Epiko Ng Luzon – 7 Halimbawa Ng Buod Ng Mga Epiko Sa Luzon

EPIKO NG LUZON – Sa araling ito ating matutunghayan ang mga halimbawa ng epiko sa Luzon Tagalog na may buod. Ito ay kinalap mula sa mga makatang Pilipino na nagpasalin-salin ng mga epiko hanggang sa ngayon.

Ano Ang Kahulugan ng Epiko?

Ang epiko o epic sa Ingles ay isang uri ng panitikan na panulaan. Matatagpuan ito sa mga grupong etniko na kilala bilang isang panulaang etniko gamit ang makalumang pananalita. Ang karaniwang tema ng epiko ay tumutukoy sa kabayanihan o makabayan. Dagdag pa rito, maaaring tumutukoy rin ito kaganapan o isang dakilang tao na nabuhay.

Maliban sa kahulugan ng epiko sa Filipino, ang mga kwentuhang epiko mula pa noong unang panahon ay punung-puno ng mga kagila-gilalas na pangyayari. Ang epiko ay galing sa salitang Griyego na “epos” na nangangahulugan “awit.”  Hinango din sa salitang “epikos” na ibig sabihin naman ay “Dakilang Likha”. Sa ngayon ito ay tumutukoy sa pasalaysay na kabayanihan ng mga tauhan.

Epiko ng Luzon – 7 Halimbawa Ng Buod Ng Mga Epiko Sa Luzon Tagalog

EPIKO NG LUZON - 7 HALIMBAWA NG BUOD NG MGA EPIKO SA LUZON
EPIKO NG LUZON – 7 HALIMBAWA NG BUOD NG MGA EPIKO SA LUZON

Epiko ng Luzon – 7 Halimbawa Ng Buod Ng Mga Epiko Sa Luzon Tagalog

Time needed: 5 minutes.

Narito na ang mga halimbawa ng mga epiko ng Luzon Tagalog

  1. Biag ni Lam-ang

    Epiko ng Ilocos

  2. Hudhud: Kwento ni Aliguyon

    Epiko ng ng Ifugao

  3. Ibalon

    Tatlong Bayani ng Epikong Bikol (Epiko ng Bicol)

  4. Kudaman

    Epiko ng Palawan

  5. Manimimbin

    Epiko ng Palawan

  6. Ullalim

    Epiko ng Kalinga

  7. Alim

    Epiko ng Ifugao

Epiko ng Luzon – 7 Halimbawa Ng Buod Ng Mga Epiko Sa Luzon Tagalog

Biag Ni Lam-ang (Buod ng Biag ni Lam-ang – Epikong Ilocano)

Sa lambak ng Nalbuan sa baybayin ng Ilog Naguilian sa La Union ay may mag-asawang kilala sa pangalang Don Juan at Namongan.

Nang malapit nang magsilang ng sanggol si Namongan, nilusob ng tribo ng Igorot ang nayon at pinatay ang maraming tauhan ni Don Juan. Sa laki ng galit, nilusob naman ni Don Juan ang mga Igorot upang ipaghiganti ang mga tauhan niya. Hindi na nakabalik si Don Juan sa kanyang nayon. Ang naging balita, siya ay pinugutan ng ulo ng mga Igorot.

Isinilang ni Namongan ang kanyang anak. Ang sanggol ay nagsalita agad at siya na ang pumili ng pangalang Lam-ang at siya na rin ang pumili ng kanyang magiging ninong.

Nang malaman ni Lam-ang ang masakit na nangyari sa kanyang ama, sumumpa siyang ipaghihiganti niya ito. Sa gulang na siyam na buwan pa lamang, ay malakas, matipuno at malaking lalaki na siya. Ayaw man siyang payagan ng kanyang ina upang hanapin ang bangkay ng kanyang ama, ay nagpilit din si Lam-ang na makaalis.

