Epiko ng Visayas – 6 Halimbawa Ng Buod Ng Mga Epiko Ng Visayas

EPIKO NG VISAYAS – Sa araling ito ating matutunghayan ang mga halimbawa ng epiko ng mga taga-Visayas na may buod. Ito ay kinalap mula sa mga makatang Pilipino na nagpasalin-salin ng mga epiko hanggang sa ngayon.

Ano Ang Kahulugan ng Epiko?

Ang epiko o epic sa Ingles ay isang uri ng panitikan na panulaan. Matatagpuan ito sa mga grupong etniko na kilala bilang isang panulaang etniko gamit ang makalumang pananalita. Ang karaniwang tema ng epiko ay tumutukoy sa kabayanihan o makabayan. Dagdag pa rito, maaaring tumutukoy rin ito kaganapan o isang dakilang tao na nabuhay.

Maliban sa kahulugan ng epiko sa Filipino, ang mga kwentuhang epiko mula pa noong unang panahon ay punung-puno ng mga kagila-gilalas na pangyayari. Ang epiko ay galing sa salitang Griyego na “epos” na nangangahulugan “awit.”  Hinango din sa salitang “epikos” na ibig sabihin naman ay “Dakilang Likha”. Sa ngayon ito ay tumutukoy sa pasalaysay na kabayanihan ng mga tauhan.

Epiko ng Visayas – 6 Halimbawa Ng Buod Ng Mga Epiko ng Visayas

EPIKO NG VISAYAS - 6 HALIMBAWA NG BUOD NG MGA EPIKO NG VISAYAS
EPIKO NG VISAYAS – 6 HALIMBAWA NG BUOD NG MGA EPIKO NG VISAYAS

Ang Pilipinas ay hindi lang mayaman sa kultura, gayundin sa mga kwentong bayan tulad ng epiko na hanggang sa ngayon kinawiwilihan pa rin nating mga Pilipino. Dagdag pa rito, ang mga epiko ng Mindanao ay nagpapakilala ng kasaysayan ng isang rehiyon o bansa. Na siyang pinagmamalaki ng mga Pilipino ang maraming kwento ng ating bansa. Sa ngayon ating tuklasin ang ganda ng ating bansa sa pamamagitan ng mga halimbawa ng epiko ng mga taga-Visayas na may buod.

Epiko ng Visayas – 6 Halimbawa Ng Buod Ng Mga Epiko ng Visayas

Time needed: 5 minutes.

Narito na ang mga halimbawa ng mga epiko ng mga taga-Visayas.

  1. Labaw Donggon

    Epiko ng mga Bisaya

  2. Maragtas

    Epiko ng Visayas

  3. Hinilawod

    Epiko ng Panay

  4. Humadapnon

    Epiko ng Panay

  5. Pandaguan

    Epiko ng mga Bisaya

  6. Juan Pusong

    Epiko ng mga Bisaya

Epiko ng Visayas – 6 Halimbawa Ng Buod Ng Mga Epiko ng Visayas

Labaw Donggon (Buod ng Labaw Donggon – Epiko ng Bisaya)

Ang salaysay na Labaw Donggon ay nagsimula sa kaniyang pamilya. Isa siya sa tatlong mala-bathalang anak nina Abyang Alunsina, isang diwata, at ni Buyung Paubari, isang mortal. Mga kapatid niya sina Humadapnon at Dumalapdap.

Pagkapanganak sa kaniya ay naghanap si Labaw Donggon ng mapapangasawa. Una niyang nakuha si Abyang Ginbitinan, ikalawa si Anggoy Doronoon. Ikatlo at pinakamahirap ang pakikipagsapalaran niya ay si Malitong Yawa Sinagmaling na asawa ni Saragnayan, tagapag-alaga ng araw. Dahil may agimat din si Saragnayan, natalo niya si Labaw Donggon sa labanan na tumagal ng maraming taon. Ibinilanggo ni Saragnayan si Labaw Donggon sa kulungan ng baboy sa silong ng bahay niya.

Samantala, nanganak ng dalawang lalaki ang dalawang asawa ni Labaw Donggon, sina Asu Mangga at Buyung Baranugan. Hinanap ng magkapatid ang ama, nakaharap si Saragnayan, ngunit ngayo’y natuklasan ni Baranugan ang lihim ng kapangyarihan ni Saragnayan kaya napatay ang asawa ni Malitong Yawa Sinagmaling. Pinawalan ng magkapatid si Donggon at pinaliguan. Ngunit nagtago ito sa loob ng isang lambat.

Sina Humadapnon at Dumalapdap naman ang humanap kay Labaw Donggon at nakita nilá ito sa loob ng lambat ngunit halos bingi at lubhang matatakutin. Gayunman, pinagtulungan siyang gamutin nina Abyang Ginbitinan at Anggoy Doronoon pagkatapos mangako na pantay-pantay siláng ituturing na asawa kasama ni Malitung Yawa Sinagmaling. Sinundan pa ito ng mga pakikipagsapalaran nina Humadapnon at Dumalapdap na nakuha din ng kani-kanilang asawa.

Ang halimbawa ng epiko ng Visayas na pinamagatang, “Labaw Donggon,” ay mula sa noypi.com.ph.

Ang mga halimbawa ng epiko ng mga taga-Visayas na may buod na pinamagatang Labaw Donggon ng mga Bisaya. Ito ay tungkol kay Labaw Donggon, kanyang tatlong asawa na sina Asu Mangga, Buyung Baranu at Malitung Yawa Sinagmaling at kanilang mga anak. Pinaka-magandang parte ng kwento ang pagsagip nila kay Labaw Donggon na nagtago at halos bingi na at lubhang matatakutin. Ito ay naitala ni F. Landa Jocano noong 1956 mula kay Ulang Udig, isang Sulod sa Iloilo.

Maragtas (Buod ng Maragtas – Epiko ng Bisaya)

Ang Borneo noon ay nasa pamumuno ng isang malupit at masamang sultan na si Sultan Makatunao. Kinamkam niya ang lahat ng yaman ng nasasakupan. Kanya ring pinupugayan ng dangal ang mga babae, pati ang mga asawa at anak na dalaga ng mga datu na nasa ilalim niya.

Isang araw, si Pabulanan, ang asawa ni Datu Paiborong, ang nais halayin at angkinin ng masamang sultan. Nalaman ni Datu Paiborong ang tangka ni Sultan Makatunao. Nagbalak ang magigiting na datu na manlaban kay Sultan Makatunao. Nag-usap-usap silang palihim. Naisipan sin nilang humingi ng tulong kay Datu Sumakwel.

Si Sumakwel ay mabait, magalang at matalino. Alam niya ang kasaysayan ng maraming bansa at marami siyang alam kung tungkol sa paglalayag. Dinalaw ni Datu Paiborong at ni Datu Bangkaya si Sumakwel. Ipinagtapat ng dalawa ang paglaban na nais nilang gawin. Ayaw ni Sumakwel sa balak na paglaban.

Pinuntahan ni Sumakwel si Datu Puti. Si Datu Puti ay punong ministro ni Makatunao. Sinabi ni Sumakwel ang suliranin ng mga datu at ang balak na paglaban. Ipinasiya nina Sumakwel at Datu Puti ang palihim na pag-alis nilang sampung datu sa Borneo. Hindi nila magagapi si Makatunao. Maraming dugo ang dadanak at marami ang mamamatay. Ayaw ni Datu Puti na mangyari ang ganoon. Iiwan nila ang kalupitan ni Sultan Makatunao at hahanap sila ng bagong lupain na maaaring pamuhayan nila nang malaya at maunlad. Sila’y mararangal na datu na mapagmahal sa kalayaan.

