HALIMBAWA NG SALAWIKAIN – Ano nga ba ang kahulugan at mga halimbawa ng salawikain? Sa paksang ito, ating sasagutin ang inyong mga katanungan batay sa salawikain.
Isa ito sa mga aralin sa Filipino na hanggang sa ngayon ay patuloy pa ring itinuturo sa mga paaralan. Pagkatapos ng artikulong ito inyong malalaman kung bakit sadyang napakahalaga ng salawikain sa ating buhay.
Handa ka na ba? Kung ganun, tara na’t sabay-sabay nating palawakin ang ating mga kaisipan sa panibago na namang aralin ukol sa salawikain halimbawa at ang kahulugan nito.

Bago tayo tumungo sa mga halimbawa ng salawikain, atin munang aalamin kung ano ang kahulugan ng salawikain.
Ano ang kahulugan ng Salawikain?
Ang salawikain o proverbs sa wikang Ingles, ay mga parirarala o pangungusap na maiiksi lamang ngunit punong-puno ng kahulugan. Ito ay karaniwang anyong patula na nagbibigay ng mga gintong aral.
Ito ay mga tradisyunal na kasabihan na ginagamit batay sa katutubong kalinangan, karunungan, at pilosopiya ng mga Pilipino. At, hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin na lumalaganap o nagpasalin-salin sa mga bagong henerasyon.
Naglalaman ito ng mga paaalala, karunungan, aral, payo, at supporta sa mga Pilipino, lalong-lalo na sa mga kabataan. Kung kaya’y mahalaga ito sa buhay ng mga Pilipino. Ang salawikain ay bahagi ng panitikang Pilipino, na binubuo ng mga matatalinhagang salita.
Dagdag pa rito, ito ay naglalaman ng mga karunungan mula sa mga karanasan na may layunin makapagbigay patnubay sa pang-araw-araw na pamumuhay. Karaniwan sa mga salawikain ay pamana lamang ng mga sinaunang henerasyon batay sa kanilang mga sariling karanasan sa buhay.
Mga halimbawa ng Salawikain
Heto ang mga salawikain halimbawa at ang kanilang kahulugan.
1. Huwag gawin sa iba ang ayaw mong gawin sa iyo.
Ang ibig-sabihin nito ay kung ayaw mo na may gawing masama ang ibang tao sa iyo. Kabutihan lamang ang iyong gagawin sapagkat kabutihan rin ang babalik nila sayo.
2. Kung walang tiyaga, walang nilaga.
Ito ay nangangahulugang kung hindi ka magpupunyagi at magtitiyaga sa buhay ay hindi mo makakamit ang iyong ninanis o minimithi.
3. Kung ano ang puno, siya ang bunga.
Ang ibig-sabihin nito ay kung ano ang pinanggalingan ay ganun din ang bunga na maihahalintulad sa pagkakapareho ng anak sa kanyang mga magulang.
4. Pagkahaba-haba man ng prosisyon sa simbahan din ang tuloy.
Ito ay nangangahulugang maraming mang pagsubok ang napagdaanan ay hahantong parin sa kasalan ang pagmamahalan.
5. Ang buhay ay parang gulong, minsan nasa ibabaw, minsan rin nasa ilalim.
Ang ibig-sabihin nito ay patuloy na pagbabago ng takbo ng buhay ng tao: na minsan ay walang problema at maayos ang lahat, at minsan naman paghihirap ang nararanasan.
6. Kung may tinanim, may aanihin.
Ang salawikain na ito ay tumutukoy sa tatlong sitwasyon sa buhay ng tao.
Una, kung meron kang pinagsisikapan sa buhay siguradong may mararating.
Pangalawa, ang paggawa ng mabuti, kung bigyan mo ang isang tao ng kabutihan, kabutihan rin ang isusukli sa’yo.
Pangatlo, kapag marunong magtipid, mag-ipon mag-iimpok ang isang tao, sa oras ng pangangailangan ay makukuha o may madudukot ito.
7. Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.
Ang ibig-sabihin nito ay ang Diyos ay maaawain at matulungin sa buhay ng isang tao. Ngunit, kailangan ng tao na kumilos at gumawa ng paraan para sa kanyang buhay at upang mabuhay.
8. Aanhin pa ang damo, kung patay na ang kabayo.
Ito ay nangangahulugang huli na ang lahat o hindi na kailangan pa.
9. Ang kaginhawaan sa kasiyahan matatagpuan at ‘di sa kasaganaan.
Ang ibig-sabihin nito ay maaring masagana ang buhay ng isang tao subalit hindi naman ito lubos na masaya at ang ng tunay na kasiyahan ay makikita sa kaginhawaan.
10. Malaking puno, ngunit walang lilim.
Ito ay nangangahulugang ang isang tao ay mayroong mataas na katungkulan subalit wala naman itong nagawa o naidudulot na kabutihan sa ibang tao.
11. Bawat isa sa atin ay arkitekto ng ating kapalaran.
Ang ibig-sabihin nito ay tayo mismo ang gumagawa o bumubuo ng ating kapalaran upang magkaroon ng magandang kinabukasan na makaka-apekto sa takbo ng ating buhay.
12. Ang ampalaya kahit anong pait, sa nagkakagusto’y matamis.
Ito ay nangangahulugang kahit marami man ang may ayaw sa’yo meron parin namang isang tao na magugustuhan ka.
13. Magbiro ka sa lasing, huwag lang sa bagong gising.
Ang ibig-sabihin nito ay ang mga taong bagong gising ay sadyang masungit lalo na kapag kulang sa tulog o kaya naman ay na-istorbo ang kanilang tulog. Kung kaya’y iniiwasan ang magbiro sa mga taong bagong gising.
14. Pulutin ang mabuti, iwaksi ang masama.
Ang ibig-sabihin nito ay piliin lamang ang mga makakabuti at isabuhay samantala ang mga masasama at hindi kaaya-aya ay tigilan at huwag sundin.
15. May tainga ang lupa, may pakpak ang balita.
Ang ibig sabihin nito ay mabilis mapasa o mapasalin-salin ang balita kapag ito ay nakalabas na sa bibig ng tao at narinig na ito sa tenga ng ibang tao.
Dahil mayroong tao na nagsasalin-salin ng balita ay napakabilis itong nalalaman ng publiko.
16. Lahat ng gubat ay may ahas.
Ito ay nangangahulugang kahit saan man tayo pumunta ay may mga taong traydor na maaaring magtaksil sa atin o taong sisira ng buhay at relasyon ng iba.
17. Ang katotohanan kahit na ibaon, mabubulgar rin pagdating ng panahon.
Ang ibig-sabihin nito ay kahit ano mang gawing tago o lihim ng katotohanan, darating ang panahon na ito ay lalabas at malalaman o mabubulgar. Sapagkat walang katotohanan ang hindi mabubunyag
18. Ang ginagawa sa pagkabata, kadalasan ay nadadala sa pagtanda.
Ito ay nangangahulugang ang mga nakagawian o nakasanayang gawin ng isang bata, masama man o mabuti ay kadalasang kanyang nadadala sa kanyang pagtanda. Kung kaya’t hanggat bata ay turuan ng tama at mali.
19. Ang umaayaw ay hindi nananalo, ang nananalo ay hindi umaayaw.
Ang ibig-sabihin nito ay kapag sumuko ka sa buhay, hindi mo makukuha o makakamit ang iyong inaasaman o minimithi. Samantala kapag ang isang tao naman ay hindi sumusuko sa laban ng buhay kahit anong hirap ang nararanasan. Siguradong kanyang makakamit ang minimithing pangarap.
20. Ang taong walang kibo nasa loob ang kibo.
Ito ay nangangahulugang may mga taong tahimik lang ngunit kapag sila ay mayroong hindi nagustuhan at nagalit doon na lalabas ang tunay nilang kulay at pag-uugali o pagkatao.
Samantala, maari rin namang ang isang tao ay walang pakialam sa labas ngunit sa kanyang saloobin ay mayroong nakatagong emosyon. Ito ay maiihahalintulad sa isang bulkan na akala mo’y tahimik ngunit may itinatago palang bangis na kapag sumabog ito ay labis na nakakapinsala.
21. Ubos-ubos biyaya, pagkatapos nakatunganga.
Ang ibig-sabihin nito ay ang paggamit ng pera ng hindi nag-iisip ng mabuti para sa kinabukasan. Ito ay isang negatibong kaugalian ng mga Pilipino. Kung saan gagastusin ang lahat ng pera sa loob ng isang araw ngunit sa susunod na raw ay wala ng pera.
22. Bago mo sabihin at gawin, makapitong iisipin.
Ibig sabihin, bago tayo magdesisyon o magsalita, dapat nating pag-isipang mabuti at ng maraming beses ang desisyong gagawin upang hindi ito pagsisihan. Sa madaling salita, huwag magmadali.
23. Ang nakatakip na bibig ay hindi pinapasukan ng langaw.
Ang ibig sabihin nito ay panatilihing nakatikom ang bibig upang hindi makapagsabi ng masasamang salita o hindi makakatohan laban sa ibang tao. Upang maiwasan ang problema at gulo.
24. Madali ang maging tao, mahirap magkatao.
Ito ay nangangahulugang madali maging isang tao sapagkat ang tao ay may isip at kilos-loob, kalayaan, konsensiya, at dignidad. Subalit mahirap magpakatao sapagkat ito ay nakabatay sa kung paano ang isang tao mag-isip, magpasya, at kumilos.
25. Kapag ang tao’y matipid, maraming maililigpit.
Ang ibig-sabihin nito ay kapag ang isang tao ay matipid maraming siyang maiipon at makukuha sa oras ng pangangailangan.
Konklusiyon
Sa araling ito, ating tinalakay ang tungkol sa mga halimbawa ng salawikain at ang kahulugan nito. Inyo ring natunghayan ang kahulugan ng bawat salawikain halimbawa. Upang inyong maintindihan kung ano ang ibig-sabihin ng bawat salawikain na aming inilagay sa artikulong ito.
Nawa ay marami kayong natutunan sa ating tinalakay ngayong araw. Aming tinitiyak na kayo ay aming mabigyan ng wastong sagot sa inyong mga katanungan.
Kung maari po sana ay inyung ibahagi ang artikulong ito sa iba upang kanila ring matuklasan at mapag-aralan kung ano ang inyung mga nalaman at natutunan sa paksang ito.
Maraming salamat po ❤❤❤ sa patuloy ninyung pagbabasa hanggang sa dulo ng artikulong ito. Kung sakali man na kayo ay marami pang mga katanungan inyu lamang bisitahin ang aming website para sa inyung mga karagdang kaalaman.
Mga katanungan
Kung mayroon kang anumang mga katanungan o mungkahi tungkol sa “Halimbawa Ng Salawikain At Ang Kahulugan Nito,” ipaalam sa amin sa pamamagitan ng pag-iiwan ng komento sa ibaba.
Para sa iba pang Aralin sa Filipino
- Ano Ang Mga Antas Ng Wika At Halimbawa?
- Ano Ano Ang Katangian Ng Wika At Kahulugan Nito?
- Mga Teorya Ng Pinagmulan Ng Wika
- Ano Ang Kahalagahan Ng Wika Sa Lipunan At Sa Buhay Ng Tao?
- Ano Ang Retorika At Ang Halimbawa Nito?
We are Proud Pinoy.