ALAMAT NG BAWANG – Sa artikulong ito, matutunghayan natin ang buong kwento tungkol sa “Alamat ng Bawang” na may buod at aral. Ito ay siguradong makapagbibigay ng aliw at aral sa inyo.
Ang alamat o legend sa Ingles ay mga kwentong bayan at may kahulugan na uri ng panitikan kung saan tinatalakay ang pinagmulan ng mga bagay-bagay sa daigdig. Ito ay mga kathang-isip na nagpasalin-salin sa mga henerasyon kung kaya’t ito ay buhay na buhay pa rin hanggang ngayon.

Sana maging inspirasyon natin itong maikling halimbawa ng alamat na pinamagatang “Alamat ng Bawang” para magtagumpay sa buhay. Marahil ay makaka-relate ka sa mga karanasan ng mga sumulat ng alamat na ito.
Alamat ng Bawang
Mapag-aruga at mapagmahal na ina si Uganda.
Hinahangaan siya ng lahat sa pagsisikap na mapalaking mabait ang kaisa-isang anak na si Kulala.
Ulila na sa ama si Kulala. Bata pa siya nang matuklaw ng ahas sa bundok ang kaniyang ama. Totoong mahirap lumaking walang ama. Para kay Kulala, hindi buo ang pamilya nila kung patay na ang isa sa mga magulang niya.
Noong una ay hirap din si Uganda. Ina lang sana ang papel na ginagampanan niya. Nang mamatay ang asawa, siya na ang ina, siya pa rin ang naging ama. Pero kahit nag-iisa na siya ay hindi na niya inisip mag-asawa.
Pinagsikapan niyang palakihin sa mabuting asal si Kulala. Sa sobrang hirap na dinadanas, may ambisyon ding gustong maipakamit si Uganda sa anak. Nais niyang makapag-asawa ito ng mayaman upang malayo sa karalitaang kanilang naranasan.
Sa pakiwari ni Uganda, marapat lamang na bumuti ang buhay ni Kulala.
May kasabihang ang kagandahan at kabaitan ay maaaring maging kasangkapan upang makapamili ng kakasamahin sa buhay. Kung maganda ang isang dalaga, maaaring makapag-asawa siya ng binatang may sapat na karangalan at sapat ding kayamanan. Ito ang naging pamantayan ni Uganda para sa anak.
Ang kagandahan ni Kulala ay lalong napag-usapan nang magdadalaga na siya. Makinis ang kutis at balingkinitan ang katawan niya. May mabibilog at nangungusap na mga mata siya.
Ang mga labi niya, kahit di kulayan ay sariwang rosas ang katulad. Ang tinig niya ay may lambing na dala lalo’t kapag siya ay nagtatampo na.
Sapagkat marunong makipagkapwa tao kaya siya ay kaibigan ng bata at matanda. Mahirap at mayaman ay pantay lang sa kanya. Mabuti mang tao o masama ay pinakikiharapan niya.
Wala siyang pinipili. Para sa kanya, ang pagpapakatao ay isang mabuting pag-uugali at sapagkat tayong lahat ay galing sa isang tipak na lupa, mauuwi rin daw tayo sa pinanggalingang lupa ni Bathala…
Pindutin ang pindutan sa ibaba upang mabasa ang buong kwento ng “alamat ng bawang.”
Buod ng Alamat ng Bawang
Ang “Alamat ng Bawang” ay tungkol sa napakagandang dalaga na nagngangalang “Kulala.” Noong unang panahon, may isang mapag-aruga at mapagmahal na ina na si Uganda na pinalaki ng mag-isa ang kanyang mahal na anak.
Naging mahirap para kay Uganda ang palakihing mag-isa si Kulala ngunit pinagsikapan niya na palakihin ito ng may mabuting asal. Sa sobrang hirap na dinanas, nais ni Uganda na makapag-asawa ng mayaman si Kulala.
Nang magdalaga na si Kulala, napag-usapan ito ng karamihan at marami ang kanyang naging manliligaw. Ngunit, walang napili si Uganda ni isa sa mga ito. Kaya’t lahat ng kanyang manliligaw ay nagpapakiramdaman at nagpapayabangan mapatunayan lamang sa dalaga ang kanilang pag-ibig.
Sa kalaunan, may mga namatay na manliligaw sa pagnanais na mapasagot ang kagandahang pinag-aagawan ng kabinataan. Nanginginig sa takot si Kulala tuwing dinadala ang bangkay ng kanyang mga manliligaw sa kanila. Humahagulgol si Kulala sa nangyayari at napuno ng kalungkutan ang kanyang katauhan.
Lito ang isip na pumunta si Kulala sa ituktok ng bundok at nagmakaawa kay Bathala, at sinabi ang mga katagang “kunin na po ninyo ako, maawa po kayo!” Ng sumikat ang araw ay nakita ng mga tao ang bangkay ni Kulala ng nakangiti.
Sa tuktok ng Bundok ipinalibing ni Uganda ang bangkay ng anak. Lagi niya itong dinadalaw hanggang sa may tumubong halaman dito. Nang magbunga ay napansin niyang kahawig ito ng mapuputing ngipin ni Kulala.
Tumingala sa langit si Uganda at malinaw na narinig ang tinig ni Bathala. “Nasa kaharian Ko na si Kulala at masayang-masaya. Ang halamang iyan ay magpapaalala sa iyo sa mapuputing ngipin ng anak mo. Alagaan mo at ipakilala sa mga tao.”
Kumuha ng mga bunga ng halaman si Uganda at ipinatanim ito sa mga kapitbahay. Ito ang pinagmulan ng tinatawag natin ngayong “bawang.”
Aral ng Alamat
Ang aral sa alamat na ito ay “ang pagkakaroon ng mabuting kalooban ay makakapagbigay sa atin ng walang hanggang kasiyahan.” Tayo ay maging makatao, sapagkat tayong lahat ay pantay-pantay lamang sa mata ng Diyos.