulad ng mga prayle, guwardiya sibil, at mga donya at don.
Kabanata 1 Noli Me Tangere – Aral
Huwag tayong tumulad sa prayle na si Padre Damaso. Wag tayong manghusga ng ating kapwa tao. Iwasan natin na tawagin silang mga bobo tulad ng ginawa ni Padre Damaso dahil lamang sa tingin mo na ikaw ay mas lamang sa kanila.
Palagi nating tandaan na ang taong mapangutya ay mas masahol pa sa tao na kanyang kinukutya. Tulad na lamang ni Padre Damaso, isa siyang mapangutyang prayle ngunit siya mismo ay may mas madumi pa na tinatagong sikreto sa kanyang likod kaysa sa kanyang kinukutya na mga indio.
Kaya’t bilang tao ay ugaliin nating wag humusga ng ating kapwa tao dahil lamang sa tingin natin na tayo ay lamang. Sapagkat, hindi natin alam ang kanilang sitwasyon o pinagdadaanan sa buhay.
Konklusyon
Sa pangkalahatan, ating makikita na ang unang kabanata ay tungkol sa pagtitipong ginawa upang salubungin ang pag dating ni Ibarra mula sa Europa. Atin ring makikita rito ang mapanghusga na ugali ni Padre Damaso. Halimbawa na lamang ay ang panlalait niya sa mga Indio na tinawag niyang bobo at mabababang uri ng mga tao.
Dagdag pa riyan, atin ring makikita ang unang pagpapakilala ng ibang karakter sa nobela. Atin ring nasaksihan na ang ilan sa mga ito ay agad na nagpakita ng kanilang totoong kulay. Nangunguna nga rito si Padre Damaso. Ipinakita niya ang kanyang mapangutyang ugali kahit na siya ay isang prayle.
Maraming salamat sa pagbasa ng nobela na ito. Huwag kalimutan na ibahagi ito sa iyong mga kaibigan. Kung mayroon kang anumang mga katanungan, mangyaring mag-iwan ng komento sa ibaba. Para sa iba pang mga paksang pang-edukasyon, bisitahin lang ang aming website!
Iba pang Kabanata ng Noli Me Tangere
- Noli Me Tangere Kabanata 2
- Noli Me Tangere Kabanata 3
- Noli Me Tangere Kabanata 4
- Noli Me Tangere Kabanata 5
- Noli Me Tangere Kabanata 6
We are proud Pinoy!