Kasama niya sa pagtungo sa lupain ng mga Igorot ang isang mahiwagang tandang, ang tangabaran, at mahiwagang aso. Baon rin niya ang kanyang talisman mula sa punong saging. Sa tulong ng kanyang talisman ay madali niyang nalakbay ang mga kabundukan at kaparangan. Sa laki ng pagod ni Lam-ang, siya ay nakatulog. Napangarap niya ang mga Igorot na pumatay sa kanyang ama na nagsisipagsayaw at nililigiran ang pugot na ulo ng kanyang ama. Nagpatuloy si Lam-ang sa paglalakbay at narating ang pook ng mga Igorot. Nakita niya ang ulo ni Don Juan na nasa sarukang, isang haliging kawayan.

Hinamon ni Lam-ang ang mga Igorot. Pinauwi ng mga Igorot si Lam-ang upang huwag siyang matulad sa ginawa nila kay Don Juan. Sumigaw ng ubos lakas si Lam-ang at nayanig ang mga kabundukan. Ang tinig niyang naghahamon ay narinig ng marami kaya’t dumating ang maraming Igorot at pinaulanan si Lam-ang ng kanilang mga sibat. Hindi man lamang nasugatan si Lam-ang. Nang maubusan ng sibat ang mga Igorot ay si Lam-ang naman ang kumilos. Hinugot niya ang mahaba niyang itak at para lamang siyang tumatabas ng puno ng saging, na pinagpapatay niya ang mga nakalaban.

Umuwi si Lam-ang sa Nalbuan. Naligo siya sa Ilog Amburayan sa tulong ng mga dalaga ng tribu. Dahil sa dungis na nanggaling kay Lam-ang, namatay ang mga isda sa Ilog Amburayan at nagsiahon ang mga igat at alimasag sa pampang.

Matapos mamahinga ay gumayak na si Lam-ang patungo sa Kalanutian upang manligaw sa isang dilag na nagngangalang Ines Kannoyan. Kasama ni Lam-ang ang kanyang mahiwagang tandang at mahiwagang aso.

Sa daan patungo sa Kalanutian ay nakalaban niya ang higanteng si Sumarang. Pinahipan ni Lam-ang sa hangin si Sumarang at ito ay sinalipadpad sa ikapitong bundok.

Sa tahanan nina Ines ay maraming tao. Hindi napansin si Lam-ang. Tumahol ang mahiwagang aso ni Lam-ang. Nabuwal ang bahay. Tumilaok ang mahiwagang tandang. Muling tumayo ang bahay. Napansin si Lam-ang.

Ipinagtapat ng tandang at aso ang kanilang layunin. Nais pakasalan ni Lam-ang si Ines. Hindi naman tumutol ang mga magulang ni Ines kung magbibigay si Lam-ang ng panhik o bigay-kaya na kapantay ng kayamanan nina Ines.

Nagpadala si Lam-ang ng dalawang barkong puno ng ginto at nasiyahan ang mga magulang ni Ines.

Si Ines at si Lam-ang ay ikinasal nang marangya at maringal sa simbahan. Pagkatapos ng kasalan, bilang pagtupad sa kaugalian ng mga tao sa Kalanutian, kailangang manghuli si Lam-ang ng mga isdang rarang. Nakikinikinita ni Lam-ang na may mangyayari sa kanya, na siya ay makakain ng pating na berkahan. Ipinagbilin ni Lam-ang ang dapat gawin sakaling mangyayari ito.

Si Lam-ang ay sumisid na sa dagat. Nakain siya ng berkahan. Sinunod ni Ines ang bilin ni Lam-ang. Ipinasisid niya ang mga buto ni Lam-ang. Tinipon ito at tinakpan ng saya ni Ines. Inikut-ikutan ng mahiwagang tandang at mahiwagang aso. Tumilaok ang tandang at tumahol ang aso.

Walang anu-ano’y kumilos ang mga butong may takip na saya. Nagbangon si Lam-ang na parang bagong gising sa mahimbing na pagkakatulog.

Nagyakap si Lam-ang at si Ines. Kanilang niyakap din ang aso at tandang. At namuhay silang maligaya sa mahabang panahon.

Ang halimbawa ng epiko ng Luzon na pinamagatang, “Biag ni Lam-ang,” ay mula sa pinoycollection.com.

Ang mga halimbawa ng epiko sa Luzon na may buod na pinamagatang, Biag ni Lam-ang, ay tinaguriang pinaka-sikat na epiko sa buong bansa. Dagdag pa rito, ito ay nag-iisa itong Kristiyanisadong epikong-bayan. Ang epikong ito ay ipinasa ng ating mga ninuno sa maraming henerasyon at naisulat lang noong bandang 1640 ng isang bulag na Pilipinong may-akda na si Pedro Bucaneg.

Hudhud: Kwento ni Aliguyon (Buod Ng Hudhud – Epiko ng Ifugao)

Isang araw sa nayon ng Hannanga, isang sanggol na lalaki ang isinilang sa mag-asawang Amtalao at Dumulao. Ang pangalan niya ay Aliguyon. Siya ay matalino at masipag matuto ng iba’t ibang bagay. Katunayan, ang napag-aralan niyang mahahalaga mula sa mga kasaysayan at pangaral ng kanyang ama ay marami. Natuto siya kung paano makipag-bakbakan nang mahusay, at paano umawit ng mga mahiwagang gayuma (encantos, magic spells). Kaya kahit nuong bata pa, tiningala na siya bilang pinuno, at hanga ang mga tao sa kanya.

Nang mag-binata si Aliguyon, ipinasiya niyang sagupain si Panga-iwan, ang kaaway ng kanyang ama, sa nayon ng Daligdigan. Subalit ang sumagot sa kanyang hamon ay hindi si Pangaiwan. Ang humarap sa kanya ay ang mabangis na anak nito, si Dinoyagan na bihasa rin sa bakbakan tulad ni Aliguyon.

Hindi naaling, pinukol ni Aliguyon ng sibat si Dinoyagan. Kasing bilis ng kidlat, umiktad si Dinoyagan upang iwasan ang sibat. Wala pang isang kurap ng mata, binaligtad ni Dinoyagan ang sibat at hinagis pabalik kay Aliguyon. Umiwas din si Aliguyon at sinalo rin ng isang kamay sa hangin ang humahagibis na sibat. Binaliktad din niya at ipinukol uli kay Dinoyagan.

Pabalik-balik at walang tigil, naghagisan at nagsaluhan ng sibat si Aliguyon at Dinoyagan. Umabot na ng ilang taon ay hindi pa rin tumigil ang bakbakan, at walang nagpakita ng pagod o pagsuko sa dalawa. Subalit sa bangis at dahas ng kanilang paghahamok, kapwa sila humanga sa giting at husay ng kalaban, at pagdaka’y natuto silang igalang ang isa’t isa.

Biglang bigla, tumigil sina Aliguyon at Dinoyagan at sa wakas ay natigil ang bakbakan. Nag-usap at nagkasundo sila ng payapa. Buong lugod na sumang-ayon ang lahat ng tao sa nayon ng Hannanga at Daligdigan, at ipinagdiwang nila ang pagkakaibigan ng dalawa.

Sa paglawak ng katahimikan, umunlad ang dalawang nayon. Naging matalik na magkaibigan sina Aliguyon at Dinoyagan. Naging asawa ni Aliguyon si Bugan samantalang napangasawa naman ni Dinoyagan ang kapatid na babae ni Aliguyon, si Aginaya.

Ang dalawang pamilya ay iginalang ng lahat sa Ifugao at namuhay ng masaya.

Ang halimbawa ng epiko ng Luzon na pinamagatang, “Hudhud: Kwento ni Aliguyon ,” ay mula sa pinoycollection.com.

Ang mga halimbawa ng epiko sa Luzon na may buod na pinamagatang Hudhud ay isang mahabang tula na pasalaysay at karaniwang inaawit sa panahon ng tag-ani. Kapag ang taong tinitingala ay namatay, inaawit ito sa kanyang lamay dahil sa kanyang yaman at prestihiyo. Sa kwentong ito, isang karanasan ng pambihirang nilalang sa pagsuyo at pakikipag-isang-dibdib niya sa isang babaeng mula rin sa uring kadangyan.

Ibalon (Buod ng Ibalon – Epiko ng Bicol)

Si Baltog ay nakarating sa lupain ng Ibalon dahil sa pagtugis niya sa isang malaking baboy-ramo. Siya’y nanggaling pa sa lupain ng Batawara. Mayaman ang lupain ng Ibalon at doon na siya nanirahan. Siya ang kinilalang hari ng Ibalon. Naging maunlad ang pamumuhay ng mga tao. Subalit may muling kinatakutan ang mga tao, isang malaki at mapaminsalang baboy-ramo na tuwing sumasapit ang gabi ay namiminsala ng mga pananim. Si Baltog ay matanda na upang makilaban. Tinulungan siya ng kanyang kaibigang si Handiong.

Pinamunuan ni Handiong ang mga lalaki ng Ibalon upang kanilang lipulin ang mga dambuhalang buwaya, mababangis na tamaraw at lumilipad na mga pating at mga halimaw na kumakain ng tao. Napatay nila ang mga ito maliban sa isang engkantadang nakapag-aanyong magandang dalaga na may matamis na tinig. Ito ay si Oriol. Tumulong si Oriol sa paglipol ng iba pang mga masasamang hayop sa Ibalon.

Naging payapa ang Ibalon. Ang mga tao ay umunlad. Tinuruan niya ang mga tao ng maayos na pagsasaka. Ang mga piling tauhan ni Handiong ay tumulong sa kanyang pamamahala at pagtuturo sa mga tao ng maraming bagay.

Ang sistema ng pagsulat ay itinuro ni Sural. Itinuro ni Dinahong Pandak ang paggawa ng palayok na Iluad at ng iba pang kagamitan sa pagluluto.

Si Hablon naman ay nagturo sa mga tao ng paghabi ng tela. Si Ginantong ay gumawa ng kauna-unahang bangka, ng araro, itak at iba pang kasangkapan sa bahay.

Naging lalong maunlad at masagana ang Ibalon. Subalit may isang halimaw na namang sumipot. Ito ay kalahating tao at kalahating hayop. Siya si Rabut. Nagagawa niyang bato ang mga tao o hayop na kanyang maengkanto. May nagtangkang pumatay sa kanya subalit sinamang palad na naging bato. Nabalitaan ito ni Bantong at inihandog niya ang sarili kay Handiong upang siyang pumatay kay Rabut.

Nalaman ni Bantong na sa araw ay tulog na tulog si Rabut. Kaniya itong pinatay habang natutulog.

Nagalit ang Diyos sa ginawang pataksil na pagpatay kay Rabut. Diumano, masama man si Rabut, dapat ay binigyan ng pagkakataong magtanggol sa sarili nito. Pinarusahan ng Diyos ang Ibalon sa pamamagitan ng isang napakalaking baha.

Nasira ang mga bahay at pananim. Nalunod ang maraming tao. Nakaligtas lamang ang ilang nakaakyat sa taluktok ng matataas na bundok. Nang kumati ang tubig, iba na ang anyo ng Ibalon. Nagpanibagong buhay ang mga tao ngayon ay sa pamumuno ni Bantong.

Ang halimbawa ng epiko ng Luzon na pinamagatang, “Ibalon,” ay mula sa pinoycollection.com.

Ang mga halimbawa ng epiko sa Luzon na may buod na pinamagatang Ibalon ay isang salaysay ng pakikipagsapalaran ng mga bayaning sina Baltog, Handiong, at Bantong. Tinagurian itong isang mitolohikong salaysay ito ng mga Bikolano. Nagsimula ang kwentong ito sa pagsasalaysay ng kahilingan ng ibong si Yling na kantahin ang karanasan ng tatlong bayani. Matapos niyang isalalysay ang kwento ng tatlong bayani na sina Baltog, Handiong at Bantog ay tiyaka lamang siya huminto sa pagkanta.

Kudaman (Buod ng Kudaman – Epiko ng Palawan)

Nagsisimula ito sa istorya kung paano napangasawa ni Kudaman si Tuwan Putli, at pagkaraan, ang tatlo pang asawa na nagturingang magkakapatid at nagsáma-sáma sa isang tahanan. Sinundan ito ng pagdalo sa isang pagdiriwang ng mga Ilanun upang manggulo. Ilang taóng naglaban si Kudaman at ang pinunòng Ilanun at sa ganitong labanan ay nagwawagi sa dulo ang bayani upang kaibiganin ang nakalaban. Anupa’t malimit magtapos ang mga bahagi ng tultul sa malaking inuman ng tabad, ang alak ng Palawan, at pagkonsumo ng mahigit sandaang tapayan ng alak. Dili kayâ’y nagsisimula ito sa malaking inuman na nauuwi sa labanan kapag nalasing ang mga panauhin. Sa dulo ng mga nairekord na tultul, sampu na ang asawa ni Kudaman na nakatagpo sa iba’t ibang abentura.

Gayunman, mapapansin diumano ang taglay na hinahon at paghahangad ng kapayapaan ni Kudaman. Maraming tagpo ng sigalot na tinatapos sa kasunduang pangkapayapaan at pagpapasiya alinsunod sa tradisyong Palawan. Nakapalaman din sa tultul ang mga kapaniwalaan ng Palawan at ang konsepto nilá ng sandaigdigan.

Ang halimbawa ng epiko ng Luzon na pinamagatang, “Kudaman,” ay mula sa pinoycollection.com.

Ang mga halimbawa ng epiko sa Luzon na may buod na pinamagatang Kudaman ay tungkol kay Kudaman na datu ng Kapatagan. Siya ay may putong na kalapati at may tahanang naliligid ng liwanag. Dagdag pa rito, ito ay umaabot sa 60 tultul o epikong-bayan ng pangkating Palawan na nakolekta ni Nicole Revel-Macdonald pagkatapos ng 20 taóng saliksik mulang 1970. Isinalin sa Filipino ni Edgar B. Maranan ang tultul nang ilathala noong 1991.

Manimimbin (Buod ng Epiko ng Palawan)

Ang binatang si Manimimbin na naglakbay sa paghahanap ng asawa. Nakatagpo siyá ng isang babae na inibig niya ngunit tumutol sa kaniyang panunuyò. May kapatid ang babae, si Labit, na naging kaibigan ni Manimimbin.

Sa pagpapatuloy ng kuwento, nag-away sina Manimimbin at Labit. Dahil kapuwa may mahiwagang kapangyarihan, tumagal ang kanilang paglalaban at walang manalo. Naisip niláng lumipad sa langit at humanap ng tagapamagitan. Natagpuan nilá ang Kulog at bumalik silá sa lupa.

Sa ikalawang paglalakbay ni Manimimbin at sa tulong ng mga mahiwagang ibon at ng Binibini ng mga Isda, nagwakas ang epikong-bayan sa sabay na pagiisang-dibdib nina Manimimbin at Labit. Nakasal si Manimimbin sa kapatid ni Labit at si Labit sa kapatid ni Manimimbin.

Ang halimbawa ng epiko ng Luzon na pinamagatang, “Manimimbin,” ay mula sa pdfcoffee.com.

Ang mga halimbawa ng epiko sa Luzon Tagalog na may buod na pinamagatang Manimimbin ay tungkol sa isang binatang si Manimimbin na naglakbay sa paghahanap ng asawa. Ito ay nalikom mula kay Masinu ng etnolohistang Pranses na si Nicole Revel sa kaniyang pagsasaliksik sa Palawan. Ang epikong ito ay nalathala niya sa Paris noong 2000 na may kalakip na mga salin sa Pranses at Ingles.

Ullalim (Buod ng Ullalim – Epiko ng Kalinga)

Sa Nibalya da Kalinga (Kasal ng Magkaaway), sinalakay nina Banna ang isang nayon para mamugot. Nagkaroon ng madugong labanan at napahiwalay siyá sa mga kasáma. Dahil tinutugis ng mga kaaway, naisip niyang tumalon sa ilog at magpatangay sa agos. Nakarating siyá sa isang kaaway na nayon at nakita ni Onnawa, na dagling umibig sa kaniya. Nag-iisa noon si Onnawa dahil nása pamumugot din ang ama at mga kanayon. Nagsáma sina Banna at Onnawa bago umuwi ang mandirigma. Nabuntis si Onnawa, at para mailihim ang nangyari ay ipinaanod sa ilog ang sanggol na si Gassingga, kasáma ang mga handog sa kaniya ni Banna. Mabuti’t nasagip ang sanggol ni Mangom-ombaliyon at pinalaking isang mahusay na mandirigma.

Si Banna naman ay nanligaw sa magandang si Laggunawa. Ngunit ang gusto ng ama ng babae ay ipakasal ito sa sinumang makapapatay sa higanteng si Liddawa. Marami nang mandirigmang nabigo na mapugot ang ulo ni Liddawa. Nabalitaan din ni Gassingga ang kondisyon ni Laggunawa at nagpasiyang lumahok. Nagdalá siyá ng alak sa nayon ni Liddawa at hinámon ang lahat ng inuman. Nang malasing si Liddawa, pinugot ni Gassingga ang ulo nitó at dinalá sa bahay ni Laggunawa. Ipinabalita ang kasal nina Gassingga at Laggunawa.

Nagalit si Banna sa nangyari at nagsadya sa bahay ni Laggunawa. Hinámon niya ang hindi nakikilalang anak. Nag-isip ng paraan si Laggunawa para mapigil ang labanan. Binigyan niya ng pagsubok ang dalawa. Nagwagi sa pagsubok si Banna. Ngunit kinain ng malaking sawá si Gassingga. Ipinasiyang iligtas si Gassingga. Pati si Mangom-ombaliyon ay dumating. Nailigtas ni Banna si Gassingga at nakilala ang anak. Sa dulo, nagkaroon ng dalawang kasalan. Binalikan ni Banna si Onnawa para pakasalan. Ikinasal din sina Gassingga at Laggunawa.

Ang halimbawa ng epiko ng Luzon na pinamagatang, “Ullalim,” ay mula sa kapitbisig.com.

Ang mga halimbawa ng epiko sa Luzon Tagalog na may buod na pinamagatang Ullalim ay tungkol sa bayani na si Banna ng Dulawon. Ito ay isang epikong-bayan ng mga Kalinga sa Cordillera na inilathala nina Francisco Billiet at Francis H. Lambrecht noong 1974.

Alim (Buod ng Alim – Epiko ng Ifugao)

Ang epiko ay nagsasalaysay ng isang panahong ang lupain ay saganang-sagana. Maging ang mga ilog at dagat ay sagana sa isda. Ang mga kagubatan ay maraming mga hayop na madaling hulihin. Walang suliranin ang mga tao tungkol sa pagkain. Kapag ibig nilang kumain, wala silang gagawin kundi pumutol ng biyas na kawayan at naroroon na ang bigas na isasaing. Ang biyas ng kawayan ay siya ring pagsasaingan. Noon, ang daigdig ay patag na patag maliban sa dalawang bundok: ang Bundok ng Amuyaw at ang Bundok ng Kalawitan.

Dumating ang panahong hindi pumatak ang ulan. Natuyo ang mga ilog. Namatay ang mga tao. Humukay ang ilang natitirang tao ng ilog. Ang tubig ay bumalong. Natuwa ang mga tao at sila ay nagdiwang. Subalit bumuhos ang malakas na ulan, umapaw ang mga ilog. Tumaas nang tumaas ang tubig. Nagsipagtakbo ang mga tao sa dalawang bundok subalit inabot din sila ng baha. Nalunod na lahat ang mga tao maliban sa magkapatid na sina Bugan at Wigan.

Nang bumaba na ang baha, nagpaningas ng apoy si Bugan sa bundok ng Kalawitan. Nakita ito ni Wigan sa kanyang kinaroroonan sa bundok ng Amuyaw. Pumunta si Wigan kay Bugan. Nalaman nilang silang dalawa lamang magkapatid ang natirang tao sa daigdig. Nagtayo ng bahay si Wigan na tinirahan nila ni Bugan. Pagkaraan ng ilang panahon, si Bugan ay nagdalantao. Dahil sa malaking kahihiyan tinangka ni Bugan na magpakamatay.

Pinigil siya ng isang matanda. Ito’y bathala ng mga Ifugao, si Makanungan. Ikinasal ni Makanungan si Wigan at si Bugan. Nagkaroon sila ng siyam na anak, limang lalaki at apat na babae. Nang dumating sila sa hustong gulang, ang apat na lalaki ay ikinasal sa apat na babae. Ang bunsong lalaki na si Igon ang natirang walang asawa. Namuhay silang masagana.

Paglipas ng ilang panahon, nakaranas sila ng tagtuyot. Wala silang ani. Naalala ni Wigan at ni Bugan si Makanungan. Sila’y nanawagan dito at hinandugan nila ng alay na daga. Patuloy pa rin ang tagtuyot. Naisipan nilang si Igon ang patayin at siyang ihandog sa Bathala. Natapos ang pagsasalat at tuyot.

Subalit nagalit si Makanungan sa ginawa nilang pagpatay at paghahandog ng buhay ni Igon. Isinumpa niya ang mga anak nina Wigan at Bugan. Sinabi niyang maghihiwa-hiwalay ang magkakapatid – sa timog, sa hilaga, sa kanluran, sa silangan. Kapag sila’y nagkita-kita, sila’y mag-aaway at magpapatayan. Kaya’t ang mga tribong ito ng mga tao sa kabundukan, magpahangga ngayon ay naglalaban at nagpapatayan.

Ang halimbawa ng epiko ng Luzon na pinamagatang, “Alim,” ay mula sa kapitbisig.com.

Ang mga halimbawa ng epiko sa Luzon Tagalog na may buod na pinamagatang Alim ay tungkol sa isang lupain na masaga sa yamang ilog, dagat at kagubatan. Ang pasalaysay na tula mula sa Ifugao ay nagsasaad ng kabayanihan ng pangunahing tauhan na nagtataglay ng katangiang nakahihigit sa karaniwang tao. Ang kwento ay umiikot sa magkapatid na Wigan at Bugan.

Summary ng Epiko ng Luzon – 7 Halimbawa Ng Buod Ng Mga Epiko Sa Luzon Tagalog

Sa pagdaan ng maraming panahon, nakatatak pa rin sa ating mga Pilipino ang buod ng mga halimbawa ng epiko ng Luzon na pinaniwalaan ng ating mga ninuno sa kanilang panahon. Ito ay naging malaking instumento sa ating pagkakakilanlan at masasabing maipagmamalaki talaga natin bilang mga Pilipino. Wala man tayong basehan kung totoo ang mga pangyayaring ito, tiyak namang namangha tayo at naaliw ng mga kawili-wiling epiko sa ating bansa.

Kaya, hinihikayat ko kayong magbasa at palawakin ang inyong mga imahenasyon. Maging mapang-usisa at alamin ang epiko ng iyong bansa.

Para Sa Iba Pang Filipino Lessons

Inquiries

If you have any questions or suggestions about, Summary ng Epiko ng Luzon – 7 Halimbawa Ng Buod Ng Mga Epiko Sa Luzon Tagalog 2021. Let us know what you think about this post by leaving a comment below.

We are Proud Pinoy.

Leave a Reply

%d bloggers like this: