NOLI ME TANGERE KABANATA 13 – Sa artikulong ito, ating basahin ang buod at alamin kung sino ang mga tauhan ng ikalabintatlong kabanata ng sikat na nobelang Noli Me Tangere. Ito ay gawa ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal.
Naway sa inyong pagbasa ng artikulong ito ay inyong maintindihan ang mensahe o aral na tinataglay ng kabanatang ito. Ngayon ay atin ng simulan ang pagbabasa ng ika-labintatlong kabanata ng nobelang Noli Me Tangere.

Noli Me Tangere Kabanata 13 Buod: Ang Babala ng Sigwa
Dumating ang binatang si Ibarra sa sementeryo kasama ang isang matandang utusan. Hinahanap ni Ibarra ang puntod ng ama at sinabi ng utusan na si Kapitan Tiyago ang nagpagawa ng nitso ng kanyang ama. Nilagyan ito ng isang krus at tanim na bulaklak ng adelpa.
Nakita naman ng binata ang isang sepulturero at nagpatulong. Ito ay kanyang sinabihan ng mga palatandaan ukol sa libingan ng kanyang ama. Ngunit labis lamang ang gulat ng binata ng ipinagtapat nitong tinapon niya ang katawan ni Don Rafael sa lawa dahil sa utos ni Padre Garrote.
Ayon dito, itinapon niya ito sapagkat mabuti umanong itapon na lamang ito kaysa mapasama sa libingan ng mga Intsik.
Dahil sa kanyang nalaman ay halos manlumo ang binata na parang siya ay pinagsakluban ng langit at lupa. Ang kasamang utusan ni Ibarra ay halos hindi masikmura ang narinig at napaiyak na lamang.
Nilisan naman ni Ibarra ang kanyang kausap na parang wala sa sarili. Nakasalubong niya si Padre Salvi at ito ay kanyang dinaluhong at tinanong kung bakit nila nagawa iyon sa kanyang ama. Agad naman na nagpaliwanag ang Padre na siya ay walang kinalaman at kagagawan iyon ni Padre Damaso na tinatawag ring Padre Garrote.
Noli Me Tangere Kabanata 13 mga Tauhan
Ang mga sumusunod ay ang mga tauhan na nabanggit sa ika-labintatlong kabanata ng nobelang Noli Me Tangere ni Dr. Jose Rizal.
Crisostomo Ibarra – Siya ay isang Filipino-Spanish at nag-iisang inapo ng mayamang Kastila na si Don Rafael Ibarra. Siya ay ipinanganak at lumaki sa Pilipinas, ngunit sa kanyang pagbinata, siya ay pitong taon na nag-aral sa Europa.
Padre Salvi – Siya ang kura ng bayan ng San Diego at ang kahalili ni Padre Damaso. Palibhasa’y may pakikipagtunggali sa alferez ng bayan, sa kalaunan ay inayos niya ang pagbagsak ni Crisostomo Ibarra, na minamanipula ang mga taong-bayan sa proseso.
Padre Damaso – Ang totoong ama ni Maria Clara. Siya ang dahilan na napalayo si Maria Clara at Ibarra sa isa’t-isa, sapagkat siya ay hindi sang-ayon sa pag-iisang dibdib ng dalawa.
Utusan – Siya ang naging kasama ng binatang si Ibarra upang pumunta sa sementeryo at dalawin ang puntod ng ama nito.
Sepulturero – Ang napagtanungan ni Ibarra kung saang pwesto sa sementeryo nakahimlay ang kanyang ama.
Kabanata 13 Mahahalagang Pangyayari
Ang mga sumusunod ay ang mga mahahalagang pangyayari na nangyari sa ika-labintatlong kabanata ng Noli Me Tangere.
- Pagpunta ng binatang si Ibarra sa sementeryo upang dalawin ang kanyang yumaong ama.
- Ang pahirapang paghahanap ni Ibarra sa puntod ng kanyang ama na may palatandaang krus at may nakalagay na INRI.
- Ang pagtatanong ni Ibarra sa sepulturero at kanyang nalaman na ipinahukay at ipinalipat ang katawan ng kanyang ama ngunit itinapon na lamang ito sa lawa.
- Nagalit ang binata ng lubusan sapagkat hindi niya matanggap ang sinapit ng ama.
- Ang sunggab ni Ibarra kay Padre Salvi ng ito ay kanyang makasalubong.
- Ang pagpapaliwanag ni Padre Salvi na siya ay walang alam ukol sa nangyari sa katawan ng ama ni Ibarra at tanging si Padre Damaso lamang ang nakakaalam niyon.
Kabanata 13 Tagpuan
Ang tagpuan na nabanggit sa kabanatang ito na pinamagatang “Ang Babala Ng Sigwa” ay sa isang sementeryo sa bayan ng San Diego, kung saan binisita ng binatang si Crisostomo Ibarra ang puntod ng kanyang yumaong ama na si Don Rafael Ibarra kasama ang kaniyang utusan.
Kabanata 13 Noli Me Tangere Aral
Sa kabanatang ito ay ating makukuha ang isang mahalagang aral tungkol sa respeto. Makikita natin rito ang pagkawalang respeto sa mga patay sa sementeryo na parang itinuturing na lamang itong parang hayop.
Katulad na lamang sa nangyari sa ama ni Ibarra na si Don Rafael Ibarra. Ang gawaing ito ay hindi tama, kaya’t ating tandaan na sa patay man o buhay ay matuto tayong rumespeto.
Dagdag pa riyan, ang pagiging marespeto ay isa sa mga pinaka-importanteng katangian na dapat nating taglayin bilang isang tao. Kailanman ay hindi makatarungan ang pagiging bastos sa iyong paligid lalo na sa mga tao na iyong nakakasalamuha.
Maging sa mga patay ay matuto tayong rumespeto, dahil kahit sila’y patay na ay tao pa rin sila at mayroong karapatan na respetuhin tulad ng mga taong nabubuhay.
Konklusyon
Sa pangkalahatan, sa kabanatang ito ay ating makikita ang matinding paghihinagpis ng binatang si Ibarra tungkol sa matinding sinapit ng kanyang ama kahit na ito ay patay na. Makikita natin rito ang ginawang paglalapastangan ni Padre Damaso sa bangkay ni Don Rafael Ibarra.
Nawa’y sa pagtatapos ng artikulong ito ay inyong naintindihan kung ano ang ipinapahiwatig ng kabanatang ito para sa mga mambabasa.
Maraming salamat sa pagbasa ng artikulo na ito. Huwag kalimutan na ibahagi ito sa iyong mga kaibigan o mga kapamilya.
Kung mayroon kang anumang mga katanungan o mungkahi, mangyaring mag-iwan ng komento sa ibaba. Para sa iba pang mga paksang pang-edukasyon, bisitahin lang ang aming website!
Iba pang Kabanata ng Noli Me Tangere
- Noli Me Tangere Kabanata 12
- Noli Me Tangere Kabanata 14
- Noli Me Tangere Kabanata 15
- Noli Me Tangere Kabanata 16
- Noli Me Tangere Kabanata 17
We are proud Pinoy!