Nagpulong nang palihim ang sampung datu. Sila’y tatakas sa Borneo. Palihim silang naghanda ng sampung malalaking bangka, na ang tawag ay biniday o barangay. Naghanda sila ng maraming pagkain na kakailanganin nila sa malayong paglalakbay. Hindi lamang pagkain ang kanilang dadalhin kundi pati ang mga buto at binhi ng halamang kanilang itatanim sa daratnan nilang lupain. Madalas ang pag-uusap ni Sumakwel at ni Datu Puti. Batid ni Sumakwel ang malaking pananagutan niya sa gagawin nilang paghanap ng bagong lupain. Silang dalawa ni Datu Puti ang itinuturing na puno, ang mga datung hahanap ng malayang lupain.

Isang hatinggabi, lulan sa kanilang mga biniday o barangay, pumalaot ng dagat ang sampung datu kasama ang kanilang asawa at mga anak at buong pamilya pati mga katulong. Sa sampung matatapang na datu, anim ang may asawa at apat ang binata. Si Sumakwel ay bagong kasal kay Kapinangan, si Datu Bangkaya ay kasal kay Katorong na kapatid ni Sumakwel. Ang mag-asawang si Datu Paiborong at Pabulanan, si Datu Domangsol at ang asawang si Kabiling, ang mag-asawang si Datu Padihinog at Ribongsapaw, Si Datu Puti at ang kanyang asawang si Pinampangan. Ang apat na binatang datu ay sina Domingsel, Balensuela, Dumalogdog at Lubay.

Ang mga taga-Borneo ay kilala sa tawag na Bisya o Bisaya. Malakas ang loob nila na pumalaot sa dagat pagkat batid nila ang pagiging bihasa ni Datu Puti at ni Sumakwel sa paglalayag. Nakita nang minsan ni Sumakwel ang isang pulo makalagpas ang pulo ng Palawan. Alam niya na ang naninirahan dito ay mga Ati, na pawang mababait at namumuhay nang tahimik. Alam din niya kung gaano kayaman ang pulo.

Nasa unahan ang barangay ni Datu Puti. Makaraan ang ilang araw at gabi nilang paglalakbay, narating nila ang pulo ng Panay. Ang matandang pangalan nito ay Aninipay.

Bumaba si Datu Puti at naglakad-lakad. Nakita niya ang isang Ati. Siya ay katutubo sa pulong iyon. Pandak, maitim, kulot ang buhok at sapad ang ilong. Sa tulong ng kasama ni Datu Puti na marunong ng wikain ng katutubo ay itinanong niya kung sino ang pinuno sa pulong iyon at kung saan ito nakatira. Ipinabalita ni Datu Puti kay Marikudo na silang mga Bisaya mula sa Borneo ay nais makipagkaibigan.

Si Marikudo ay siyang hari ng Aninipay. Siya ay mabuting pinuno. Ang lahat sa pulo ay masaya, masagana at matahimik na namumuhay. Walang magnanakaw. Ang lahat ay masipag na gumagawa. Kilala rin sila sa pagiging matapat at matulungin sa kapwa.

Dumating ang takdang araw ng pagkikita ng mga Ati sa pamumuno ni Marikudo at ng mga Bisaya sa pamumuno ni Datu Puti. May isang malaking sapad na bato sa baybay dagat. Ito ang kapulungan ng mga Ati. Ito ang Embidayan. Dito tinanggap ni Marikudo ang mga panauhin. Nakita niya na mabait at magalang ang mga dumating. Ipinaliwanag ni Datu Puti ang kanilang layong makipanirahan sa pulo ng Aninipay. Nais nilang bilhin ang lupain. Sinabi ni Marikudo na tatawag siya ng pulong, ang kanyang mga tauhan at saka nila pagpapasyahan kung papayagan nilang makipanirahan ang mga dumating na Bisaya.

Muling nagpulong ang mga Ati at mga Bisaya sa Embidayan. Nagpahanda si Marikudo ng maraming pagkaing pagsasaluhan ng mga Ati at mga Bisaya. Dumating mula sa Look ng Sinogbuhan ang mga Bisaya lulan ng sampung barangay. Nakaupo na sa Embidayan si Marikudo kasama ang kanyang mga tauhan. Katabi ni Marikudo ang kanyang asawa na si Maniwantiwan. Nakita ng mga Ati ang maraming handog ng mga Bisaya. Ang mga lalaking Ati ay binigyan ng mga Bisaya ng itak, kampit at insenso. Ang mga babaeng Ati ay binigyan naman ng kuwintas, panyo at suklay. Ang lahat ay nasiyahan. Nagpakita ng maramihang pagsayaw ang mga Ati. Tumugtog ang Bisaya sa kanilang solibaw, plota, at tambol habang ang mga lalaki naman ay nagsayaw pandigma, ang sinurog.

Nag-usap sina Marikudo at Datu Puti. Ipinakuha ni Datu Puti ang isang gintong salakot at gintong batya mula sa kanilang barangay. Ibinigay niya ito kay Marikudo. Nakita ni Maniwantiwan ang mahabang-mahabang kuwintas ni Pinampangan. Ito’y kuwintas na lantay na ginto. Ibig ni Maniwantiwan ang ganoon ding kuwintas. Pinigil ni Maniwantiwan ang bilihan, kung hindi siya magkakaroon ng kuwintas. Madaling ibinigay ni Pinampangan ang kuwintas niya kay Maniwantiwan.

Itinanong ni Datu Puti kung gaano kalaki ang pulo. Sinabi ni Marikudo, na kung lalakad sa baybay dagat ng pulo simula sa buwang kiling (Abril o buwan ng pagtatanim) ay makababalik siya sa dating pook pagsapit ng buwan ng bagyo-bagyo (Oktubre o buwan ng pag-aani).

Ang lupang kapatagan ay ibinigay ng mga Ati sa mga Bisaya. Ibinigay rin nila ang kanilang mga bahay. Ang mga Ati ay lumipat ng paninirahan sa bundok.

Madaling isinaayos ni Datu Puti ang mga Bisaya. Si Datu Bangkaya kasama ang kanyang asawa na si Katurong at anak na si Balinganga at kanilang mga tauhan at katulong ay tumira sa Aklan. Sumunod na inihatid ni Datu Puti sina Datu Paiborong at asawang si Pabulanon at ang kanyang dalawang anak na si Ilehay at si Ilohay. May mga tauhan ding kasama si Datu Paiborong na kakatulungin niya sa pagtatanim ng mga buto at binhi na iiwan ni Datu Puti at Datu Sumakwel. Sina Lubay, Dumalogdog, Dumangsol at Padahinog ay kasama ni Sumakwel. Sila ay sa Malandog naman maninirahan. Nagpaalam si Datu Puti kay Sumakwel. Kanyang pinagbilinan si Sumakwel na pamunuang mahusay ang mga Bisaya. Nag-aalala si Datu Puti tungkol sa kalagayan ng iba pang Bisaya sa Borneo sa ilalim ng pamumuno ng malupit na si Makatunao.

Matapos magpaalam kay Sumakwel, umalis na ang tatlong barangay, kay Datu Puti ang isa, at ang dalawa pa ay sa dalawang binatang datu na sina Datu Domingsel at Datu Balensuela. Narating nila ang pulo ng Luzon. Dumaong ang tatlong barangay sa Look ng Balayan. Ipinasya ng dalawang datu na dito na sa Taal manirahan kasama ang mga “Taga-ilog”. Isang araw lamang at umalis na sina Datu Puti at Pinampangan upang bumalik sa Borneo.

Ang halimbawa ng epiko ng Visayas na pinamagatang, “Maragtas” ay mula sa pinoycollection.com

Ang mga halimbawa ng epiko ng Visayas na may buod na pinamagatang Maragtas ay tungkol kasaysayan ng sampung magigiting, matatapang at mararangal na datu. Ang kwento ay tungkol sa paglalakbay mula Borneo patungo sa pulo ng Panay. Ang paglalakbay na ito ay pinangunahan nina Datu Puti at Datu Sumakwel upang makaligtas sila sa malupit na pinuno ng Borneo na si Sultan Makatunao.

Hinilawod (Buod ng Hinilawod – Epiko ng Panay)

Noong unang panahon, may isang Dyosa ng kalangitan na nag ngangalang “Alunsina”, sa takot na di na makapag asawa ay iminungkahi ng hari ng mga Dyos na si “Kaptan” na sya ay mag asawa na.

Maraming Dyos ang dumating makadaupang palad lamang si Alunsina. Ngunit ang lahat ay bigo sapagkat ang napili ni Alunsina ay isang mortal na nag ngangalang “Paubari”.

Si Paubari ay isang datu na namumuno sa Halawod.

Ang desisyon ni Alunsina ay lubos na ikinagalit ng ilang nabigong dyos. Napagkasunduan ng ilang dyos sa pangunguna ni “Maklium-sa-t’wan” na magkaroon nang pagpupulong upang maudlot ang kasal ni Alunsina at Paubari sa pamamagitan ng isang baha sa halawod.

Ngunit si Alunsina at Paubari ay nakaligtas sa kapahamakan sa tulong ni Suklang Malayon, ang kapatid ni Alunsina. Natunugan ni Malayon ang plano ng ilang dyos kayat sinabi nitong magpunta sa mataas na lugar sina Paubari at Alunsina.

Pagkatapos humupa ang baha ay palihim na bumalik si Alunsina at Paubari sa halawod.

Matapos ang ilang bwan ay nagsilang si Alunsina ng triplets at pinangalanang Labaw Dongon, Humadapnon at Dumalapdap.

Pagkatapos isilang ay agad na ipinatawag ni Alunsina ang paring si Bungot-Banwa para gawin ang ritwal upang maging malakas ang mga kambal. Matapos ang ritwal ay naging malalakas at makisig sina Labaw Dongon, Humadapnon at Dumalapdap.

Ang tatlong magkakapatid ay kapwa nagkaroon ng kanya kanyang pakikipagsapalaran katulad na lamang ni Labaw Donggon na nakipaglaban kay Saragnayan ngunit ito”y bigo at ibinilanggo ni Saragnayan.

Dahil dito ay naghiganti ang anak ni Labaw Donggon at agad na kinalaban si Saragnayon. Kalauna”y nagtagumpay ang anak ni Labaw Donggon at sila”y parehong bumalik sa kanilang lugar.

Dahil din sa pagkakabilanggo ni Labaw Donggon ay lubos na nagalit si Humadapnon at Dumalapdap. Nangako si Humadapnon na ipaghihiganti nya ang kapatid hanggang sa kaapu-apuhan ni Saragnayan.

Pagkatapos umalis ni Humadapnon upang maghiganti ay umalis din si Dumalapdap upang makipagpalaran at pakasalan si “Lubay Lubyok Mahanginun si Mahuyokhuyokan”. nakipaglaban si Dumalapdap sa nilalang na may dalawang ulo na kung tawagin ay “Balanakon”.

Pagkatapos nito ay nilabanan din ni Dumalapdap ang nilalang na “Uyutang” na kawangis ng isang paningi na may malaking mga pangil at makamandag na kuko. Nilabanan ni Dumalapdap ang Uyutang sa loob ng pitong buwan.

Naging matagumpay si Dumalapdap at kasama na nyang umuwi si “Lubay-Lubyok Hanginun si Mahuyokhuyokan” upang pakasalan.

Nang makabalik na ang magkakapatid ay ipinagdiwang ni Datu Paubari ang tagumpay ng mga ito.

Ang halimbawa ng epiko ng Visayas na pinamagatang, “Hinilawod” ay mula sa marvicrm.com

Ang mga halimbawa ng epiko ng mga taga-Visayas na may buod na pinamagatang Hilinawod ay mula sa mga Sulod na nakatira sa bulubunduking bahagi ng Panay. Ang epikong ito ay may dalawang pangunahing tauhan, sina Labaw Donggon at Humadapnon. May mga sariling salaysay ang dalawang pangunahing tauhan sa saliksik ni F. Landa Jocano.

Humadapnon (Buod ng Humadapnon – Epiko ng Panay)

Ang mag-asawang Musod Burubalaw at Anggoy Ginbitinan ay may mga anak na lalaki. Isa sa kanilang mga anak ay itinuturing na bayani ng mga Sulod Pagandra ng Panay Sentral. Ito ay ang kanilang panganay na si Humadapnon.

Nang siya’y magbinata, iginayak niya ang kanyang sarili sa paglalakbay. Nais niya’y matagpuan ang babaeng kanyang pakakasalan. Ang babaeng nagngangalang Nagmalitong Yawa, nag-iisang anak nina Labaw at Viva Matanayon ng Ilog Hulanod ang siyang nagpatibok sa puso ni Humadapnon. Kumuha muna siya ng maliit na patalim at sinugatan nito ang maliit na daliri. Matapos iyon, siya ay naglakbay at nangyaring si Buyung Dumalaplap ang naging kapatid niya sa dugo.

Habang siya’y naglalayag sakay ng kanyang ginintuang bangka, isang hindi inaasahang lakas ang dumating. Natangay ang kanyang ginintuang bangka. Salamat na lamang at may dumating siyang kaibigang hindi nakikita kaya nakaiwas siya sa pagkakaipit sa dalawang malalaking bato.

Matapos ang trahedyang ito’y muling nagpatuloy sa paglalakbay si Humadapnon hanggang sa makarating siya sa dagat na ang tubig ay hindi gumagalaw, malagkit, maputik at maitim. Matagal pa sana siyang aalis sa lugar na iyon ngunit muli na naman siyang tinulungan ng kanyang kaibigang di niya nakikita, na nagngangalang Saragudon.

Sa pagpapatuloy ng kanilang paglalakbay, narating nila ang lupain ng Taraban. Ang lahat ng mga namumuno sa lugar na ito ay pawang babae na naggagandahan. Sina Simalubay Hanginum, Simahuboli Hubunan at Sinaghating Bulawan. Sa kagandahan ng magkapatid ay naakit si Humadapnon. Isa rin ito sa dahilan kung bakit nananatili pa sila sa lugar na ito sa kabila ng pinagbantaan siya ng kapatid sa dugo na si Dumalaplap. Nabilanggo siya rito ng halos pitong taon. Sa kabutihang-palad, may nagligtas muli sa kanya. Ito ay si Nagmalitong-Yawa na matapos siyang makawala ay bigla itong nawala.

Muli niyang ipinagpatuloy ang paghahanap kay Nagmalitong Yawa. Napadaan siya sa isang madilim na lupain na kinakitaan ng mga kaluluwa ng kanyang mga ninunong yumao na. Ang lupaing ito’y nagtataglay ng sampung ilog. Lulan ng kanyang bangka, mula sa bulubunduking ito, nagkaroon sila ng paglalaban at agad naman niyang nagapi ang mga ito. Mula sa ilog na ito ay nadako siya sa ilalim ng lupa at dito’y nakasagupa niya ang isang hayop na may walong ulo. At nagapi niya ang hayop. Sa maraming taon niyang paglalakbay, narating niya ang Ilog ng Holawod. At dito niya nakita si Nagmalitong Yawa. Ito ay kanyang pinakasalan. Sa gitna ng pagdiriwang may dumating na isang grupo mula sa kalawakan. Mabilis na kinuha si Nagmalitong Yawa at ito ay napatay. Buong tapang na nakipagsagupa si Humadapnon sa pinuno ng grupo. Sapagkat kapwa may angking lakas ay umabot sa pitong taon ang kanilang sagupaan. Ipinaalam ni Launsina kay Humadapnon na kulang sa pag-iisip ang nakalaban ni Humadapnon sa Namurata sa himpapawid upang bigyan ng buhay si Nagmalitong Yawa.

Nang muling mabuhay si Nagmalitong Yawa ay saka nila napag-alaman na ang kalahating katawan nito ay napangasawa ni Amurutha at ang kalahati ay napangasawa ni Humadapnon. Mula nang magkaliwanagan ay nanaog sina Humadapnon at Nagmalitong Yawa sa naging pinuno ng mga tao sa Sulod ng Panay.

Ang halimbawa ng epiko ng Visayas na pinamagatang, “Humadapnon,” ay mula sa pinoycollection.com

Ang mga halimbawa ng epiko ng mga taga-Visayas na may buod na pinamagatang Humadapnon ay tungkol kay Humadapnon na anak nina Munsad Burukalaw at Anggay Ginbitinan. Kwento ito tungkol sa pakikipagsapalaran nito upang makuha si Nagmalitong Yawa Nagmaling Diwata. Dagdag pa rito, ito ay ulat ni E. Arsenio Manuel (1963).

Pandaguan (Buod ng Pandaguan – Epiko ng Bisaya)

Si Pandaguan ay isang tauhan sa mitolohiyang Bisaya. Ang mito niya ay kaugnay ng konsepto ng kamatayan at may bersyon ng salaysay ukol sa kaniya.

Sa isang kuwento, si Pandaguan ang isa sa mga anak nina Sicalac at Sicahay, na maituturing na Adan at Eba. Asawa niya si Lupluban, at may isa silang anak, si Anoranor.

Bilang matalino at malikhain, nakagawa si Pandaguan ng unang lambat o panghuli ng isda sa kasaysayan. Ang una niya kaagad nahuli ay isang malaking pating. Iniahon niya ito sa galak, ngunit bilang isang isda, namatay ang hayop. Ito ang sinasabing unang kamatayan sa daigdig, at si Pandaguan ang tagapagdulot nito.

Nang napag-alaman ito ni Kaptan, bathala ng kalangitan, sa galit ay naghagis siya ng kidlat kay Pandaguan. Namatay si Pandaguan at siya ang unang taong nakaabot sa Kabilang-buhay. Sa isang bersyon, pagkahuli ni Pandaguan ng pating, inutusan siya ni Kaptan na ibalik kaagad sa dagat.

Hindi siya sumunod dahil na rin sa pakiramdam na kung kinaya niyang mahuli ang malaking pating ay kaya rin niyang tanggihan ang bathala. Nagalit si Kaptan at pinatamaan siya ng kidlat.

Hindi namatay si Pandaguan, bagkus ay nahimlay lamang ng tatlumpong (30) araw sa lupa bago bumangong muli. Sinunog ng kidlat ang kanyang katawan, at lahat ng kaniyang inapo ay itim ang balat.

Ang halimbawa sa epiko ng Visayas na pinamagatang, “Pandaguan,” ay mula sa coursehero.com.

Ang mga halimbawa ng epiko ng mga taga-Visayas na may buod na pinamagatang Pandaguan ay mula sa mayamang kultura ng mga Bisaya. Ang kwento ay tungkol sa bayaning si Pandaguan. Sa kwento matutunghayan natin kung paano sinuway ni Pandaguan ang kanilang bathala.

Juan Pusong (Buod ng Juan Pusong – Epiko ng Mindanao)

Si Juan Pusong (Hu-wan Pu-song) ay tauhan sa mga trickstertale o kuwento ng panlilinlang sa Pilipinas, lalo na sa Kabisayaan. Tiyak na may kaugnayan sa pangalan ng tauhang-bayan ito ang pagtawag ng din ng “pusong” sa tauhang katatawanan, katumbas ng payaso o lukayo, sa komedya nitong ika-19 na siglo.

Hindi dapat ipagkamali ito sa pusong (mabilis na bigkas) na isang masamang tao at malimit ngang tawag sa kontrabida sa metriko romance at komedya. Ang pu’song at pusong ay nangangahulugang tuso at mapanlinlang.

Ang kuwento ng panlilinlang ay tungkol sa pakikipagsapalaran ng isang bayaning mahina at malimit na api-apihan ngunit nakababawi sa dulo sa pamamagitan ng nakatutuwang panlilinlang. Malimit na biktima ng panlilinlang ang isang awtoridad (mayaman na Datu, o mayabang na tao) kaya sinasabi rin na isang paraan ito ng pagpapahayag ng subersyon sa makapangyarihang lipunan. Bukod kay Juan Pusong, popular din sa Mindanao sina Pilandok at Abbunawas, at may kuwento ng panlilinlang din si Juan Tamad.

Sa isang kuwento ni Juan Pusong, napansin niyang marami ang naihanda niyang pagkain para sa sarili kayâ inilibing niya ang pitóng palayok ng manok at pitóng palayok ng baboy sa aplaya at naglaro ng palaka. Isang barko ang dumaong at tinanong ng kapitan si Pusong tungkol sa palaka. Sinabi niya na mahiwaga ang palaka dahil tumutuntong ito sa lugar kung saan may pagkain. Nang hukayin ng kapitan at ng kaniyang tauhan ang dalampasigan na nilundagan ng palaka, nakita nila ang inilibing na pagkain ni Pusong. Sa paniniwalang makapangyarihan nga ang palaka, ipinagpalit ng kapitan ang kaniyang mga kargamento para dito.

Sa isa namang kuwento, inaresto at ikinulong si Juan, at itatapon sa karagatan. Bago dumating ang araw na iyon, napadaan ang isang prinsipe sa kaniyang kulungan. Sinabi ni Juan sa kaniya na ikinulong siya ng hari dahil tumanggi siyang pakasalan ang isang prinsesa dahil hindi siya karapat-dapat dito. Nakipagpalit sa kaniya ang prinsipe at ito ang nalunod sa karagatan. Binalikan ni Juan ang haring nagpatapon sa kaniya. Sinabi niyang nakita niya sa ilalim ng dagat ang ama at kamag-anak nitó doon. Ipinag-utos ng hari na itápon siyá sa dagat at nalunod siyá. Naging hari si Juan.

Ang halimbawa ng epiko ng Visayas na pinamagatang, “Juan Pusong,” ay mula sa pilipinas.bid.

Ang mga halimbawa ng epiko ng mga taga-Visayas na may buod na pinamagatang Juan Pusong ay mula sa mga trickstertale o kuwento ng panlilinlang sa Pilipinas, lalo na sa Kabisayaan. Sa epikong ito, pangunahing tauhan na isang tusong si Juan Pusong. Ating matutunghayan sa kwento ang nakaktawang panloloko ni Juan Pusong para makakuha ng kargamento at makaligtas sa pagkalunod at ng kalaunan ay siyang naging hari.

Summary ng Epiko ng Visayas – 6 Halimbawa Ng Buod Ng Mga Epiko ng Visayas

Sa pagdaan ng maraming panahon, nakatatak pa rin sa ating mga Pilipino ang buod ng mga halimbawa ng epiko ng mga taga-Visayas na pinaniwalaan ng ating mga ninuno sa kanilang panahon. Ito ay naging malaking instumento sa ating pagkakakilanlan at masasabing maipagmamalaki talaga natin bilang mga Pilipino. Wala man tayong basehan kung totoo ang mga pangyayaring ito, tiyak namang namangha tayo at naaliw ng mga kawili-wiling epiko sa ating bansa.

Kaya, hinihikayat ko kayong magbasa at palawakin ang inyong mga imahenasyon. Maging mapang-usisa at alamin ang epiko ng iyong bansa.

Para Sa Iba Pang Filipino Lessons

Inquiries

If you have any questions or suggestions about, Epiko ng Visayas – 6 Halimbawa Ng Buod Ng Mga Epiko Ng Visayas 2021. Let us know what you think about this post by leaving a comment below.

We are Proud Pinoy.

Leave a Reply

%d bloggers like this: